"Ayaw mo ba ako makita?"
Napatingin ako sa bintana ng Bus at iniisip kung anong isasagot ko kay Vanessa.
Sa totoo lang yung susunod na hihintuan ng Bus ay babaan ko na tapos isang tricycle na lang at nasa bahay na ako. Makakahiga na ako sa kama at makakapagpahinga galing sa trabaho.
"BALINTAWAK! BALINTAWAK NA! Yung mga nasa likod dyan balintawak na!"
Nakatayo na ako ng magvibrate ang phone ko. Muli akong umupo ng makita ko ang chat nya.
"punta ka na please! Ang tagal na nating hindi nagkikita. Gusto na kitang makita,"
Tinago ko na ang cellphone ko at muling dinukot ang wallet ko. Nagdagdag ng bayad sa konduktor at ng makuha na ang ticket ko ay muli akong tumingin sa bintana ng bus na umaandar papuntang Ayala.
Napahawak ako sa dibdib ko. Hindi ko maitago ang ngiti ko. Kahit ako, gusto ko na rin siyang makita. Gusto ko ulit mahawakan ang kamay niya at mayakap siya. Namimiss ko ang lambot ng palad niya. Ang amoy ng buhok niya sa tuwing magkatabi kami.
Nananabik na ako. Kaya kahit pagod, sige ok lang. Basta para sa kanya titiisin ko tong pagod. Wala namang pasok bukas eh.
Ang pinakahuling pagkikita namin ni Vanessa ay nung lumabas kami para manuod ng sine six months ago.
Sweet moments yung scene sa pinapanuod namin. Tinignan ko siya ng palihim. Yung ngiti niya, abot hanggang tenga at halatang halata ang kilig. Itinago ko ang mga kamay ko sa bulsa ng hoodie ko. Sumandal ako at umusog ng kaunti palayo sa kanya. Gusto ko kasing pigilan ang sarili ko na hawakan ang kamay niya.
Ayoko ng ma-attach sa kanya ng todo.
Hindi na kasi pwede.
Pero walang hiya. Yung mga bida sa pelikula ay nagkatitigan at nag-kiss. Tumili si Vanessa ng bahagya at sumandal sa akin. Bigla niyang kinuha ang kamay ko.
Hindi na ako nakaimik.
Hindi na ako makahinga ng maayos.
Ayaw tumigil ng puso ko sa mabilis na pagtibok. Ang higpit ng hawak niya. Wala na akong nagawa. Hinawakan ko na rin ang kamay ni Vanessa.
Nang matapos na ang palabas, hindi na natanggal ang pagkakahawak namin sa isa't isa.
"Ortigas! Ortigas na! Yung mga bababa usog usog na po."
Bumaba na ako at tumawid sa overpass papunta sa lugar kung saan kami magkikita. Hindi ko mapigilan ang ngiti ko. Nasasabik na rin akong makita siya.
Nang makarating ako ay pinagmasdan ko lahat ng nag iinuman sa labas. Maya-maya ay may biglang kumalabit sa likod ko. Napaharap ako sa kanya at isang mahigpit na yakap ang natanggap ko mula kay Vanessa.
"Namiss kita!" ang sabi niya.
Hindi na ako nakaimik at niyakap ko na rin siya. Pasimple kong inamoy ang buhok niya na lagi kong ginagawa sa tuwing magkatabi kami. Kinurot niya ako sa tagiliran ng mapansin niya yun.
"wag mo ngang amuyin yung buhok ko! Mabaho na yan dahil sa usok."
"hindi kaya. Ganun parin kagaya ng dati."Kagaya ng dati, nung magkasama pa kami at hindi pa siya committed sa iba.
Kung pwede ko lang sana siyang ligawan.
Hindi alam ng boyfriend niya kung gaano siya kaswerte kay Vanessa. Medyo may pagka moody tong babaeng na 'to. Sa isang araw hindi mawawalan ng mura ang bunganga pero sa totoo lang, ang sarap niyang kasama. Walang arte sa katawan. Sobrang kulit at hindi nauubusan ng kwento. Kung pwede lang sana na maging kami, sana matagal ko nang ginawa.
Nagkayayaan na kaming mag-inuman. Akala ko, kami lang ni Vanessa at ng mga kasamahan niya sa trabaho. Pero ilang sandali pa, dumating na ang boyfriend niya na si Jeff.
Tumayo ako at umusog ng isang upuan. Nasa tabi ko si Vanessa at katabi niya ang Boyfriend niyang kamukha ni Bugs Bunny dahil sa laki ng ngipin nito.
Naiinis ako. Nagseselos ako kahit hindi naman dapat.
So ayun pala yung talent ko. Kaya ko pong magselos kahit hindi kami.
Tinungga ko ang bote na may kalahating laman at naubos ko iyon. Kulang pa. Parang nanabik ako sa alak. Parang gusto kong malasing.
Napatingin ako ng bahagya sa may baba niya. Magkahawak pala sila ng kamay. Nawala ang ngiti ko at tumayo ako.
Naiinis talaga ako. Hindi sa nakita ko, hindi sa boyfriend niya, kundi sa sarili ko mismo na wala namang karapatan na mainis sa nangyayari. Gusto kong iumpog ang ulo ko sa pader ng matauhan at maalalang hindi naman kami at walang kami.
Nagpunta muna ako sa CR para makahinga. Hindi ko namalayan na sumunod pala sa akin si Vanessa.
"bakit ang tahimik mo na?" ang tanong niya.
"bakit nandito yung boyfriend mo? Akala ko ba tayo- tayo lang?" balik na tanong ko sa kanya.
"Nagtanong kasi si Jeff kung nasan ako. Hindi ko rin ini-expect na pupunta siya," paliwanag niya sa akin.
Napabuntong hininga na lang ako at kinurot ko ang pisngi ni Vanessa bago ako pumasok ng CR. Pagkatapos maghugas ng kamay ay tumingin ako sa salamin. Nakakainis talaga. Gustong gusto ko si Vanessa. Mali, mahal na mahal ko pala siya. Pero ang maging kami ay isang malaking kasalanan.
Paglabas ko ay nandun pa rin si Vanessa at naghihintay. Napatingin ako sa langit na puno ng bituin. Naramdaman ko na lang ang mga daliri niyang pumasok sa pagitan ng mga daliri ko. Kagaya ng pakiramdam ko noong nanuod kami ng sine, bumilis ang tibok ng puso ko. Napatakip pa ako ng bibig dahil ayokong makita niya na nakangiti ako.
"bitawan mo na yung kamay ko. Makikita tayo ng boyfriend mo," sabay luwag ng kapit ko sa kamay niya.
"Mamaya na. Malayo pa naman tayo sa kanila," ang sabi ni Vanessa.
Ito ang pinaka ayaw kong parte. Ang tanggalin ang pagkakakapit niya sa kamay ko. Ang sakit sa pakiramdam. Pero kailangang gawin.
Napakuyom ako ng kamao at hindi ko alam kung napansin ba kami ng boyfriend niya. Ang sama kasi ng tingin niya sa amin.
Nagpatuloy kami sa kwentuhan at naparami na ng inom. Ako na mismo ang nagyayang umuwi na. Pumayag naman sila at nagbayad na kami ng bill. Naglakad na ako nang biglang kumapit sa braso ko si Vanessa. Nasa likod namin ang boyfriend niya.
"nahihilo ako," sabi ni Vanessa habang sumasandal pa sa braso ko.
"dun ka sa boyfriend mo kumapit. Mamaya magselos pa yan," bulong ko naman.
"hindi ah. Tsaka ngayon na nga lang tayo nagkasama eh. Hayaan mo na ako," ang sabi ni Vanessa.
Bumuntong hininga na lang ako at isinilid ang dalawang palad ko sa bulsa ng hoodie ko. Na tutukso kasi ako na hawakan na naman ang kamay niya.
Nasa bus station na kami at nagpaalam na sila. Tumawid sila sa kabilang waiting shed dahil doon dumaraan ang bus na sasakyan nila.
Ang sweet nilang tignan. At heto ako, nagseselos at pinagmamasdan lang silang dalawa. Sumakay na sila ng bus hanggang sa hindi ko na sila makita. Sumakay narin ako ng bus na kanina ko pa dapat ginawa. Gusto ko ng umuwi, gusto ko ng magpahinga at matulog kagaya ng gusto kong gawin kanina pa bago siya magtext sa akin.
Pero ok lang. Sulit naman ang gabing ito. Dahil kahit papaano ay nagkasama kami ni Vanessa.
Pagdating ko ng bahay ay diretso ako sa kwarto ko. Tinanggal ko ang Hoodie, blouse at skirt at nagpalit na ako ng dress na pangtulog. Pagkatapos mag hilamos ay nahiga na ako sa kama. Nagmuni-muni muna ako bago matulog.
"Kung naging lalaki lang sana ako, baka kami na ngayon ng bestfriend kong si Vanessa."
BINABASA MO ANG
More than friends
Short Story"kung pwede ko lang sana syang ligawan, edi sana matagal na kaming masaya."