"KUNG MAGKITA TAYONG MULI"

14 4 0
                                    

KUNG MAGKITA TAYONG MULI

Kung makita mo akong muli -
Pakiusap, ngitian mo ako.
Kahit hindi mo na 'ko tawagin sa pangalan ko, ngitian mo lang ako..

Ngitian mo ako -
Na parang isang kakilala na matagal mong hindi nakita.
Ngitian mo ako -
Na parang isang alaala mula sa paborito mong eksena sa isang pelikula.

Kung makita mo akong muli -
Tumitig ka sa mga mata ko.
Gusto kong makita mo na natuyo na ang mga luha sa mga ito.
Na hindi na ito mahapdi.. na hindi ko na kailangan pang pumikit sa t'wing nakikita ko kayo.
At makakaya na rin kitang titigan, at ngitian na parang wala lang.
Magagawa ko na ring magpanggap na hindi kita minahal.. na minsan, hindi tayo nagmahalan.

Kung makita mo akong muli -
Kamustahin mo ako.
Alamin mo kung ano nga ba ang nangyari sa apat na taon na wala ka sa buhay ko.
Gusto kong malaman mo na nakayanan ko lahat ng sakit.
Gusto kong malaman mo na hindi ako galit.

Kung makita mo akong muli -
Ipakilala mo ako sa kanya.
Gusto kong makilala yung lalaking dahilan ng kislap sa 'yong mga mata.. ng tawa sa likod ng iyong saya.

Gusto ko siyang makilala -
Hindi para ikumpara yung sarili ko sa kanya.
O alamin kung ano ba ang wala ako na mayroon s'ya.
(Alam kong nakahihigit s'ya)
Gusto ko lamang siyang makilala para masabi ko sa kanya ng harapan -
Na kailanman, 'wag na 'wag ka niyang papakawalan.
Dahil ikaw man mismo, ilang lalaki na rin ang iyong pinakawalan, at iniwan, at sinaktan para sa kanya.
(Aaminin ko, isa ako sa kanila)

At kung makita man kitang muli -
Pangako ko..
Hindi na kita susubukang agawin pa.
Hindi na rin kita pipilitin pa.
Hindi na kita kukumbinsihin, o aalukin na iwan siya.

Kung makita kitang muli -
Makakaya ko nang magpaalam.

At hindi ko na kinakailangan pang ipaalam -
Na ang tulang ito ay kasinungalingan.

Dahil hanggang sa sandali na magkita tayong muli -
Mahal na mahal na mahal pa rin kita kahit hindi ako ang 'yong pinili.
At mahal, sana malaman mo.. hindi 'yon naging madali.

"TIPS para hindi na MASAKTAN" Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon