Voiceless
1
Walong taong gulang pa lamang ako nang maghiwalay ang mga magulang ko. Wala akong ibang ginawa kundi ang umiyak.
Ang umiyak sa tuwing nakikita kong umuuwing lasing ang papa. Ang umiyak sa tuwing naririnig ko ang patagong pag aaway ng mama at papa. Ang umiyak sa walang sawang pagsusumbatan nila sa isa't isa. Ang umiyak noong nakita ko ang gabi gabing pag iyak ng mama. Ang umiyak noong marinig kong gusto na nilang sukuan ang relasyon na meron sila. Ang umiyak noong napagdesisyunan nilang maghiwalay. Ang umiyak noong sabihin sa akin ni papa na kay mama na lang ako sumama. At ang umiyak nang iwan ako ni mama kay mamay.
Hindi naging madali ang buhay ko noong bata ako. Sa murang edad naramdaman ko na agad ang mawalan ng magulang. Hindi dahil sa kinuha na sila ni Lord kundi dahil iniwan nila ako na tila nakalimutan na nilang may anak pang nahihintay sa kanila.
Laking pasasalamat ko na nga lang at nandyan ang mamay ko. Hindi sya nagsawang ibigay sa akin ang pagmamahal na hinahanap ko kina mama at papa. Wala syang sawa sa paghingi na tawad dahil sa pagkakamaling ginawa ng kanyang anak at wala rin akong sawang nagpapaalala sa kanya na wala syang kasalanan, na yun ang pinili nilang desisyon.
Nakapagtapos ako ng elementary nang si mamay ang umakyat sa stage para sa honor na nakuha ko. Noong mga panahon na yun umasa pa rin ako na makakadalo kahit sino kina mama at papa. Limang beses akong nagtext kay papa para sabihin na kung maaari ay sya ang magsabit ng medal sa akin. Ngunit isang "Congratulations!" lang ang natanggap ko na reply galing sa kanya pero hindi pa rin ako nawalan ng pag asa. Mga tatlong beses naman kaming tumawag ni mamay kay mama bago nya sagutin ang tawag. Tuwang tuwa sya noong malaman nyang nakatanggap ako ng honor at nagtatanong sya kung anu ang regalo na gusto kong matanggap.
"Ma kahit pumunta na lang po kayo at ikaw ang magsabit ng medal sa akin."
Biglang tumahimik sa kabilang linya. "Oo anak pupunta ako!" Tuwang tuwa kami ng mamay nang marinig namin ang sagot ni mama.
Ilang beses rin tinawag ang pangalan ko bago ako tuluyang umakyat ng stage ng mga oras na yun. Dahil hinihintay ko na kahit sino kina mama at papa ang lalapit para sa akin at aayaing umakyat ng stage pero si mamay na laging nandyan para suportahan ako ang nagsabit sa akin ng medalya.
Nakapasok ako sa magandang school noong mag highschool ako. Wala pa rin pinagbago. Tahimik pa rin ako. Natatakot ako na baka dahil sa akin ay makasira ako ng relasyon. Hindi ako masyado umiimik. Hindi kita kakausapin kung hindi mo ako kakausapin. Ganyan ang naging gawain ko noong highschool ako. Tanging si mamay lang ang pinagkukwentuhan ko ng mga bagay bagay at kuntento na ako dun.
Isang taon na lang ang gugugulin namin noong may nagtransfer sa amin na babae. At nagkataon din na naging kaklase namin sya. Marami agad syang naging kaibigan hindi tulad ko na kay tagal tagal nang umuupo sa loob ng classroom na yun ay wala pa rin akong matatawag na isang kaibigan.
"Hi! Ako nga pala si Ally." Sabay nyan ay inabot mo sa akin ang kamay mo.
Sa loob ng isang Linggong kakadikit mo sa akin ay naging palagay agad ang loob ko sayo. Hindi lang ako ang iyong mga kaibigan. Sobrang dami mong kaibigan na kahit saan ka pumunta ay may nagtatawag ng pangalan mo at kakawayan ka. Hindi ko rin wari maisip na bakit mo rin naisipan na makipagkaibigan sa akin na sobrang tahimik na walang ibang kinakausap sa room.
Palagi kang may baon na kwento. At kung anu ano ding pagkain ang binibigay mo sa akin tuwing break. Ang sabi mo gawa iyon ng mommy mo at gusto nyang ipabigay sa akin. Alam mong tuwang tuwa ako dahil uhaw ako sa pag aalaga ng isang ina.
Ilang buwan na lang at magtatapos na tayo ng highschool at lagi ka pa rin nakadikit sa akin. Masaya ako dahil bago man lang ako makapagtapos ay may matatawag din akong kaibigan. Pero isang araw kumakain tayo ng lunch ng tinawag ka rin ng iba mong mga kaibigan at nagpaalam ka na sasama ka muna sa kanila saglit at babalik ka rin. Wala lang sa akin yun. Sanay na ako na marami ka talagang kaibigan maliban pa sa akin. Iniwan ko saglit yung bag natin sa table na pinagkainan natin at nag cr saglit. Tiwala ako na wala namang ibang tao na mangingialam ng gamit natin. Pero isang bagay ang hindi ko inaasahan.
Gumagawa ka ng ingay dahil hindi mo makita ang phone mong tila nawawala.
"Jacky nasa iyo ba yung phone ko?"
Yan agad ang bungad mo sa akin pagkabalik ko. Noong mga oras na yun isa lang ang naraaramdaman ko kundi panghuhusga. Hindi pa ako nakakapagsalita pero tuloy tuloy mo ng hinalungkat ang bag. Sobrang bigat ng dibdib ko ng mga oras na yun na tila tutulo na lang alin mang minuto yung mga luha ko.
Yung iba ay nakatingin sa akin na tila hinusgahan na nila ako agad. Yung iba ay nakatingin kay Ally na naghahalungkat ng bag ko na tila naghihintay sila ng isang mabigat na ebidensya.
At nang sa wakas nakita na nila ang hinahanap ng kanilang mga mata doon sunod sunod na tumulo ang mga luha ko. At tulad ng dati wala akong ibang ginawa kundi ang umiyak.
Ang umiyak ng sabihan ako ng masasakit na salita ng taong tinurin kong kaibigan. Ang umiyak ng sigawan akong magnanakaw habang pinupulot ko ang ilan kong gamit na nagkalat sa sahig. Ang umiyak ng tingnan ako ng mga kapwa ko estudyante na may kasamang panghuhusga. Ang umiyak dahil sa bagay na hindi ko ginawa. At ang umiyak na walang gustong makinig sa akin.
Gagraduate sana akong may honor ngunit dahil sa isang bagay na hindi ko ginawa ay nagtapos akong walang karangalan. Sobrang lungkot ng mamay noong malaman nya yun at ang sinabi ko na lamang sa kanya ay dahil napabayaan ko ang ilan kong subject. Ayaw ko ng makadagdag sa nararamdaman nya dahil alam ko ay may sakit na rin siyang iniinda at ayaw nya lamang ipaalam sa akin.
Simula ng araw na yun ay nahirapan na akong magtiwala. Nakapasok ako sa isang sikat na university noong nag college ako. Nakakapanibago dahil bawat araw ay iba't ibang tao ang makakasalamuha mo. Kung noong highschool ay grupo grupo ginagawa ang mga bagay bagay ngayon ay mag isa ka na lang. Mas okay kaysa dati na kailangan mo pang makisama sa iba. Nasanay akong mag isa kaya hindi na mahirap sa akin gawin ang bagay na yun.
Papasok ako ng maaga para ipagluto ang sarili ko at magigising na lamang si mamay sa tuwing paalis na ako. Uuwi naman ako ng bahay na madadatnan ko si mamay na nakahiga sa sofa at natutulog. Gigisingin ko sya para lumipat sa kwarto at doon magpahinga. Halos ganyan ang naging routine ko sa araw araw. Na nakaabot ako ng college na walang magulang na kasama at kaibigan na matatawag kundi si mamay lang.
Pero minsan pala sa hindi inaasahang pagkakataon ay may isang tao pa rin ang pilit ipagsisiksikan ang sarili nya sa buhay na nakasanayan mo na hindi mo alam ay magiging malaking parte na ng pagkatao mo.
"Ako nga pala si Kris!" Sabay ng mga katagang yan ay ang mga ngiti mong una kong nasilayan sayo.

BINABASA MO ANG
Voiceless
Truyện NgắnMinsan sa hindi inaasahang pagkakataon ay may isang taong pilit ipagsisiksikan ang sarili nya sa buhay na nakasanayan mo na hindi mo alam ay magiging malaking parte pala ng pagkatao mo. "Ako nga pala si Kris!" Sabay ng mga katagang yan ay ang mga n...