Noong una ko siyang nakita, alam kong mayroong kakaiba sa pagitan namin. May naramdaman akong hindi ko maipaliwanag, maging ng mga siyentipiko. Nakita ko siya sa loob ng silid, kinukuwestiyon siya ng mga pulis kung bakit niya pinatay ang isang nakakaawang bata, isang walang kamuwang-muwang na bata. Wala siyang sagot at nanatiling tahimik. Dumapo ang kanyang mata sa'kin. Nagtitigan kami ng matagalan. Nagising ang diwa ako noong sinabi sa'kin ng isang pulis na “Attorney Lee, maaari ka nang pumasok at kuwestiyunin ang suspek tungkol pagkamatay ng bata na siyang bibigyan mo ng hustisya.”
Nagising ako, hindi kami pwede, kalaban siya ng aking kliyente. Isa siyang kriminal ngunit ano 'tong aking nararamdaman? Bakit ang lakas ng tibok ng aking puso? Bakit parang may mga paru-paro sa aking tiyan? Tingin ko’y nalunod na ako sa kanyang mga mapupungay na mata na kasing lalim ng karagatan at sa kanyang titig na mukhang may nais ipahiwatig.
Pumasok ako na hindi inaalis ang aking mga titig. Nanatili sa kanya ang aking mga matang tila agila kung makahusga ngunit wala na yata akong maihuhusga sa kanya. Magandang labi, mga mata na kay lalim na kahit sa pagtitig lang ay malulunod ka, matangos na ilong at magandang panga. Ipinaalala ko sa aking sarili, hindi. Hindi 'to maaari. Siya’y isang kriminal. Inuulit-ulit ko ito sa pag-aakalang mawawala itong kakaibang nararamdaman ko.
Nang ako’y umupo na, sinimulan ko na siyang tanungin, nag-aaktong matapang at walang pakialam sa kanya sapagkat kalaban ko siya. Ngunit sa aking kaloob-looban, nangangatog na ang aking tuhod at nariyan pa rin ang mga paru-parong parang sasabog na. "Hindi ako ang pumatay sa bata," linya niya na hinding-hindi ko makakalimutan. Gustuhin ko mang maniwala pero, hindi pwede. Tinanong ko ulit siya na nagtatapang-tapangan, parang hindi talaga naniniwala sa kanya. Umiyak siya, umiyak siya sa aking harapan. Hindi ko napaghandaan iyon. Humagulgol siya sa aking harapan, nagmamakaawang paniwalaan siya.
Tinanong ko ulit siya habang dahan-dahang lumalapit sa kanya upaang hagurin ang kanyang likod at ipaalam sa kanyang narito lang ako. Kinuwento niya sa akin ang lahat-lahat. Kapatid niya pala sa ama ang bata. Hindi ito alam ng kahit na sino maliban ang binata, ang kanyang ama at ang kanyang sariling ina. Anak pala siya sa labas. Nakikipaglaro lamang siya rito nang may dumating na dalawang taong nakamotorsiklo at binaril ang kanyang kapatid. Upang maghiganti, kinuha niya ang baril na tinapon ng bumaril sa kanyang kapatid at sinubukang barilin ang motorsiklo ng mga bumaril. Ngunit, huli na siya. Walang nakakita sa pangyayaring ito. Agad niyang dinaluhan ang kapatid habang dala-dala ang baril nang makita sila sa ina ng bata sa ganoong posisyon. Natigilan ang ina ng bata, hindi alam kung ano ang gagawin. Lumapit ang ina ng bata, tulala, umiiyak, at walang ideya kung ano ang gagawin o ang iisipin. Humingi ng tulong ang binata, ngunit huli na ang lahat. Patay na ang kanyang kapatid.
Ang binata ang sinisi ng kanyang ama dahil akala nito galit siya sa kapatid dahil sa inggit. Hindi niya raw makalimutan ang sinabi nito, "Pinatay mo ang kapatid mo!" Nagulat naman ang legal na asawa nito na tinawag ng kanyang asawa ang binata bilang kapatid ng kanilang anak. Halos hindi maipinta ang mukha nito dahil sa dami ng pangyayari. Nasilayan niya kung paano namuo ang galit sa puso ng asawa ng kanyang ama. Hindi niya rin maatim na makita ang kanyang ama na halos halikan ang paa ng asawa niya dahil sa pagkakamali niya, at ang pagkakamali na iyon ay ang binata. Dahil sa galit, frustrasyon, sama ng loob at sakit, hindi kinaya ng asawa ng kanyang ama na naging dahilan ng pagkitil nito sa sariling buhay.
Pagkatapos niyang ikuwento sa akin ang lahat, dahil sa gusto ko, ako’y naniwala. Dahil rito, palagi ko na siyang binibisita, kinakamusta at nakikipagkulitan pa ako sa kanya kung minsan. Mas gumaan ang aking loob sa kanya. Akala ko’y siya rin. Dahil sa pag-aakalang ito, hindi ko na napigilang mahulog ang aking loob sa binata. Kriminal man ito sa paningin ng iba ngunit wala akong pakialam dahil mahal ko siya. Akala ko kilala ko siya, na ako lang ang nakakaalam ng katotohanan tungkol sa totoong nangyari sa kanyang kaso. Dahil sa pag-aakalang ito, sa araw ng paghuhukom, ang magsasabi kung ikukulong ba siya o hindi, binigo ko ang aking kliyente. Itinalo ko ang aking kaso at nanalo siya, kaya naman nakalaya ito.
Paglaya niya akala ko magkakaroon na ng ‘kami’. Akala ko mapapasaakin na ang binata. Ngunit hindi pala. Nagbago ang lahat. Nagbago siya. Hindi nga pala siya nagbago. Lumabas ang kanyang totoong pagkatao. May nadiskubre akong isang masakit na katotohanan. Ginamit lang pala niya ako. Hindi niya pala ako mahal. Siya pala talaga ang pumatay sa bata. Ginamit lang ako upang makalabas ito. Ni hindi kailanman nahulog ang loob ng aking minamahal sa akin. Napakasakit, ayoko na. Nasaktan ako ng sobra sobra. Hindi ko na alam ang aking gagawin.
Tulala ako ng halos dalawang linggo at sa dalawang linggong 'yon, ang mga paru-parong iningatan ko ay unti-unting nang namamatay.Sinubukan kong magmakaawa sa kanya ngunit isang hindi kaaya-ayang tanawin ang aking naabutan. Ang binata, ang aking iniirog ng lubusan, may kasamang ibang babae na tila sinisinta niya. Tila kung titingnan mo ang mga tingin niya sa babaeng kasama ay tila umiikot lang ang mundo ng binata rito. Parang wala lang nangyari sa pagitan nila. Galit ang aking naramdaman. Kinain ako ng sakit at galit na dahilan ng pagkawala ko sa aking sarili.
Paggising ko, nasa silid na ako. Parehong silid kung saan una kong nakita ang binata. Silid kung saan naabutan kong kinukuwestiyon ang binata. Tiningnan ko ang aking sarili, puno ng dugo, damit na parang nilabhan sa dugo. May isang pulis na kinukuwestiyon ako, maraming bantay para di ako makalabas. “Bakit mo pinatay ang binata?” ang tanong na gumising sakin at ang dahilan kung paano ko ulit naalala ang ginawa ko sa binatang aking minahal, at akin ding pinatay. Ang binatang aking pinalaya ang siyang ngayong magkukulong sa'kin.