Ang Matayog Na Kawayan

10 0 0
                                    


          Sa isang malayong pook kung saan naninirahan ang mga kawayan, may isang kawayan na namumukod tangi sa lahat. Ito'y kinaiinggitan ng karamihan dahil sa angkin nitong katanyugan. Ito'y nagniningning sa tuwing nasisinagan ng haring araw. Ito'y kumikislap sa tuwing natatapatan ng buwan. Tila ito'y isang pinuno na niyuyukuan ng karamihan.

          Isang araw, may isang munting bata na napadaan sa lugar ng mga kawayan. Nakarinig sya ng sitsit mula sa mga kawayan.

"Bata, bata, halika tingnan mo ang angkin kong katanyugan." pagmamalaki ng mapagmataas na kawayan.

Lumingon ang bata. Hinahanap nya kung sino ang nagsasalita.

"Nandito ako bata, halika't pagmasdan ang aking kaningningan." anito.

"Nasaan ka ba hindi kita makita." ang sagot ng bata.

"Tumingala ka para ako'y iyong makita."anito.

Sumunod ang bata at sya ay tumingala.

"Ang taas mo Kawayan, hindi kita makita." ang sabi ng bata.

" Tumingkayad ka upang makita mo ako." ang sabi ng kawayan.

Sinunod nya ito at tumingkayad. "Hindi pa rin kita makita, masyado kang mataas."

"Tumuntong ka sa mga bato ng sa gayon ako'y iyong makita." ang sabi ng kawayan.

"Hindi talaga kita makita. Nakakasilaw ang ningning na nakapalibot sayo." ng sabi ng bata.

Nagalit na ang mapagmataas na Kawayan. "Ang laki mong tanga. Bakit hindi ka gumawa ng paraan para ako'y iyong makita?"

Pinagpatong-patong ng bata ang mga bato saka tumuntong dito. Ngunit hindi pa rin ito maabot ng kanyang paningin. "Hindi talaga kita makita Kawayan."

"Napakatanga mo talaga. Putulin mo ang lahat ng kawayan dito at gawin mong mataas na tuntungan." ang sabi ng matayog na kawayan.

        Sinunod ito ng bata. Pinutol nya ang mga kawayan at gumawa sya ng isang napakataas na tuntungan. Ipinatong nya ang mga pinagpatong-patong na bato sa itaas ng napakataas na tuntungan. Siya'y umakyat at tumuntong sa mga bato habang nakatingkayad at tumingala upang makita ang Kawayan.  Sa kasamaang palad, nanginginig na ang kanyang mga paa, nangangawit na ang kanyang leeg ngunit hindi nya pa rin makita ang kawayan.

"Patawad Kawayan, hindi talaga maabot ng aking paningin ang iyong kaningningan. Mababali na ang aking leeg sa pagtingala, masakit na ang aking mga paa sa pagtingkayad, umiiyak na ang mga pinagputol-putol na kawayan upang maging mataas na tuntungan ngunit hindi pa rin maabot ng aking paningin ang iyong katanyugan. Maaari ka bang yumuko upang kita'y makita?" nagmamakaawang sambit ng bata.

"Ano ako tanga? Bakit ako yuyuko para sa isang batang mangmang na katulad mo?" mapagmataas na sagot nito.

"Lahat ng kawayan dito ay yumuko para maputol at makagawa ng tuntungan para lang makita ang iyong katanyugan." sabi ng bata.

"Mga tanga sila, bakit sila sumunod? Kung wala ka ng magagawang paraan para makita ako, umalis ka na. Wala kang kwenta." ang sabi ng mapagmataas na kawayan.

Umiiyak na umalis ang bata. Habang naglalakad siya'y humihikbi at nagwika,

"Panginoon, iyong turuan ng leksyon ang mapagmataas na kawayan. Masyado syang matayog. Turuan mo sya kung paano yumuko."

Pagkabigkas niya'y biglang umihip ng malakas ang hangin. Isang malaking ipo-ipo ang dumaan. Sa sobrang lakas nito'y muntik na syang matangay. Dumaan ang ipo-ipo sa mapagmataas na kawayan. Tiningnan lang ito paibaba ng kawayan.

"Hindi mo ko matatangay." matatag na sabi nito.

Umihip ng sobrang lakas ang hangin at umikot sa lugar ng kawayan.

"Hindi ako yuyuko. Hindi mo ako mapapayuko." matigas na sabi nito kahit nasasaktan na ito.

Lumakas pa ng sobrang lakas ang hangin, paikot-ikot na dumaan dito. Nakarinig ng boses ang kawayan. Tila galing sa malayong lugar.

"Kawayan, huwag mong ipagmalaki ang iyong kaningningan, katanyugan at katanyagan. Katulad ka rin ng karamihan, isang kawayan. Kayo'y matatag sa bawat unos na dumaan hangga't kaya ninyong yumukod. Matuto kang yumuko at magpakumbaba. Sa paglipas ng panahon, ang mga bagay na iyong ipinagmamalaki ay lilipas din." sabi ng malamig na tinig.

"Ayoko. Sino ka ba? Bakit ako yuyuko dahil lang sa sinabi mo?" matigas na pagtutol nito.

            Dumoble pa ang lakas ng hangin, sobrang lakas, pati mga buhangin at mga bato ay inilipad na papunta dito. Puro galos na ito dahil sa dami ng mga bato at buhangin na humahampas dito.

"Ikaw ang masusunod. Maghihintay ako kung kailan ka matututong yumuko." at biglang naglaho ang malamig na tinig.

"Hah! Akala mo hindi ko ito kaya. Kaming mga kawayan ay matitibay. Hindi nagigiba sa bawat unos na dumating." pagmamalaki pa nito kasabay ng paghalakhak.

Nagdagsaan ang mga bato na humahampas dito. Nataranta ang mapagmataas na kawayan. Lumangitngit na ang katawan nito na animo mababali na. Nilabanan nya ang bawat hampas ng bato, buhangin at ng hangin. Natutuklap na ang kanyang balat.

"Aray ko. Aray ko. Tama na. Nasasaktan na ako." napaiyak na ang kawayan.

     Sa patuloy na pagdagsa ng mga bato't buhangin at hampas ng hangin, unti-unting yumuko ang mapagmataas na kawayan. Unti-unting naglaho ang kanyang ningning, katanyugan at katanyagan.

"Patawad. Alam kong nagkamali ako. Isa lamang akong normal na kawayan. Magkakatulad lang kami. Iisa lang ang lumikha sa amin. Ako'y patawarin mo at ako'y magbabago na." humihikbing wika nito habang nakayuko.

Biglang nawala ang ipo-ipo.

"Magmula ngayon, sa tuwing ika'y magmamataas, may hangin na magpapaalala sayo ng kababaang-loob. Mahinang hangin lang ang hahampas sayo at ikaw ay yuyuko at iiyak." ani ng malamig na tinig.

        Sa paglipas ng panahon, sa tuwing napapadaan ang bata sa lugar ng kawayan, umiihip ng mahina ang hangin at ang dating hambog na kawayan ay yumuyuko at sumusunod sa galaw ng hangin habang umiiyak.

       Sa kasalukuyan, mapapansin na ang kawayan ay laging yumuyuko at lumalangitngit sa kaunting hangin lang na dumaan. Ito'y simbolo ng pagsisisi at pagpapakumbaba.

Ang Matayog Na KawayanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon