K5: Mga Habilin

901 50 9
                                    

Kabanata 5

Nagpatuloy ang buhay ni Lyra sa palasyo ng mga lobo, isa siyang alipin na sinasamantala ng katulad ng ibang asawa ng hari. Hindi pa man tuluyang wala si Crescent, nararamdaman na niya ang trato ng dalawang asawa ng hari. Nangangamba tuloy siya na baka kapag wala na talaga si Crescent, palayasin na siya ni Criselda at Hera.

Sa mga oras na 'yon, minamasahe na ni Lyra ang paanan ni Reyna Criselda. Naroon ito sa trono nito sa loob ng sarili nitong magarbong kuwarto na puno ng salamin. Malakas ang kompiyansa nito sa sarili na ito ang pinakamaganda sa lahat nang asawa ng hari kaya hindi ito nagsasawang tingnan ang sarili sa iba't ibang salamin.

"Ang tanga-tanga mo!" Gigil na hinablot ni Criselda ang buhok ni Lyra. Halos ihiwalay nito sa anit ni Lyra ang buhok ng bata. Hindi niya talaga maatim na may isang mortal sa loob ng kastilyo, isang basurang dala-dala ni Crescent na labis niyang kinaiinisan ang pagiging pasikat. Ang trono ay para sa kanyang anak na si Laxus! Ikinaiinis niya na si Riel lang ang naroon para sa kanya—ang anak ni Laxus. Abala ito sa pagsasanay sa ibang lugar.

"Masakit po!" Mangiyak-ngiyak na pilit hinahawakan ni Lyra ang gulo-gulo na niyang buhok. "Tama na po, aaah!" Naiyak na si Lyra nang tuluyan sa labis na sakit.

Kanina, bigla siya nitong ipinatawag, nagdidilig siya ng rosas noon. Pero dahil takot siya rito'y iniwan muna niya ang lagadera at mabilis na tinungo ang silid ng Reyna. At ipinamasahe nga nito ang mga paa nito sa kanya.

Tatlo silang naroon sa silid. Ang isang tagasilbi ay nasa likuran nito at marahan ang bawat galaw ng kamay sa pagmamasahe sa uluhan ng kinatatakutang reyna. Ang isa naman na siyang pinalitan ni Lyra ay abala sa pagpapaypay rito.

Nagulat ang dalawang tagasilbi sa ginawang pagsabunot ng bayolenteng Reyna na si Criselda sa ampon ni Crescent.

"Isa kang walang kuwentang nilalang alam mo ba 'yon ha? Isa kang basurang pakalat-kalat at naiirita ko sa tuwing nakikita kitang bata ka!" sinabunutan pa nito nang husto si Lyra at pinagwagwagan. "Kapag hindi ka pa umalis dito, sisiguraduhin kong mas malala pa rito ang aabutin mo!"

Hindi niya napigil umiyak nang malakas sa sobrang sakit habang nagmamakaawa na bitiwan siya nito. Napakasakit na ng kanyang ulo.

"Tama na po, pakiusap po! Tama na po..." iyak nang iyak si Lyra na pulang-pula na rin sa sobrang sakit na dinaranas sa paghila nito sa kanyang buhok.

Awang-awa naman ang dalawang taga-silbi sa sinasapit ni Lyra, at wala silang kayang itulong rito dahil baka patayin sila ni Criselda.

Kitang-kita ni Tomo ang naganap na tagpo kay Lyra at Criselda nang mapadaan siya sa k'warto ng Reyna at bahagya 'yong nakaawang na sana'y isasara niya. Hinahanap niya rin kasi si Lyra dahil hinahanap 'to ng kanyang Panginoon.

Mabilis tumakbo si Tomo para tunguhin si Crescent, nasisiguro niyang hindi patatawarin ni Crescent ang pananakit ng reyna sa kinagigiliwan nitong batang si Lyra. Halos magkandarapa siya sa pagtakbo sa mahabang pasilyo na maging ang kakayahang magpalit anyo'y nakalimutan na niya!

"Pa –panginoon!" nagkakandabulol si Tomo nang masilayan si Crescent na papalabas ng kuwarto nito. Maayos na nakasalansan ang pilak nitong buhok sa kaliwang bahagi ng balikat nito.

Tiningnan siya ni Crescent.

"Si – si Lyra, si-sinasaktan ng reyna!" takot na takot na sumbong ni Tomo. Kitang-kita niya ang pagdilim nang anyo ni Crescent.

Agad na naglaho si Crescent sa kanyang harapan, kaya naman agad-agad na tumakbo si Tomo patungo sa kuwarto ni Criselda dahil alam niyang doon ito patungo.

Naabutan niya ang bahagyang bukas pa ring pintuan ng Reyna at sinilip niya ang naturang kuwarto.

"Ano gusto mo pa manirahan dito?!" Dinampot ni Criselda ang isang inuming asul na nasa kopita sa katabi nitong side table at ibinuhos iyon sa mukha ni Lyra na lalong umiyak habang pinupunasan ang mukha nito ng maliit na palad.

Raised by Wolves I ( Revised )Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon