My Youth,

841 39 15
                                    

Dear you,

Ikaw ang naging dahilan kung paano ko nahanap ang mga kasagutang paulit ulit kong itinatanong sa sarili ko.

Mga tanong na kapwa umiikot sa tema ng pagmamahal. Isang malaking misteryo saakin ang salitang 'pagmamahal' bilang isang bata noong wala pang kamuwang-muwang sa mga pangyayari sa mundo.

Ngunit nang makita ko ang ngiti mo, ang mga mata mong puno ng emosyon, doon ko naisip "Marahil siguro'y ito ang pagmamahal na sinasabi nila"

Naging bihag mo ako. Sa loob ng ilang segundong paglampas ng pigura mo sa harapan ng dalawang mata ko ay nagawa mong ikadena ang ignorante kong damdamin sa'yo. Ngunit hindi ako nagsisi, sa halip ay hiniling kong paulit-ulit na huwag sana akong makalaya mula sa'yo.

Naaalala ko noon, sa hindi sinasadyang pagkakataon ay una kitang nasilayan sa isang maliit na bookshop 'di nalalayo sa unibersidad na parehas nating pinapasukan. Kapwa problemado sa mga gawaing dala ng bawat kursong napili natin. Ni hindi ko naisip na mahalaga pala ang araw na iyon. Kung tutuusi'y isang malas na araw na sana ang itatawag ko kundi lang sa pagdating mong maituturing kong himala.

Doon naramdaman ko ang mga paru-parong tinutukoy nila saaking tiyan. Tila pelikulang bumagal ang paligid at ang mga mata ko'y nanatiling nakatutok sa'yo. Hindi biro ang mga kwentong pag-ibig na sinasabi nila noon sapagkat bilang ako mismo ay naramdaman ko ang bawat simpleng detalyeng nababasa ko noon.

Nakakabighani.

Simula noon imbis na misteryo ang pagturing ko sa pag-ibig ay naging isang biyaya ito para saakin. Lalo na noong muli nanaman kitang makita habang nakangiti at puno ng sigla ang mukha. Hindi sa pagmamalabis ngunit pakiramdam ko ay nakita ko na ang mukha ng langit. Lalo pa akong nahulog at nabihag ng kagandahan mo. Katangi-tangi ka at kahit pa umalma ang iba ay paulit-ulit kong sasabihing nag-iisa ka.

Tandang tanda ko noon nang ikwento saakin ng Lola ko ang kwento kung paano niya natagpuan ang naging kapareha niya sa buong buhay. Napakaganda ng pagkakalarawan niya sa pakiramdam niya noong mga pagkakataong iyon. Ngunit ang hindi ko alam ay mas maganda at nakakaengganyo pa pala ito kung ikaw mismo ang nakakaranas.

Isang malaking sugal man ang pag-aasam sa pag-asang alam kong mahirap makuha mula sa'yo ay pinili ko paring ialay ang lahat ng nasasaakin.

Kung para sa'yo rin naman bakit ko pa kailangang ipagkait ang mga pag-aari ko?

Hindi ako pinanghinaan ng loob. Ang bawat pagpalpak ay ginawa kong inspirasyon upang makamtan ang tanging layunin ko at hindi nga ako nagkamali. Sa dulo'y napanalunan kita. Naging parte ka ng buhay ko.

Isang magandang klase ng pagkakaibigan, simula sa mga araw na iyon ay unti unti tayong naging malapit hanggang sa ibansag na saatin ng lahat ng kaklase natin ang titulong iyon. Pakiramdam ko'y daig ko pa ang pagiging isang milyonaryo. Abot tenga ang aking ngiti kahit pa alam kong pinagtatawanan mo lamang ang ideyang ipinapalaganap nila.

Binigyang buhay mo ang kapanahunan ng pamumuhay ko na pinanghahawakan ko noon. Kinulayan mo ang bawat blangkong pahina at ipinakita mo sa mga tao na napakahalaga ng naging epekto mo saakin. Kamangha-mangha.

Sa tagal ng panahong inilaan para saating dalawa, doon ko napagtantong hindi ka lang isang pagsubok o malaking laro ng sugal kundi isa kang matarik na bundok na mahirap akyatin ngunit kung mararating mo ang tuktok ay alam kong mapupunan ng pagkakuntento ang puso ko.

Ikaw ang klase ng matarik na bundok na handa kong akyatin kahit kapalit pa nito ay ang kaligtasan ko. Bilang hindi eksperto ay inaasahan kong mahuhulog ako. At kung hindi nga naman naglalaro ang tadhana, nahulog na nga ako sa kalagitnaan  pag-akyat at alam mo kung ano ang nakakatakot? Iyon ay ang katotohanang kailanman ay hindi na ako makakabangon pang muli.

youthTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon