Kung sa ‘yong paningin ang buhay ay pangit….
Mata ko’y hiramin ng iyong masilip
Ang ganda na tila sayo’y pinagkait
Di mo lang makita pagkat ika’y pikit.
Kung sa bawat araw lungkot ay yong ramdam
Puso ko, sa iyo ay ipapahiram
Upang yong matanto at mapag-alaman
Na lungkot ay bunga ng galit at suklam.
Kung sayong pandinig, ang mundo’y kay ingay
Tenga ko ay kunin at sayo’y ilagay
Upang yong marinig musika ng buhay
Bingi ang tenga mo, wari ko’y di sanay.
Kung sayong palagay mundo ay libingan
Isip ko’y ipalit kahit sandali lang.
Nang iyong maisip na ito’y tahanan
Mapapalad tayo na nabiyayaan.
__________________________~~*~~__________________________
Salamat sa panahong iniukol mo sa aking pahina - ito ang nagbibigay dahilan sa akin upang patuloy na sumulat at magbahagi. Sana'y mabasa mo rin ang iba ko pang mga tula at kwento at makalikha ako ng ngiti/luha sa 'yong mukha. Hindi ko sasayangin ang panahon mo. Lubos kong ikaliligaya kung makapag-iiwan ka ng iyong rekomendasyon, puna o anumang reaksyon patungkol sa aking akda.
Nagmamahal,
Sami Bathan de Ramos
BINABASA MO ANG
HIRAM LANG HA!
PoetryPareho man ang bawat bahagi ng ating mata, minsa'y may nakikita tayong hindi nakikita ng iba. Gusto mo bang hiramin ang aking mata?