LIGAWAN STAGE

2.2K 77 72
                                    

TORPE

Nahihiya ako at naguguluhan 

Tuwing dadaan ka’y di ko maiwasan

Na ang aking mukha'y ikubli at takpan

at paglampas mo ay saka susulyapan.

BABAENG INIP

Hindi rin kita naiintindihan

Ang mga tingin mo ay may kaibahan

Wari ko’y meron kang nais pakawalan

Di ko lang matiyak ang oras kung kaylan.

TORPE

Mayrong mga bagay na hindi masabi

Tuhod ko ay nginig at di mapakali

Sa isip ko'y lagi na lamang sumasagi

Na baka ayaw mo at ako’y magsisi.

BABAENG INIP

Binatang makisig, wag mag-alinlangan

Sabihin sa akin, gusto kong malaman

Wala akong maisip na ‘yong sasabihin..

Ano bang gusto mong iparating sa akin?

TORPE

Wag mo naman sana akong madaliin

Kayhirap pag lahat ay pinapatulin

Mahirap simulan, baka di mo dinggin

Kaunting dahan lang ang tangi kong hiling.

BABAENG INIP

Paano malalaman kung ayaw simulan

Paano tayo nyan magkakahusgahan

Sige na, sige na ako’y naghihintay

Magsalita ka na’t wala na tong rewind.

TORPE

Ganito kasi yon magandang binibini

Sa iyo ako ay sadyang nabighani

Ganda mo at kilos ay nakakahumaling

Sa iba’y di ko na kaya pang ibaling.

BABAENG INIP

Natutuwa ako sa iyong tinuran

Ano pang hinihintay, kamay ko’y hawakan

Ang iyong sinabi tagal kong hinintay

Kung di pipilitin di ka pa bibigay

TORPE

Kung ako’y mabagal, giliw paumanhin

Di ko kabisado ang iyong pagtingin

Maraming salamat sa pagkakataon

Inaasam ko ang meron satin ngayon..

__________________________~~*~~__________________________

Salamat sa panahong iniukol mo sa aking pahina - ito ang nagbibigay dahilan sa akin upang patuloy na sumulat at magbahagi. Sana'y mabasa mo rin ang iba ko pang mga tula at kwento at makalikha ako ng ngiti/luha sa 'yong mukha. Hindi ko sasayangin ang panahon mo. Lubos kong ikaliligaya kung makapag-iiwan ka ng iyong rekomendasyon, puna o anumang reaksyon patungkol sa aking akda.

Nagmamahal,

Sami Bathan de Ramos

LIGAWAN STAGETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon