TORPEDO
Pinanganak na ba talaga akong torpe?
Kung ganun, pucha naman o. Bakit ako pa? Kanina pa ako nakatitig sa librong hindi ko naman binabasa. Nasa harap ko kasi nag-aaral ang babaeng gustung-gusto kong kausapin, pero kahit nga tingnan, wala akong lakas ng loob.
"Mich, paano mo sinagutan itong number 8? Kanina ko pa sya sinosolve, pero di ko gets." Alam ko sagot dyan. Sa akin ka na lang magtanong.
"Wait lang girl, wala pa ako dyan. Ui Migs ano daw sagot?" Madami kasi kaming nag-aaral dito sa mahabang table sa canteen. Blockmates kami kaya minsan nag-aaral kami ng sabay-sabay.
"Alin ba? Ah, number 8? Wala pa din akong sagot. Tsaka ba't ba sa akin kayo nagtatanong? Eh katabi ko naman ang dean's lister dito." Siniko naman ako nito ni Migs. Sira talaga.
"Naks! Oo nga dean's lister! Dito tayo dapat nagtatanong kay Joshua!"
"May sagot ka ba sa number 8 Josh? Di ko talaga gets." Napatigil naman ako sa paghinga nang tawagin nya ako sa nickname ko. Takte. Ang bading.
Inangat ko ang ulo ko at nakitang nakatingin sa akin si Bria. Ang cute nya talaga. May bangs tapos ang puti. Matalino, mayaman, mabait, lahat na. Sino ba namang lalake ang hindi magkakagusto sa kanya.
"Tol! Wag mo masyadong titigan, baka matunaw."
Tiningnan ko naman ng masama si Migs na nakangisi sa akin. "Sira ulo." Tumawa lang sya at buti naman, tumawa din sina Mich at Bria. Lokong 'to, ibubuko pa ako.
"Ang joker talaga nito ni Migs. So ano Josh, may sagot ka na ba?" Ang cute pa nya ngumiti. Agghhh. Dapat hindi ako matorpe. Minsan lang nya ako kausapin. Tyansa ko na 'to.
"Oo meron. Ito, ganito yung ginawa ko." Tapos binigay ko sa kanya yung notes ko. Nakitingin din si Mich dun sa mga sagot ko.
"Wow, tapos mo na lahat? Ang galing mo naman! Pwede pakopya?"
"Ui Mich, ano ka ba. Di pwede. Nakakahiya naman kay Josh."
"Sige lang." Napatingin naman sila sa akin. Lalo na itong si Migs na ang laki ng pang-asar na ngiti dahil alam nyang minsan lang naman ako magsalita sa harap ni Bria. "Hiramin mo na. Ayos lang naman."
"Pwede ako din? Pahiram din josh ah!!" Tumango naman ako kay mich. Wala naman akong magagawa. Kaibigan sya ng taong gusto ko.
"Sure ka ok lang? Pinaghirapan mo 'to eh." Ayos lang. Notes lang yan. Kahit nga buhay ko, ibibigay ko sa'yo. Pero syempre di ko yun masabi.
"Oo naman. Walang problema."
Bigla naman akong inakbayan ng mokong na Migs na 'to. "Ang bait talaga ni Hoswa! Kaya ako nababading eh."
Tinanggal ko naman agad ang akbay nya at pinanlakihan ng mata. Nakakarami na itong loko-lokong 'to. Nagtawanan naman sila. Pasalamat ka Migs, nakikita kong tumawa ang anghel ko. Kundi kanina ka pa nalintikan.
"Hala grabe, ang bilis naman ng oras. Class na natin Bria."
"Ah ganun ba? Sige tara. Migs, Josh, una na kami ha. May class pa kami."
"Sige ingat." Sabi ni Migs tapos tumango lang ako.
"Ui Josh salamat talaga sa notes ah." Ngumiti na naman sya sa akin.
"Walang problema." Di ko alam kung saan ako nakakakuha ng lakas ng loob para hindi mautal. Takte. Paalis na sila nang siniko na naman ako nito ni Migs.
"Ano na naman?"
"Hingin mo na number tol. Wag ka ng babagal-bagal." Bulong nya pa sa akin.
"Hindi ako babagal-bagal. Baka lang mailang sya pag ginawa ko yun." Ayos na eh. Blockmate ko na. Hindi nga lang kami masyado close pero ok na naman. Nakakasabay ko makapag-aral, makausap. Baka kapag pumorma pa ako, mawala pa ang lahat ng yun.