10. The Chance That Was Not His

4.9K 139 28
                                    


CHAPTER NINE

“ANO BA’NG pag-uusapan natin, Ovi? Bakit ang sabi sa akin ni Ric, kini-clear mo raw ang schedule mo sa mga susunod na araw? May pupuntahan ka ba?”

“Mayroon nga, Kuya. Babalik na ako sa Isabela,” seryosong sabi niya. Nabalitaan na niya mula kay Chang ang kataksilan ni Ed Sanders kay Grace. Break na raw ang dalawa. Dapat ay matuwa siya dahil wala na ang pinakamalaking hadlang at pauwi na si Grace.

Ngunit mas mabigat ang kinakaharap niyang problema dahil nagkalakas na ng loob ang kapatid niya na suyuin si Grace. Nasaksihan pa niya nang puntahan ng Kuya Norman niya si Grace sa bahay ng mga ito bago lumipad ang huli patungo sa New York. Nasaksihan din niya kung paanong ilang araw nang malungkot ang kuya niya na tila pasan nito ang mundo. Gabi-gabi itong naglalasing. At ngayong nawala na ang pinakamalaking balakid sa pag-ibig nito kay Grace ay saka lang niya nakitang bahagyang nagliwanag ang disposisyon nito.

Mahirap para sa kanya na ipagparaya rito si Grace. Batid niya na kapag ginawa niya iyon ay hindi na siya magiging maligaya kahit kailan. Ngunit mas maaatim niya sigurong lumayo na lang sa mga ito kaysa sa makita na sinisira ng kapatid niya ang buhay nito habang masaya siya sa piling ni Grace. Iyon ay kung muli nga silang magkakaayos ng dalaga.         

Kaya kailangan niyang lumayo. Baka sakali, kung hindi na niya makikita ang mga ito ay makalimutan na niya ang pagmamahal niya kay Grace, kasama ng ideya na ipinagparaya niya ito sa Kuya Norman niya na pinagkakautangan niya pati ng kaliit-liitang bagay na tinatamasa niya sa matagal nang panahon.

Noong isang araw pa siya nagsabi sa nanay niya na uuwi siya sa kanila. Na doon muna siya. Natuwa naman ito.

“Bakit biglang-bigla yata?” nakakunot-noong tanong ng kuya niya.

“M-matagal na kasing naglalambing si Nanay. Gusto raw naman niya na makasama ako.”

“Alam mong kailangan kita rito.”

“Kaya rin namang gawin ni Ric ang mga trabaho ko.”

“Hindi ko kadugo si Ric.”

“Pero hindi lang naman ang kadugo mo ang maaaring magmalasakit sa iyo at sa mga kabuhayan mo.”

“Parang hindi ka na mapipigilan sa pag-alis.”

Napabuntong-hininga siya. “Hindi na nga, Kuya. Kaya hayaan mo na ako. Hindi ka naman na mag-iisa. Nariyan na uli ang ‘angel’ mo. I think this time, magkakaroon na ng magandang outcome ang panliligaw mo sa kanya. I wish you happiness. B-both of you.”

Napangiti ito. Kakaiba ang ngiti nito. Parang bigla ring nagkaroon ng kislap ang mga mata nito. “Sana nga, Ovi.”

DALAWANG araw pagkatapos magpaalam ni Beethoven sa kuya niya ay bumiyahe na siya pauwi sa Isabela. Tuwang-tuwa ang nanay niya pagkakita nito sa kanya. Hindi nito akalain na tototohanin niya ang sinabi niyang doon muna siya. Hindi ito magkandatuto sa pagluluto ng lahat ng mga paborito niyang pagkain.

“Narito ka na. Magkasama na tayo, pero napapansin ko na malungkot ka pa rin,” sabi nito isang gabing katatapos lang nilang maghapunan. Sa loob ng mga nagdaang taon ay napaganda at napalaki na nito ang dating bahay nila. Ang dating bahay nila na gawa sa kahoy at pawid, ngayon ay gawa na sa bato, semento, at matitibay na narra. Alam niyang dahil na rin iyon sa tulong ng kuya niya. Nabili na rin ng nanay niya ang karatig na sakahan. Ngayon ay sampung ektarya na ang sakahang pinamamahalaan nito sa tulong ng ilang mga tauhan. 

“Babae ba ang dahilan?” pukaw nito sa hindi niya pag-imik.

Ngumiti lang siya rito.

“Mahal mo siya pero hindi ka niya mahal. Ganoon ba?”

Hot Intruder, The Gorgeous TrespasserTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon