Hindi ko alam kung ano ang pangalan ng lugar na kinaroroonan ko ngayon. Kanina pa ako palakad-lakad. Ang gloomy ng paligid. Walang kalaman-laman. Walang mga basura. Wala akong maramdamang hangin pero hindi rin naman ako nakakaramdam ng init ng katawan.
Hindi ko masabi kung hapon ba o umaga. O sadyang uulan lang ba o ano. Kahit kasi ang mga nandito sa kalsada ay wala ring kabuhay-buhay ang kulay.
Masasabi ko na sanang isang normal na lugar ito dahil may mga nagti-tinda ng ice cream sa tindahan, may mga stores, may mga bata kasama ang magulang, at mga buildings. Ngunit ang mga kulay naman ng mga ito ay nakakawalang gana. No wonder na ang kakaunti lang ang tao dito.
Kasalukuyan akong nasa crossroad sa pagitan ng apat na naglalakihang mga building. As in sa gitna mismo. Kanina pa kasi ako palakad-lakad dahil sa masyado akong naninibago sa lugar na ito. Mabuti na lang at kakaunti lang na sasakyan ang dumadaan doon.
Ito ang klase ng kalsada na madalas daanan ng iba't-ibang sasakyan. Ngunit ang mga sasakyan na dumadaan sa crossroad na ito ay parang akala mo ay nasa isang subdivision ka. Sobrang onti. Walang sunod-sunod.
Para bang inabandonang siyudad ito kung titignan. Bakit ba kasi walang halos na tao dito? At kung inabandona nga ito dahil halata naman sa itsura, bakit may kakaunti pang tao dito? Ano ba talaga ang lugar na ito?
Nakatayo ako paharap sa isang daanan. Sa pagitan nang unahan ng daanan na iyon ay may dalawang nakatayong matataas na building. May isa sa kaliwa, may isa sa kanan. Alam kong ganun din naman ang dalawang building na nasa likod ko. May nakita akong lalaking nakaupo doon sa gilid ng building na nasa kaliwa at nilapitan ko ito. Gray and white ang theme color ng building na iyon na may malalaking bintana. Ito ba iyung condominium building na sinasabi nila?
"Excuse me po. Ano po ang lugar na ito?" Tanong ko doon sa lalaking pakiramdam ko ay tatay na at mukhang business man pa na nakatambay doon sa gilid ng building.
"Ito ay siyudad ng Santanas." Sagot ng lalaki na nakaupo yata sa sarili niyang upuan dahi ganoong upuan lang ang nakikita ko dito sa building. Tingin ko ay dinala pa niyang ang upuan dito para tumambay.
"Ahm...alam niyo po ba kung ano po ang daan pauwi sa siyudad kung saan ako nakatira? Ang pangalan po ng siyudad ko ay Malubos. Alam niyo po ba kung ano po ang daan pabalik doon?" Tanong ko doon sa lalaki.
"Hindi ko po alam eh. Hindi na po kasi ako nakakaalis dito."
Naglakad ako at naghanap pa ng mapagtatanungan. Nakita ko ang nanay na may buhat-buhat na maliit na batang lalaki habang bumibili ng ice cream doon sa lalaking naka-side car.
"Excuse me po." Pagtawag ko sa atensiyon nila. Lumingon silang tatlo sa akin. Ngunit nang tumingin ang bata sa akin ay nakita ko ang kumikislap na purong itim lang ang mata nito. Napasinghap ako sa nakita ko at napaatras ng konti.
Sa isang kurap lang ay naging normal na uli ang mata nito. "Mister?" Pagtawag sa akin ng babae. Doon lang ko naalala na may kailangan nga pala akong itanong.
"Uh, alam niyo po ba kung ano ang daan papuntang siyudad ng Malubos?"
"Hindi eh." Sagot ng babae sabay iling. "Hindi na kasi makakaalis dito eh." Katulad ng dahilan ng lalaki kanina ay ganoon din ang sagot ng babae ngayon. Nagsimula na akong maglakad nang dahan-dahan palayo.
Ang sagot ng lalaki kanina at ang sagot ng babaeng kinausap ko ay nagbigay ng isang katanungan sa aking isipan.
Bakit naman kaya hindi sila makaalis dito? Kahit maglakad man lang ay hindi nila magawa para lang makapunta sa ibang siyudad? Gaano ba kalawak ang siyudad na ito? Hindi ba uso ang google map dito?