***
March 22, 2003
Iyan ang araw na hinding-hindi ko kailanman makakalimutan. Sa araw na iyan, naramdaman ko ang isang emosyon na nararamdaman ng isang normal na tao, ang matuwa. Oo, isa akong weirdong tao pero, kahit ganito ako, may isang taong tumanggap sa kaweirduhan kong ito. Salamat sa iyo.
"Uy, ako nga pala si Joseph John T. Macalintal. At ikaw si?" Tumingin ka naman noon sa nakayuko kong mukha. Hindi ako sumagot dahil natatakot akong isa ka rin sa kanila. Isa sa mga taong sasaktan lang ako. Pero, nagulat na lang ako noong mga sumunod na araw. Patuloy mo pa rin akong kinakausap kahit hindi naman kita kinakausap. Nagkamali pala ako ng pagkilala ko sa iyo, Joseph John T. Macalintal.
Hanggang sa nagdaan ang mga araw, napagdesisyunan kong kausapin ka na. Tutal, nagmumukha ka na ring weirdo dahil sa pagkakausap mo sa akin kahit hindi naman ako sumasagot sa mga tanong at hindi rin ako kumikibo sa mga kwento mo. Gayunpaman, nakikinig ako lalo na noong kinuwento mo yung nawala mong pusa na si Chichi pero bumalik din.
"Anong nangyari sa kanya?" Yan ang mga unang salitang sinabi ko sa iyo. Gusto ko kasing malaman kung anong nangyari kay Chichi at hindi ko rin alam kung papaano ako magsisimula kaya iyon na lang ang paraan na naisip ko. Bakas sa mukha mo ang pagkagulat noong nagsalita ako pero napalitan naman ito ng mga ngiti na hindi kailanman mapapantayan ng kahit sino. Ngayon ko lang napansin ang mga itim mong mata at ang matangos mong ilong. Dumagdag pa ang mapula mong labi na lalong nagpagwapo sayo. Hindi ko nga alam kung bakit ka nagtitiis sa isang tulad ko. Gayunpaman, salamat sa lahat ng pagtitiyaga.
Hindi ko rin talaga malilimutan yung isang beses na ipinagtanggol mo ako mula sa mga kaklase nating mahilig akong pagtripan. "Ano ka ngayon weirdong babae?" Sabay higit sa uniporme ko na pinaghirapan kong ayusin. Wala na akong magawa kundi ang umiyak. Buti na lang nga, dumating ka pagkatapos noon. Kahit hindi man halata, lubos ang pasasalamat ko sayo noong mga panahong yun dahil sobrang sakit na at baka kung ano na ang nagawa ko sa kanila. Para sa akin, ikaw ang knight in school uniform ko.
"Bakit mo ba hinahayaang ganyanin ka nila?" Sabay yakap sa akin. Hindi ako makagalaw sa pwesto ko kaya hinayaan na lang kita. Hindi ko masyadong narinig ang mga huling salitang sinabi mo sa akin pero kung tama ang pagkakarinig ko, ang mga sinabi mo ay, "Lumaban ka. Ayokong nakikita kitang nasasaktan." Sa pagdaan ng maraming taon, ngayon lang ulit ako sumaya ng ganito. Hanggang sa pagtulog, baon ko ang mga salitang sinabi mo sa akin. Susubukan kong lumaban. Para sa sarili ko at para na rin sa iyo.
Sa mga sumunod na araw, hindi na ako masyadong nagpapaapi sa iba. Marunong na akong ipagtanggol ang sarili ko. Ikaw ang naging inspirasyon ko. Nag-ayos-ayos rin ako para hindi na tulad ng dati kong magulo at makalat kong buhok. Madalas na rin akong ngumiti at pinipilit buuin muli ang sarili ko. Tumingin naman ako ngayon sa magandang parte ng buhay. Dahil yan sa iyo. Natuwa ka naman sa pagbabago kong iyon. "Ayan, mas maganda ka kapag nag-ayos pero mamimiss ko pa rin yung magulo mong buhok. Kahit ganun ka, ang cute mo kaya." Sa pangalawang beses, nabago mo nanaman ang posisyon ng aking mga labi. Salamat sa pagpapangiti mo sa akin.
Naikuwento ko na rin sa iyo iyong mapait kong karanasan noong ako'y bata pa lang. Nagkahiwalay ang mga magulang ko at kami ng nakababatang kapatid kong babae. Hindi ko na siya nakita mula pa man noong araw na inilayo siya sa amin ni papa. Nakakalungkot man isipin pero binigyan mo ako ng pag-asang makikita ko pa siya. "Tiwala lang. Lahat ng bagay ay nangyayari sa takdang panahon. Magkikita pa kayo. Nararamdaman ko."
BINABASA MO ANG
Salamat
RomanceSalamat at ikaw ang bumuo ng istorya ko. // Copyright © 2014 by zemoustachefairy. All rights reserved.