Araw-araw tuwing Mayo, namumulaklak kami para makapag-alay sa tuklong, ang kawayang kapilyang pinagdarausan ng gabi-gabing pagdarasal sa Mahal na Birhen. Sabi ni inay, ginagawa raw iyon para humingi ng ulan. Kasa-kasama ako palagi ni Ate Mabel para mamitas ng kalatsutsi, santa ana, sampagita at iba pang bulaklak na iba't ibang laki, kulay at hugis na hindi ko alam ang tawag. Minsan, kahit kampupot at gumamela, isinasama na rin, pamparami o kaya pansabog sa altar. Sa umaga kami namumulaklak para hindi mainit. Ibababad muna sa palangganang may tubig ang mga bulaklak, tapos tutuhug-tuhugin sa tingting at aayusin sa bote o garapon pagsapit ng hapon. Kami ni Ate Mabel ang nag-aalay sa aming pamilya. Hindi kasi nag-aalay ang mga binata't dalaga na. Sama-sama kaming nakaupo sa nakalatag na sako, pati mga batang hindi namin kakilala, at kapag narinig namin ang kanta ("Halina't tayo ay mag-alay... ng bulak... lak kay Maria...") pipila na kami nang pares-pares at ipapatong sa altar ang mga bulaklak na alay.
Kailan lang uli ako napilit ni Ate Mabel na sumama sa tuklong. Dati kasi, n'ung mas maliit pa ako, napahiya ako nang nagsasabog na ng bulaklak sa birhen. Pagkalagay mo kasi sa alay, isasabog mo na ang hawak mong mga talulot. Kaso, dahil matagal ko nang kuyom-kuyom sa maliit kong palad ang mga y'on, nabuo na sila na parang bola ng dyakston. Paghagis ko, parang batong tumama iyon sa katawan ng Birhen. Umuga-uga pa iyon. Nagtawanan ang mga bata at kahit tapos na ang pag-aalay, tinitingnan pa rin nila ako, tapos tatawa uli. Nang mga sumunod na gabi, hindi na ako sumama sa tuklong. Mabait naman si Ate Mabel. Ibinibigay niya sa akin ang "pakendi" na natatanggap niya. "Sumama ka na uli, para mas marami kang kendi." Iling na iling ako tuwing uulukan niya ako. Saka mainipin kasi ako. Pagkahaba-haba ng dasal at pagkabagal-bagal magdasal ng matatanda!
Sabi ni ate, sanayin ko raw ang sarili na sumama sa ibang bata, kasi pasukan na sa isang buwan – greyd wan na ako. Hindi ako nagkinder, kasi mapera lang ang nagkikinder. Tinuruan lang ako ni Ate Mabel ng abakada at pagbilang hanggang sampu. Saka kung paano magpakilala at isulat ang pangalan ko. Minsan, binabasahan din niya ako ng kwento galing sa mga libro niya, at kinakantahan ng mga kanta nila sa iskul. Paminsan-minsan, mabait din naman si Ate Malou. Tinuturuan niya akong magkulay, kasi mahilig siya sa mga coloring book.
Nasasabik akong sumapit ang Sabado, kasi sabi ni inay isasama raw niya ako pagluwas, para bago man lang daw magpasukan ay makita ko ang Maynila. Tanong tuloy ako nang tanong kay Ate Mabel kung ano'ng araw na, kung ilang tulog pa, dahil baka mapasarap ang tulog ko at maiwan ako ni inay. "Martes pa lang," sagot niya. Hinila niya ako sa isang sulok, dala ang aming kalendaryo na may malalaking pulang numero. Naturuan niya tuloy ako nang di oras tungkol sa mga araw.
Ayos na rin ang gabi-gabing pag-aalay sa tuklong. Hindi na kami sobrang aga matulog, at hindi na ako nagigising sa gabi habang tulog pa ang lahat at tumutunog ang lumang orasan. Lagi pang may kendi, hindi ko na problema ang pambili. Natuto akong magtiyaga at labanan ang pagkainip sa mahahabang dasal. Kapag magpapakendi na, biglang gumagaan ang aking ulo, at pare-pareho lang kaming nanghahaba ang leeg kung nasaan na ang namimigay.
Sumapit ang araw ng Sabado, nagulat pa si inay nang makita niyang gising na ako. Pinainom niya ako ng kape bago maligo, para raw mainitan ang sikmura. Tapos, binihisan niya ako ng magandang damit – maganda dahil puting tisyert iyon na walang himulmol, kulay asul ang leeg at laylayan ng braso, at saka syort din na kulay asul. (May sapatos na ba ako n'un? Nakatsinelas lang yata ako.) Hindi pa ako nakakapagpagupit. Takip pa rin ng buhok ang noo at taynga ko – jeproks na jeproks pa rin! Sabi ni inay, sa isang linggo na raw bago magpasukan, dahil baka raw mabaguhan ako e sipunin pa pagluwas.
Mamaya pa'y narinig na namin ang busina mula sa labas. Madilim pa sa kalehon nang sumilip ako sa bintana. Nakahinto roon ang gasgasing kulay dilaw na ford pyera ni Ka Pumeng. Iyon ang laging sinasakyan ni inay kapag naglalako, kasama ang iba pang maglalako. Dali-daling lumabas si inay na bitbit ang mga panlako na nakabalot sa malalaking plastik, sako at bag. "Hoy, paalis na kami! Bahala na kayo d'yan!" sigaw niya pagkahigit sa pinto. Parang umungol lang si Ate Mavic, pero ayos na kay inay iyon. Kapag umaalis si inay, karaniwang hindi na kami bumabangon. Lalo na dati, noong mas maliit pa ako, iiwasan talaga nila akong magising, dahil hahabol pa ako at magpapalahaw, nakakahiya naman sa kapitbahay.
BINABASA MO ANG
Ang Lihim Kong Buhay sa Piling ng mga Nuno (Nunoserye #1)
Übernatürliches"Halatang apektado kaming lahat ng mga bali-balita tungkol sa aswang at kulto. May araw pa, hindi pa tumutunog ang orasyon, nagkaayawan na agad. Pati ang dilim, tila nagmamadaling lumatag kasunod ng pagsisindi ng mga garapa. Mabilis ding natatapos a...