"Nakikinig ka ba sa'kin, Angela?",tanong ng aking guro at doktor na rin sa akin.
Lumingon lang ako sa kanya, nakatulala lang kasi ako sa bintana. Hindi pa rin mawaglit sa aking isipan na binaril ng kung sinuman sa grupo ni kuya si Rigor. 'Buhay pa kaya siya?' Iyan ang paulit-ulit sa aking isipan. Wala tuloy akong ganang mag-aral.
"Ayokong mag-aral ngayon, Mrs. Morfe.",diretso kong sinabi sa kanya. Hindi ko na sinagot kung nakikinig ba ako o hindi.
Tumango lang siya sa akin. Sinuri niya muna ako bago nagsalitang muli. "Uminom ka na ba ng gamot?"
"Oo."
"Masama sa'yo ang masyadong pag-iisip.",anang babaeng ito habang nililigpit ang kanyang gamit. "Umiibig ka na,ano?",dagdag pa niya. Advantage talaga ng mga psychologist ang pagbasa sa kilos at salita ng isang tao.
Imbes na sumagot ay nagsimula na akong lisanin ang silid-aklatan ng aming tahanan. Simula nang magising ako sa ospital, I started homeschooling.
"Hindi rin maganda kapag kinikimkim ang problema."
Sa kanyang pananalitang ito ang naging sanhi ng pagbuka ng aking taklesang bibig.
"Masasagot mo ba kung patay na si Rigor kapag sinabi ko sa'yo? May magagawa ka ba?",napa-awang ang kanyang bibig. Tinalikuran ko na lang siya lalo na't nakokonsensiya ako sa aking inasal. Hinawakan ko ang seradura at tuluyang lumabas bago pa siya makapagsalita ulit.
Buong araw akong nasa loob ng kwarto pagkatapos ng engkwentro ko kay Mrs. Morfe. Nagsisimula ng dumilim nang maisipan kong magbabad sa bathtub.
Pumasok akong nakabalabal ang tuwalya sa aking katawan sa banyo. Nakita ko agad ang aking repleksyon sa malaking salaming nakalatag sa pader. Tumambad sa akin ang katauhang pagod at kulang sa pag-aalaga sa sarili. Dali-dali kong pinatay ang ilaw sapagkat ayokong makita ang aking sarili. Ngunit binuksan ko ulit ito nang maisip kong nagiging mahina na naman ako. Ilang segundo pa ay patay-sindi na ang ilaw ng aking palikuran. Magulo ang isip ko ngayon, nagbunga tuloy ito ng hindi pagtalima ng aking kalooban. Sa dulong bahagi,pinatay ko na lang ang ilaw at lumublob sa bathtub.
Sa paghawak ko sa aking buhok, nadama ko ang kamay ni Rigor na ginugulo ito. Ang aking mga pisngi na kinukurit niya ay hindi pa rin mawala. Hinaplos ko ang aking mga labi na ninanakawan niya ng halik ay sapantaha ko pa rin.
Inilibot ko pa ang aking mga kamay sa iba't ibang parte ng aking katawan dahil masasabi kong ang buong katawan ko ay nagpapaalala sa kanyang katauhan. Pumikit ako at ninanamnam ang bawat haplos niya sa akin.
"Para siyang bawal na gamot para sa tulad ko.",bigla akong nagwika sa di malamang dahilan kasabay ng planong nabuo sa aking utak.
"If he really got me, I should get him too..."
Bumangon ako sa bathtub at agad inikot ang tuwalya sa aking sarili. Binuksan ko ang ilaw at sandaling tiningnan ang sarili sabay turo ng daliri na inilapat ko pa sa salamin, sa dalagang kaharap ko ngayon.
"Kuya... Pwedeng makahingi ng cellphone?"
Ito ang dumagdag na ingay sa tunog ng mga kubyertos sa aming silid-kainan. Si Kuya Errol lang ang bumaling sa akin ng tingin samantalang patuloy na kumakain ang mga tao. Nasa patriyarkal na sistema kami kaya mataas ang tingin nila sa aking kapatid na gumaganap bilang ama ng grupo nila lalo't higit sa akin. Kaya tahimik lang sila kung hindi nararapat kumilos.
"Hindi pwede."
Ipinagpatuloy ko na lang ang pagkain ko ng hapunan imbes na pilitin pa siya. Wala ding mangyayari kapag pinilit ko pa siya lalo't kapag sinabi niyang 'hindi', ito na ang masusunod.
Natapos ang hapunan na tulala lang ako at para bang nawawala sa sarili. Magkagayunman, napansin ko ang pag-uusap ng grupo ni kuya sa sala. Gusto ko mang malaman ang pinag-uusapan nila, dumiretso na lang ako sa kusina para magtimpla ng gatas.
"Hoy Lala, lalabas lang kami saglit kaya dito ka lang sa bahay ha?", ani Franco na kumuha ng beer sa pridyider. Tumango lang ako bilang sagot sa kanya habang hinahalo ko ang asukal sa gatas.
Sa kanilang pag-alis, naisip kong maghanap ng cellphone sa bawat kwarto. Inuna ko ang silid ni kuya at doon ay maingat akong naghanap. Nagtungo pa ako sa kwarto nina Lio, Allister, Harris, Franco ngunit sa silid ni Reagan lang ako sinuwerte. Nang makuha ko ang cellphone ay tumakbo agad ako sa aking kwarto.
Hinanap ko sa Contacts ang numero ni Rigor. Pinindot ko agad ang Call nang matagpuan ang kanyang numero kahit di ko batid kung may load ba ang sim nito o wala. Napakadesperada ko na.
Naghintay ako ng ilang segundo bago niya sinagot ang tawag ko.
"Mga gago!", bumulaga sa akin ang galit niyang mga salita. Natakot man akong magsalita ay pinilit kong umimik.
"Rigor, ako 'to..."
Bumuntong hininga siya atsaka nagwikang, "Lala."
Gumuhit sa aking mga labi ang isang matamis na ngiti sa kapanatagan ng loob dahil nabatid kong buhay pa siya. Wala na akong masabi, sapat na sa'king marinig ang boses niya.
"Pakisabi sa kuya mo, matagal mamamatay ang may siyam na buhay!",asik niya sa kabilang linya. Tumawa lang ako.
"Walang nakakatawa!"
"Mala-pusa pala ang buhay mo kaya nakakatawa.",paliwanag ko sa kanya.
"Tanga.",tumawa ulit ako sa tugon niya.
At tumahimik kaming dalawa sa pagpupulong na ito. Pinatay ko ang aking lampshade na katabi ng aking kama. Nagbalot ako ng kumot sa aking sarili bago nagsalita.
"Rigor, gusto kitang makita."
"Bakit naman?"
"Mi-miss na kita."
Siya naman ang tumawa, malakas ngunit masarap pakinggan.
"Bukas, tumakas ka diyan. Pupunta tayong langit."
Mas lalo pa akong natuwa na para bang tugma sa sinasabi nilang 'You're in cloud nine! '
Naiintindihan ko na kung bakit ganito ang nararamdaman ko.
BINABASA MO ANG
Get a Grip
RomanceSapat na ba ang salitang pag-ibig para mahalin ang isang tao? Sapat na rin ba ang salitang paglayo upang makalimutan siya? Kaya mo bang maging matatag sa maaaring kahantungan ng pagmamahalang ito? At dapat na bang kaawaan ng kalangitan ang pagsintan...