6. Paradise

5.2K 138 1
                                    

6

“Hush, sweetheart...” malambing na bulong ni Flynn kay Jam habang tinutuyo ng magagaan na  halik ang mga luhang hindi niya napigilang gumulong sa kanyang mga pisngi.

Naging napakaingat nito sa pag-angkin sa kanya. Ngunit siguro nga ay natural na reaksiyon ng isang babae ang umiyak kapag naisuko na nito sa isang lalaki ang iniingatang kapurihan.

Kinabig siya ni Flynn. Napabilanggo ang mukha niya sa dibdib nito. “Did you... regret it?” himig-nangangamba na bulong nito.

Iling lang ang itinugon niya rito.

“Are you sure?” hinging kumpirmasyon nito habang ang isang kamay ay marahang humahagod sa buhok niya at likod.

“Yeah... I’m sure.”

Hindi pa ba naman siya sigurado gayong ilang ulit siyang binigyan nito ng pagkakataong umatras sa ginawa nila?

At hindi siya binigla nito. Sa unang pagtatangka nitong pag-isahin ang kanilang mga sarili, nang makita nitong nasasaktan siya ay hindi ito tumuloy. Nag-concentrate ito sa pagpapadama sa kanya ng suyo at lambing sa pamamagitan ng haplos at halik. Muling inihanda siya nito hanggang sa boluntaryo siyang tumulong upang magkaroon ng kaganapan ang sinimulan nila.

“Mahal kita, Jam.”

Napasinghap siya. Hinintay muna nito na nasa huwisyo na sila nang ipahayag nito iyon. Nangilid na naman ang luha sa mga mata niya. Dahil parang bendisyon sa pandinig niya ang paraan ng pagkakasabi nito. Para itong sumusumpa.

“Oh, Flynn... this is too soon. P-pero mahal din kita.”

Lalong nangislap ang mga mata nito. Pinagkiskis nito ang kanilang mga noo. “Jam, sweetheart, you just made me so very happy... Pangako, hindi ka magsisisi na minahal mo rin ako.” Ginawaran siya nito ng matamis at masuyong halik.

ALAS-DIYES na ng umaga nagawang umalis nina Flynn at Jam. Sa daan na sila nag-almusal. Lampas ala-una nang marating nila ang bakuran ng Falcon Aviation School.

Nanlalaki ang mga matang napatingin siya kay Flynn. “Sa inyo ang flying school na ito?”

“Hindi naman sa amin lang. Korporasyon ito,” wika nito, sabay kibit ng mga balikat.

Bakit nga ba hindi niya iyon naisip noon? Pamilyar siya sa Falcon Aviation School. Ilang panahon din siyang tumuntong sa lugar na iyon noon. At nabanggit na sa kanya ni Flynn na piloto ito.

Ngayon, higit kailanman, lalong lumawak ang pagkakaiba ng estado nila.

“Sasakay tayo sa eroplano?”

“Takot ka ba?” Ang nakangiting mukha nito ay nagbibigay ng assurance na wala siyang dapat ikatakot.

“Hindi.”

“Kailangan nating mag-eroplano para maipakita ko sa iyo ang lugar na paborito ko. I’m sure you’ll love it, too.”

Iginiya siya nito sa isang hangar. Isang lalaking naka-overall ang nakita niyang nagsasalansan ng mga gamit sa tool kit na nasa sahig malapit sa eroplano. Nang mabistahan niyang mabuti ang mukha ng lalaki ay napatalikod siya. Kilala niya ito—si Henry.

“Ahm, Flynn, p-pupunta muna ako sandali sa restroom.”

“Okay, sweetheart. Dito na kita hihintayin.”

“S-sige.”

“O, Henry, tapos na bang i-routine check itong BB?” dinig pa niyang tanong ni Flynn sa lalaki bago siya tuluyang makalayo.

Hindi naman siya pumasok talaga sa restroom. Nagkubli lang siya sa tabi niyon. Mula roon ay hinintay niyang makaalis si Henry sa hangar. Umiiwas lang siya na mamukhaan nito.

Braveheart Series 6 Flynn Falcon (Free Spirit)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon