Sampo

800 13 0
                                    

Isa, tumingin ka sa aking mga mata,
Ang sakit na iniwan mo ay naririto pa.
Pagmasdan ang matang pinamahayan ng bagyo,
Sa bugso ng mga luha halos hindi na natuyo.
Dalawa, hawakan mo ang aking mga kamay,
Na nanatiling nakakapit sa kabila ng pagkangalay.
Napuno ng sugat sa pagkakatanan,
Sa sandatang hindi sapat para manalo sa laban.
Tatlo, pumikit ka at alalahanin ang tayo,
Kung paano mo minahal ang taong ngayo'y wala na lang para sa'yo.
Ang taong nagbuhos at nag-alay ng lahat,
Subalit hanggang sa huli hindi parin pala sapat.
Apat, ang mga mata mo ay imulat,
Lumawak na ba ang isip mong pahat.
Mula sa pagkamangmang at sa hindi pagkabatid,
Na totoo at tapat ang pag-ibig kong hatid.
Lima, wala kang dapat gawin kundi makinig,
Sa bawat sakit sa bawat nginig.
Nginig na dulot ng lamig ng pagmamahal mo,
At sa kinalaunan ay nawala rin ito.
Anim, huminga ka ng malalim,
At ibubuhos ko ang hapding kinimkim.
Nasa bawat tibok ng pusong inalay sa'yo,
Ang isinukli ay sakit sa lahat ng sakripisyo.
Pito, hindi ka ba nalilito,
Nung sinabi mong ako ay mahal na mahal mo?
Subalit paglaon ay bigla kang bibitaw,
Ang mga wika mo'y 'di ramdam sa'yong galaw.
Walo, hagkan mo ko ng mahigpit,
Nang maramdaman kong muli kung gaano kahigpit.
Kahigpit, ang dating tayong nawaglit,
Hagkan mo ako pakiusap hangkan mo ako kahit saglit.
Siyam, pakinggan mo ang aking puso,
Ikaw parin ang ingay ng bawat bugso.
Damhin mo ang kabog ng aking dibdib,
May umaasa pa at sayo'y umiibig.
Sampo, maaari ka ng tumalikod at umalis,
Ikaw na ang bahala kung dahan-dahan o mabilis.
Subalit kung sa daan ay ika'y maliligaw,
Bumalik ka lang, sapagkat dito sa akin ay mayroon paring ikaw.

Hugot Spoken Poetry (COMPLETED) Under Ukiyoto Publishing HouseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon