Pano ba ipapakita
Sa hindi tumitingin?
Pano ba malalaman
Nang hindi ko sasabihin?
Pano ko ipararamdam
Sa ayaw makadama?
Pano ko ipatutuklas
Kung alam mo na pala?
Para san ba ang wika
Kapag hindi pakikinggan?
Para san ba ang regalo
Kapag itatambak lang?
Para san pa ang sulat
Kung hindi rin babasahin?
Para san pa ang babala
Kung hindi rin susundin?
Para ano pa at lumapit
Sa taong lumalayo?
Para ano pa't nahanap
Ang isang taong nagtatago?
Para ano ba ang ligaya
'Pag wala ka sa piling ko?
Para ano ba ang daigdig
'Pag di ikaw ang mundo ko?
Anong saysay ng pag-antay
Sa hindi dumarating?
Anong saysay ng buhay
Na sa dulo'y wala ka pa rin?
Anong silbi ng pagtatapat
Na hindi naman tunay?
Anong silbi ng tula
Na hindi man lang naibigay?
Walang saysay ang pag-amin
Kung hindi maniniwala.
Walang saysay ang pagbibigay
Kung hanggang dulo'y walang tuwa.
Walang kwenta ang akda
Na walang nakakabasa.
Walang kwenta ang purong pag-ibig
Na wala kahit kaunting pag-asa.