4
Nagulat si Jam nang paglabas niya ng bahay ay nasa tapat ang kotse ni Flynn. Bago ito umalis nang nagdaang gabi, wala namang sinabi ito na maagang pupunta sa bahay niya. Bumaba ito ng kotse nang makita siya.
“Paalis ka?” usisa nito pagkatapos nilang magbatian ng “good morning.” Nakita nito ang bitbit niyang overnight bag.
“Oo. Paluwas ako sa Makati. Pupuntahan ko 'yong friend ko na tumawag sa akin kahapon.”
Lumitaw ang panghihinayang sa mukha nito. “Ang akala ko, papasok ka ngayon sa resort. Ihahatid sana kita doon.”
“Hindi ko nga pala nasabi sa iyo kahapon. Bukas sana ako on leave dahil kasal nga n’ong friend ko. Tumawag na lang ako kagabi na aagahan ko ang pagli-leave.”
“Ahm, kung ihatid na lang kaya kita sa Makati?”
“Naku, huwag na. Maaabala ka lang nang husto.”
“Okay lang. Gusto ko namang magpaabala sa iyo.”
“Pero—”
“Please, Jam. Hayaan mo nang ihatid kita sa pagluwas mo.” At para hindi na siya makatanggi pa, kinuha nito sa kamay niya ang bitbit na overnight bag.
“Nahihiya na ako sa 'yo,” sabi ni Jam nang tumatakbo na ang sinasakyan nila ni Flynn. “Malaking abala na itong ihahatid mo pa ako sa pagluwas.”
“Kulang pa nga ito sa nagawa mong pagliligtas sa akin.”
“Trabaho ko naman 'yon, hindi mo dapat tanawin na utang-na-loob.”
“Hindi lang naman sa utang-na-loob kaya ginagawa ko ito. Gusto ko itong ginagawa ko, Jam,” nakangiting sumulyap ito sa kanya. “Gusto kong pagsilbihan ka, makita ka, makatabi at makausap ka nang ganito. Believe me, sa pagpayag mo, ako pa ang ginawan mo ng pabor.”
Grabe! Ang bilis namang nawala ng pagkatorpe ng isang 'to. Kung nasa isang lugar siguro siya na walang makakakita, malamang ,nag-swoon na siya.
Bago sila makapasok sa highway ay may tinawagan ito sa cellphone. “Magpapahanda lang ako... For two... Yeah, light pero 'yong best of the house... In an hour, I think. Okay.”
Pagkatapos nitong makipag-usap sa cellphone ay siya naman ang binalingan nito. “Mag-aabay ka ba sa friend mo?”
“Oo nga sana. Kaya lang, hindi na matutuloy ang kasal niya.”
“Bakit naman? Akala ko ba, bukas na ang kasal?”
“Bukas nga dapat 'yon pero umurong siya.”
Naging seryoso ang mukha nito. “Parang ang hirap naman yata n’on.”
“Sinabi mo. Nakahanda na nga lahat. Ang venue, ang magkakasal, ang reception, lahat. Siguro nga, halos wala nang mababawi kundi 'yong ilang menu na ipina-cancel sa hotel na magiging reception sana. Pero may damages pa rin silang babayaran doon, siyempre.”
“Ano naman ang reason ng friend mo para siya umurong?”
“May doubts siya sa pagpapakasal niya sa groom.”
“Kunsabagay, mas mabuti nang umurong siya ngayon kaysa habang-buhay niyang pagsisihan ang pagpapakasal kung sakali.”
“Tama ka. Mabuti nga kahit dalawang araw na lang, nagawa pa niyang umatras.”
“Pero mahirap sigurong tanggapin iyon sa parte ng lalaki. 'Laking kahihiyan n’on,” napapailing na sabi nito.
“At least, kahihiyan at pera lang ang mawawala sa kanila, hindi ang future happiness nila.”
BINABASA MO ANG
Braveheart Series 6 Flynn Falcon (Free Spirit)
RomancePhr Book Imprint Published in 2007 "Kung may uri ng pagmamahal na mas malaki pa sa langit, at kaya kong ibigay iyon, ibibigay ko lahat sa iyo, sweetheart." Jam had a perfect relationship with Flynn. But circumstances tried to tear them apart. Akala...