9
“Bakit ka magpapakasal sa akin?”
“Ano ang gusto mong isagot ko?”
“Na mahal mo ako. Na hindi ikasasakit ng kalooban mo na panakip-butas ka lang sa pagkakamali ng pamangkin mo. At gusto mong ako ang maging mistress ng dream house na ipinagawa mo. And that you would spend the rest of your life with me.”
“All right, makinig ka sa akin. Hindi ko kailanman magugustuhan na maging panakip-butas ng kahit na sino. Pero dahil mahal kita, maluwag kong tatanggapin iyon sa kalooban ko.”
Parang kailan lang ang sagutang iyon sa pagitan nila ni Chino. Naalala pa ni Lilac na sa simula ay gusto pa niyang inisin ito. Dahil hindi siya makapaniwala na sa maikling panahon ay matututuhan siyang mahalin nito.
May katwiran naman pala siya upang hindi kaagad maniwala. Dahil natuklasan na niya ang tunay na dahilan kaya siya pinakasalan nito.
“K-kung gano’n pala, si Chino ang nagpapagawa ng bahay na 'yan?” hingi niya ng kumpirmasyon kay Ernest nang makabawi siya.
“Oo. But sad to say, hindi ikaw ang ititira niya sa bahay na 'yan.”
“I-ibang babae?” tanong uli niya kahit dagdag na sakit ang magiging sagot nito para sa kanya.
Tiningnan siya nito nang may panghihinayang. “Sana binigyan mo na lang ako noon ng isa pang pagkakataon, Lilac. Dahil ako, tiyak ko sa sarili kong mahal kita. Wala akong itinago sa iyo pati na ang tungkol kay Mayen...”
Gusto sana niyang isumbat dito na ipinagtapat lang nito sa kanya ang tungkol sa babaeng iyon dahil nabuko muna niya ito. Ngunit nagsawalang-kibo na lang siya para magpatuloy ito sa isinisiwalat.
“Ngayon, pinalaya na niya ako. Puwede na sana tayong magpakasal. Pero ikaw naman ang hindi na malaya.”
“Tell me, sinong babae ang ititira 'kamo ni Chino rito?” hindi makapaghintay na usisa niya.
“Well, tanungin mo na lang siya tungkol kay Dess. Sa pagkakaalam ko ipinangalan na niya ang isandaang ektarya ng lupang ito sa babaeng iyon. Dahil nga doon kaya galit ngayon si Papa kay Tito Chino.”
Bumaba na siya ng kotse nito.
“Hindi ka man lang ba magpapasalamat sa mga impormasyon na ibinigay ko sa iyo?” habol ni Ernest sa kanya.
“Aalamin ko pa kung dapat nga akong magpasalamat sa iyo.” Pagkasabi niyon ay mabibilis ang hakbang na nagtungo na siya sa kinapaparadahan ng kanyang kotse.
Sa inis yata sa kanya, hindi pa man niya nararating ang kanyang sasakyan ay pinaharurot na ni Ernest ang kotse nito.
Naiwan siyang natitilihan pa rin. Dess. Natatandaan niyang empleyada ni Chino ang babaeng iyon. Ang babaeng simple, walang makeup ngunit maganda. May lihim na ugnayan pala ang dalawa. At iyon ay tiyak na bago pa sila makasal ng asawa niya.
Baka nga hindi iyon lihim. Baka siya lang ang hindi nakakaalam ng tungkol sa affair ni Chino kay Dess. Kaya pala natiis ni Chino ang mga kaimposiblehan ng pag-uugali niya para makasal lamang sila. May higit pala itong malaking pakinabang na nakuha roon.
Nag-init ang sulok ng mga mata ni Lilac Ngayon pa lang napapawi ang pamamanhid niya pagkatapos marinig ang mga ipinagtapat ni Ernest. Hinayaan niyang pumatak ang mapapait na luha mula sa mga mata niya.
Hindi lang pride niya ang nasaktan. Dahil kung ang pride lang niya ay hindi niya iiyakan ang natuklasan. Higit na masakit sa kanya ang betrayal ni Chino dahil mahal na niya ito.
BINABASA MO ANG
Braveheart Series 3 Chino Villareal Helpless Romantic COMPLETED
RomancePhr Imprint Published in 2006