STRANGER

72 0 0
                                    

“Badtrip”. Kanina pa kong sumisigaw dito sa unan ko. “Nakakainis!”

Ang weird, di ko din alam sa sarili ko kung bakit ako naiinis. Lately, di ko kasi nakakausap at nakikita si Jacob. Ewan ko ba sa mokong na yun, di man lang nagpaparamdam, dati naman lagi lang nandyan sa tabi tabi, pahara-hara, pusakal kumbaga, e ngayon di mo na mahagilap.  At bakit ba ganito ang nararamdaman ko sa kumag na iyon? Pakshet, wag niyong sabihing inlab ako?

Katahimikan ang bumabalot sa loob ng kwarto ko. Tulugan na ang mga tao, pero eto ako, gising pa at iniisip ang lalaking iyon. Hindi ako makatulog. “Inlab ka na nga ba Rachel sa huklubang iyon?”, bigla kong natanong sa sarili ko. Hindi ako sumagot agad sa pamamagitan ng pagsasalita ngunit sobrang lakas ng tibok ng puso at ito lang ang tangi kong naririnig. May boses na ba ang puso ngayon? Nakakabingi kasi siyang sumagot. Hay, kailangan ko ng kausap ngayon. Mapapraning ako kung patuloy kong kakausapin ang sarili ko. Kinuha ko ang aking cellphone at nagtext sa kanya.

TO: JACOB (+63481234523)

“Hoy, ikaw na lobo ka sa twilight, bat di ka yata umaalulong?”

Message Sent

Nakaraan na ang tatlumpung minuto pero hindi pa rin nagrereply. Tss, nakakabadtrip talaga! Binato ko ang cellphone ko sa kama. Syempre sa kama lang, takot din kaya akong masira ang cellphone ko. Pagulong gulong lang ako sa kama para makatulog pero ano bang klaseng pag-iisip ito, dinaig pa ang pagkakaroon ng insomnia. Hindi ko naman makausap o makatext ang mga kaibigan ko, e mga antukin ang mga iyon. Tulog na sa malamang lamang. “Eureka!” Teka, alam ko na ang gagawin ko. Kinuha ko ule ang cellphone at nagtext.

TO: +63481234524

“Dear you, I dont know who you are pero pedeng maglabas ng sama ng loob? Kasi naman may lalaking bumabagabag sa isipan ko, pedeng patayin mo? Joke. Huwag, inlab yata ako dun e, sabe kase ng puso ko. Bakit kaya hindi siya nagpaparamdam sa akin? Sa tingin mo?”

Message Sent

Naisipan kong magtext sa isang unknown number. Wala namang mawawala. Hindi ko naman siya kilala, at hindi niya din ako kilala. Pinaltan ko lang ang last number ni Jacob. Baka kasi out of this world naman yung maimbento kong number kung saka-sakali at walang magreply. Ang gagawin ko na lang ay maghintay. Tik-tak-tik-tak..BEEP. Yes, nagbeep ang cellphone ko, ibig sabihin, may nagtext.

FROM: SMART

“Why just text when you can also call w/Lahatxt30 Combo! Blah blah..”

Ano ba yan, sabi na e, huwag maexcite, mauudlot. Nakakainis naman ang katext kong SMART, wrong timing umepal. Makaraan ang ilang minuto, tumunog ule ang cellphone ko.

FROM: +63481234524

“Yep, pwedeng pwede mo akong makausap. Sino ka? It’s too late, bat gising ka pa? There are two reasons why people avoid you, it’s either they hate you or they love you.”

Ay, eto na talaga ito! Nagtext si stranger! Stranger na lang itatawag ko sa kanya, sabagay, it fits the personality. Nakakatuwa naman, first try, may nagreply. Weird nga lang yung sagot niya. Baka hindi lang siya makatulog kaya napilitang magreply. Mag-aalas-dos na kasi ng umaga. Nakajackpot yata ako ng makakausap dito.

 TO: STRANGER (+63481234524)

“Bakit mo lalayuan e mahal mo nga? Weird huh?!”

Message Sent

Hindi ko sinabi ang pangalan ko at binato ko na lang uli siya ng tanong. Hindi ko kasi makuha kung bakit lalayuan mo ang taong mahal mo. Okay pa yung lalayo ka dahil ayaw mo sa kanya pero yung alam mo sa sarili mong mahal mo siya, u-oh, engg, mali. Nakakabaliw naman siyang kausap. Antayin ko na nga lang ang rason niya. Medyo matagal din akong naghintay bago ang kanyang reply.

FROM: STRANGER (+63481234524)

“Malay mo, takot siyang mas mapalapit sa iyo dahil ayaw niyang mahulog sa iyo nang tuluyan. Maaaring ayaw niyang may magbago sa inyo sakaling di na niya mapigilan ang damdamin o kaya naman, ayaw ka niyang masaktan.”

Napakalalim naman nitong si estrangherong eto, parang balon. Languyin ko kaya? Babae kaya siya o lalaki? Nagkakainteres yata akong makilala itong isang ito.

TO: STRANGER (+63481234524)

“Ang lalim mo, tsong! Tsong nga ba o tsang? Ganun ba talaga yun? Kung ilalagay sa sitwasyon ko, imposible naman na mahal ako ng mokong na iyon o baka naman galit siya sa akin?”

Message Sent

Hala, baka nga galit sa akin si Jacob. Nuong isang linggo kasi, kinagat ko siya sa kamay. Nakakabwisit na kasi siya, namimitik ba naman sa ilong, ee ang sakit kaya! Try mo. Kaya bilang ganti, kinagat ko ang kamay niya. Quits lang siguro yun!

FROM: STRANGER (+63481234524)

“Sa tingin ko, hindi naman siya galit. Pakiramdam mo lang yan. Sino ba yang lalaking yan? Lalaki din ako. Kung gusto mo, isipin mo na ako yung lalaking bumabagabag sayo at sabihin mo ng lahat ng gusto mong iparating. Hindi ko din naman siya kilala, kaya no risk at telling. Luluwag yang pakiramdam mo at baka makakatulog ka na. Subukan mo. :)”

May punto nga naman itong si Stranger. Siguro, mas magiging maganda ang pakiramdam ko kapag nailabas ko na itong gusto kong sabihin kay Jacob. Hindi naman niya siguro kilala si Jacob. At madaming Jacob sa mundo. Hindi niya makikilala kung sino man ang tinutukoy ko.

TO: STRANGER (+63481234524)

“Hoy, wolf! Oo, ikaw Jacob! Bakit ka ba hindi ka nagpaparamdam? Buti pa ang mga multo. Bumigay na yata itong puso ko sayo, kunin mo naman, kung hindi, pepektusan kita e. Namimiss ko na ang mga alulong mo e. Bwahaha.

Salamat stranger, ang sarap sa pakiramdam. Thank you! Good night. :))”

Tutulog na sana ako ng nagbeep ule ang cellphone ko. Nabigla na lang ako sa nabasa ko.

FROM: STRANGER (+63481234524)

“Dear Rachel, hindi ko kasi ginagamit yung number ko. Umiiwas nga kasi ako sayo kaya yung number ng Ate ko ang ginagamit ko. Magkasunod lang yung number na nabili namin dati. :) Ayaw kong mapektusan, kaya akin na yang puso mo. Kukunin ko talaga yan! Akala ko pa naman, puso ko lang ang weak. Yung sa iyo din pala. I love you.

P.S Huwag mo na akong pakaisipin. Hindi din ako makatulog. >:) ”

Makatulog pa kaya ako?

-END-

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jul 01, 2012 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

STRANGERTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon