5
“Gusto ko sanang isama ka sa Miranda ngayong weekend.”
May paglalambing ang tinig ni Flynn sa telepono habang sinasabi iyon. Kaya napapangiti si Jam. Para tuloy nami-miss na niya ito. Dalawang buwan na mula nang magkakilala sila nito.
Natapos na ang bakasyon ni Flynn kaya hindi sila madalas nagkikita. Pero minsan sa isang linggo pumupunta pa rin ito sa Fine Sand. Hindi pa ito nanliligaw sa kanya. Ngunit madalas na may mga sinasabi at aktuwasyon ito na parang may relasyon na sila.
“Alam mo naman na naka-duty ako kapag weekends,” sagot niya. “Madaming tao dito sa resort nang gano’ng araw.”
Dinig niya ang pagbubuntong-hininga nito sa kabilang linya. “Kailan kaya uli kita makakasama buong maghapon nang walang istorbong trabaho?”
“Hey, don’t say that. Ang trabaho ang bread and butter natin.”
“Kung makakakuha ba ako ng bakasyon sa off mo, sasama ka sa akin sa Miranda?”
“Ano ba kasi ang importanteng gusto mong makita ko at parang atat ka na dalhin ako sa inyo?”
“Wala naman. Gusto lang kitang ipakilala sa Tita Citas ko. At siyempre, gusto kong ipasyal ka sa Miranda. Para mapuntahan mo uli 'yong creek doon na nilinis mo dati.” Nanunudyo ang boses nito sa huling sinabi.
“O sige, sasama ako sa iyo sa Miranda basta tiyempuhan mo na wala akong pasok.”“Thanks, Jam,” masaya nang sagot nito.
“O sige na, matatapos na ang breaktime ko.”
Nagbuntong-hininga na naman ito sa kabilang linya.
“May problema ka ba, Flynn?” nag-aalalang tanong niya.
“Meron.”
Kaya naman pala parang may pagka-weird ito ngayon. “Ano 'yon?”
“Saka ko na lang sasabihin sa iyo.”
“All right, may five minutes pa naman akong natitira. Puwede mo pang sabihin sa akin.”
“I missed you, Jam. I am missing you terribly.” Tila daing ang tinig nito.
May kung anong kapangyarihan na nagpaalon ng dibdib niya sa narinig. Dahil doon, mas nasabik siya na makita agad si Flynn. “I missed you, too,” imboluntaryong nasabi niya.
Muli, narinig niya ang buntong-hininga nito. Ibinaba na niya ang receiver sa cradle.
Huwebes pa lang noon. Lunes pa ang off niya. Kung tutuusin apat na araw pa lang mula nang huli silang magkita ni Flynn.
Bakit nga ba ganoon? Siya man, habang tumatagal mas nasasabik siyang makita ito. Nang lumabas siya ng quarters nila ay siya naman ang napabuntong-hininga.
Kinalingguhan, umaga pa lang ay nag-aabang na siya sa pagdating ni Flynn sa resort. Ngunit tanghali ay wala pa rin ito. Nag-text siya nang hindi na siya makatiis. Pangungumusta lang naman ang mensahe niya. Ngunit hindi ito nag-reply.
Hindi tuloy siya mapakali hanggang sa gumabi at umuwi na siya sa bahay. Ngali-ngali na niyang tawagan si Flynn. Nag-aalala siya na baka may nangyari dito kaya hindi ito nakasipot sa resort, at kaya hindi ito nag-reply sa kanyang text message.
Lumabas siya ng terrace. Dapat ay naghahanda na siya ng hapunan ngunit hindi niya magawa. Hindi siya mapakali.
Mayamaya ay pumasok uli siya sa loob. Dinampot niya ang cellphone. Hindi naman niya magawang tawagan si Flynn. Ibinaba niyang muli ang gadget at lumabas uli ng terrace.
BINABASA MO ANG
Braveheart Series 6 Flynn Falcon (Free Spirit)
RomancePhr Book Imprint Published in 2007 "Kung may uri ng pagmamahal na mas malaki pa sa langit, at kaya kong ibigay iyon, ibibigay ko lahat sa iyo, sweetheart." Jam had a perfect relationship with Flynn. But circumstances tried to tear them apart. Akala...