Makulay na Pagkakaibigan

15 3 2
                                    

Narating na niya ang simbahang nakasulat sa imbitasyon ng matalik na kaibigan. Makalipas ang ilang sandali nang makapasok na siya sa loob ay nagsimula na ang kasal. At dumating na ang hudyat na patapos na ang kasal at sumagot na ang kanyang kaibigan sa tanong ng pari kung tinatanggap nito ang lalaking maging asawa. Masaya itong tumugon at bago harapin ang lalaki’y tumingin muna sa kanya at ngumiti. Nang mapansin niya ito ay nasabi niya sa kanyang sarili, “sana ay hindi ko na lang siya binitiwan noong una” At biglang pumatak ang luha sa mga mata niya nang hindi namamalayan kaya’t ngumiti na lamang din siya upang walang makahalata ng tunay niyang nararamdaman. Naglalakad na ang bagong kasal niyang matalik na kaibigan ay nakatingin pa rin itong nakangiti sa kanya kaya’t nagpauna na siyang lumabas sa ibang bisita.
Habang nasa salu-salo ay lumayo ng upuan si Cloud sa iba sapagkat nalulungkot pa rin siya sa kinahinatnan ng kanilang relasyon ni Maria. Sa pagkakataong iyon ay inalala niya ang mga masasayang alaala niya kasama ito. Bumalik siya sa panahong nagkakilala pa lamang sila nito.
Nasa ikatlong taon na si Cloud sa kolehiyo nang lumipat sa kanilang paaralan si Maria. Pagpasok sa klase ay tinanong ito ng propesor, “Bb. Villaverde, saan mo nais maupo?” Dahil sa napakaganda niya ay maraming kalalakihan ang nagsabi, “Dito ka na lang sa tabi ko, mas komportable ka rito.” Subalit hindi niya iyon pinansin. Nakita niya ang upuan sa tabi ni Cloud na tahimik lamang kaya’t doon niya napiling umupo. Inasar si  Cloud ng kanyang mga kabarkada nang matapos ang klaseng iyon ngunit hindi niya binigyang-pansin ang lahat. Nang makarating sa kantina ay nakita niyang nag-iisa si Maria na kumakain kaya’t nilapitan niya ito at tinanong, “Maaari ba akong makiupo?” “Hindi ko pag-aari ang anumang bagay o pwesto rito kaya makauupo ka saan mo man gustuhin.” Pagtataray ni Maria. At tumabi na si Cloud sa kanya. Sa una ay tila natakot si Cloud na kausapin ang dalaga subalit nabasag rin niya ang katahimikan nang tanungin niya rito, “Maaari bang makipagkaibigan?” “Siguraduhin mo muna iyang katanungan mo bago ako sumagot dahil baka kagaya ka rin nila.” Sagot niya. At doon na nga nagsimula ang kanilang pag-uusap at pagkakaibigan. Sa pag-uusisa ay naitanong ni Cloud kay Maria, “Bakit mo ako natanong kung sigurado ba ako na makipagkaibigan sayo kanina?” “Dahil marami ang nanunukso sa akin magpahanggang-ngayon sapagkat ako’y ulila lamang at hindi kilala ang tunay na magulang. Pag nalaman ng mga tao sa paligid ko iyon ay labis-labis na ang pangungutya na aking natatanggap mula sa kanila. Iyon ang dahilan kung bakit napagpasyahan ko na manirahan na lamang dito sa inyong lugar malayo sa mga kinalakhang pamilya ko at upang makaiwas sa pagkapahiya ng pamilyang iyon dahil sa akin.” At nagsimula nang lumuha si Maria. “Huwag ka mag-alala, ako ang magiging kaibigan mo rito.” Pagpapatahang sabi ni Cloud. Lumipas ang mga araw at linggo na sila ay nagkakasama ni Maria, unti-unting nahulog ang loob ng binata rito.
Isang araw, may isang lalaki ang lumapit sa kanila habang nag-uusap at nagtatawanan, sinabi ng lalaki, “Binibini, maaari bang makipagkilala?” “Hindi ito pinansin ni Maria kaya’t inilabas nito ang kanyang “cellphone. Muli nitong sambit, “Binibini, kung ayaw mo ay maaari ko na lamang ba na mahingi ang iyong numero.” Sabay abot ng telepono sa kanya. Agad naman niya itong kinuha kaya’t napangiti ang lalaki ngunit nagulat ito, maging si Cloud nang ilapag ni Maria iyon sa sahig at tapakan sabay hatak palayo sa lalaki kasama si Cloud. Nang makalayo na sila ay napaisip si Cloud kung aamin pa ba siya sa dalaga gayoong nasaksihan niya ang nangyari.
Isang araw pa na kanyang naalala ay noong kasama niya ang kaklaseng si Trish. Gabi na noong matapos sila sa paggawa ng isang proyekto at napakalakas din ng ulan. Inihatid ni Cloud si Trish sapagkat siya ang naatasan ng kanilang lider sa kanya. Dahil isang daan lamang ang patungo kina Trish at Maria ay nakita nito na magkasama sina Cloud at Trish. Bahagyang nakaramdam ng pagseselos ang dalaga kaya’t napatakbo ito pauwi.Nang maihatid na ni Cloud ang kasama ay nakita niya si Maria na basang basa sa ulan kaya’t nilapitan niya kaagad ito at pinayungan. “Bakit hindi mo ako pinuntahan kanina?” Nag-aalalang tanong ni Cloud. “Nakita ko na kasi kayong magkasama ni Trish eh kaya’t di na ako lumapit pa at baka makaabala pa ako sa inyo.” Tugon ni Maria. Inakala ni Maria noong mga panahong iyon na may namamagitan na sa dalawa dahil sa mga bali-balita sa kanilang paaralan. “Kahit naman kasama ko siya ay uunahin pa rin kita eh. Hindi kita matitiis na iwanang mag-isa dahil hindi ko kaya.” “Hindi ba’t kayo na ni Trish? Bakit ako ang uunahin mo?” Pagtatakang tanong ng dalaga. “Sino naman ang nagsabi sa iyo niyan. Walang katotohanan iyan dahil ikaw kaya ang mahal ko.” Napahinto si Cloud sa pagsasalita. “Ano ang sabi mo?” Gulat na tanong ni Maria kaya’t wala nang nagawa si Cloud kundi ipagtapat ang katotohanan. “Oo, ikaw nga ang mahal ko. Ayaw ko na malaman mo ito kasi baka lumayo’t umiwas ka sa akin. Natatakot ako na matulad din ako doon sa mga nanligaw sayo at napahiya lamang sa harap ng ibang tao.” “Paanong hindi sila mapapahiya ay paulit-ulit na nila ako tinatanong ng magkakaparehong tanong at sawang sawa na ako.”  “ Sabi niya. “Ngayong nalaman mo na ang totoo, maaari ka nang umiwas. Salamat at nakilala kita.”  Sabi ni Cloud sapagkat noong una ay isang taong tila walang patutunguhan ang buhay ni Cloud. Madalas lumabas at makipag-inuman sa kanyang mga kabarkada subalit nang makilala niya si Maria ay unti-unti itong nagbago dahil sa siya na lamang ang lagi niyang kasama. “Bakit ko naman gagawin iyon, walang sapat na dahilan para mangyari ang ganoong bagay. Ikaw ang unang tumanggap sa akin kaya’t hindi ko bibitiwan ang taong naglakas-loob na makipagkaibigan sa akin. Alam mo, may nararamdaman din ako sayo!” Nagulat ang binata sa winikang ito ni Maria. “Oo, dati pa ay may gusto na ako sayo ngunit alam ko na maaga pa at nag-aaral pa tayo. Magtapos muna tayo at mapapasayo na ako.” Dugtong pa niya kaya’t nabuhayan si Cloud nang marinig ito. Noong araw na iyon ay hindi niya inakalang sa pag-amin niya ng nararamdaman ay may matutuklasan rin siya na hindi niya inaasahan.
Isa pa sa kanyang naalala ay noong araw na bitawan niya ang babaeng pinakamamahal niya. NaHuling taon na nila sa kolehiyo nang kausapin ni Maria si Cloud. “Anong problema? Bakit tila lumalayo ka na sa akin?” Tanong nito. “Hindi! Marahil ay masyado lamang ako nakatuon sa pag-aaral at di na ako nagkakaroon ng oras na makasama ka. Pasensya ka na. Nangako kasi ako noong bakasyon sa inay na magsisikap ako sa pag-aaral upang matulungan siya sa pagpapaaral pa sa aking mga nakababatang kapatid.” “Ganoon ba? Pasensya na sa naging tanong ko.” Nahihiyang tugon ni Maria. Nagdaan pa ang mga linggo at buwan subalit sadyang nakalimutan na nga ni Cloud ang kanyang kaibigan dahil masyado itong natutok sa kanyang pag-aaral. Nasanay na si Maria sa ganoong sitwasyon subalit pinanghawakan pa rin niya ang kanilang pagkakaibigan ni Cloud.
Ilang taon na ang lumipas nang makatapos sila ng pag-aaral at tanging telepono at “internet” na lamang ang kanilang kumunikasyon at hindi na rin nakapagkikita dahil sa mga trabaho na mayroon sila. At isang araw na nakatanggap si Cloud ng imbitasyon mula kay Maria ay napaluha na lamang siya nang makita ang laman noon. Luha ng magkahalong saya at panghihinayang. Sa kinahinatnan ng kanilang makulay na relasyon.
Bigla na lamang siyang tinawag ni Maria dahil nais nitong magpakuha ng larawan suot ang kanyang pangkasal kasama siya at doon na siya muling natauhan sa katotohanan na mapalad pa rin siya dahil sa kabila ng pagtalikod niya sa matalik na kaibigan ay nanatili pa rin ito sa kanyang tabi at pinili na maging masaya para sa kanya.

Makulay na PagkakaibiganTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon