To My Special Someone's Mom

39 1 0
                                    

Kailan nga po ba nagiging makabuluhan ang pagiging babae? Ika nga po ng dating Ms. Universe, nagiging makabuluhan daw po kapag ika’y naging isang Ina. Di po ako isang babae ngunit nasisilayan ko po ang mga patotoo nito. Ang aking ina at kayo po bilang ina.

Ang sumunod na katanungan ay kailan naman nagiging makabuluhan ang pagiging Ina? Hindi po ba’t ito ay makikita sa maayos na pagpapalaki sa kanyang mga anak? Sa unang dalaw ko po sa inyo, di lang po bahay ang aking napuntahan kundi isang tahanan. Maliwanag po noon. Kaya po pala, nakita ko po ang ilaw ng tahanan. Isang tahanang puno ng saya at kahit ang isang taong di ngumingiti ay mapapangiti.

Isa po talagang malaking bagay sa isang maayos na pamilya ang pagkakaroon ng isang mabuting ina katuwang pa ang kaniyang kabiyak. Hindi na po kailangang pagnilayan pa kung bakit ang pamilya po ninyo ay pinagpapala ng Panginoon.                              

Kahanga hanga po sa isang ina ang ituring na matalik na kaibigan ng kanyang mga anak. Kung minsang nagkakamali man ang mga anak, hindi man umuwi ng bahay o di po kaya nama’y may mga pagkakataong hindi na napapakinggan ang mga payo ng isang ina. Ngunit nariyan pa rin ang ina na naghihintay para sa pagbabalik ng kanyang anak. At sa muling pagbabalik, isang mainit na yakap ng pagmamahal pa ang handog ng ina. Sadya nga naman pong kahanga hanga. Marapat lamang po na bigyan kayo ng isang pagpupugay.

Daig nyo pa po ang dingding, masasandalan kahit saan. Daig nyo pa po ang isang atleta, hindi napapagod para mapasaya ang pamilya. Daig nyo pa po si Laida Magtalas na may Miggy Montenegro, kayo naman po ay may Jojo Abastillas. Ayus.

Nilikha po ang liham na ito bilang isang pagkilala sa isang ina na naging magandang halimbawa sa kanyang mga anak. Pinagsama sama po ang mga titik hanggang naging salita, ang mga salita’y nagsama sama at naging pangungusap. Ang mga mga pangungusap ay naging talata. At iyon po, isa na po pala syang mensahe.

Hindi ko po hangarin na pagpabango ng pangalan sa inyo upang maging maganda ang imahe ko sa inyong prinsesa o mambola para lang may matuwa. Nais ko lamang po na magbigay pugay sapagkat kayo po ay karapat dapat.

Wala man po akong tropeyo, bulaklak o tsokolate upang iabot sa inyo. Hiling ko nalang po na mas maging maligaya pa ang inyong pamilya. Tiyak ko po na higit sa mga materyal na bagay ay isang masayang pamilya. Kumbinsido po ako na sa inyo nagmana ang pusang mahilig sa bitamina. Meron po kayong Tito Jojo, Camille at Leo na nagpapalakas sa inyo na parang mga bitamina. Isama pa po natin ang tatlong cute na mga pusa, wawi, badi at si kc. Kainam!

At hinihiling ko rin po na makatagpo ang inyong kaisa isang anak na babae ng isang lalaking mapapangalagaan ang kanyang damdamin, isang lalaking makikinig at makakausap sa sandaling kailangan sya nito at isang lalaking may paninindigan. Mga bagay na hindi ko po nagawa. Mga pagkakamaling hindi ko po maitatanggi.

Hindi po nagtatapos sa pagpapalaki sa mga anak ng maayos ang pagiging mabuting ina kundi ang kanyang anak na babae ay maging isa ring mabuting ina. Natitiyak ko po na sya ay magiging mabuting ina sa kanyang magiging mga anak sapagkat nagabayan nyo po sya ng tama.

Mabuhay po kayo!!! May God’s favor be upon you and your family. Maligayang araw po ng mga Ina <^_^>

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jun 27, 2014 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

To My Special Someone's MomTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon