BAKIT NGA BA MAHAL KITA?

895 32 39
                                    

Bakit ako ay umibig sa isang walang pakiramdam?

Bakit hindi bigyang pansin ang sa aki’y nagmamahal?

Bakit minsan ang kilos mo animo’y nagpaparamdam

Tapos iyong itatatwang di ako ang iyong mahal?

Anong gayumang meron ka't sau ako’y nababaliw?

Ako’y laging nag-iisip habang ika’y nag-aaliw

Bakit sa aking musika di ka marunong sumaliw?

Bakit pusong nagdurugo'y sadyang sayo nagigiliw?

Ikaw lamang talaga at walang ibang mamahalin

Kahit tigang na sa dugo ang puso ko'y sayo pa rin

Bakit di na maibaling ang isip ko at damdamin

Sa taong sakin ay lubos ang pag-ibig at pagtingin?

Ang tinig mo'y bumabasag sa salamin ng buhay ko

Bawat iyong ginagawa di man kita ay alam ko

Bakit ang aking puso ay kailangang magkaganito?

Kahit yata magkalayo ako'y sayo - tanging sayo..

_

Sa tagal na ng panahon na isip ay naguluhan

Ngayon ko lang napagtantong wala namang kasagutan

Bakit nga ba mahal kita? Walang makitang dahilan

Kung pano 'to nagsimula, basta na lang naramdaman...

__________________________~~*~~__________________________

Salamat sa panahong iniukol mo sa aking pahina - ito ang nagbibigay dahilan sa akin upang patuloy na sumulat at magbahagi. Sana'y mabasa mo rin ang iba ko pang mga tula at kwento at makalikha ako ng ngiti/luha sa 'yong mukha. Hindi ko sasayangin ang panahon mo. Lubos kong ikaliligaya kung makapag-iiwan ka ng iyong rekomendasyon, puna o anumang reaksyon patungkol sa aking akda.

Nagmamahal,

Sami Bathan de Ramos

BAKIT NGA BA MAHAL KITA?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon