CHAPTER TWO

8.4K 185 3
                                    


HINDI kataka-taka kung ma-trace man si Azenith ni Zardou. Mayaman ang lalaki. Makapangyarihan. Kung gugustuhin nito, madali lang para dito na ipahanap siya. Kaya ganoon na lang ang pagpa-panic niya. Ilang buwan na ang lalaki sa Maynila dahil may sakit ang papa nito at naka-confine raw sa isang ospital sa Makati.

Kung bakit kasi nagkita pa sila ni Nimfa.

Excited na ikinuwento ng babae ang tungkol sa limang taong gulang na anak nito na diumano ay artista na at lumalabas sa isang panghapong teledrama. Hanggang sa mapunta ang usapan nila sa pinsan nitong si Zardou.

Gayon na lang ang kaba ni Azenith nang banggitin ni Nimfa si Zardou. Inusisa pa ng babae kung bakit hindi na siya umuuwi o bumibisita man lang sa mga tiyahin niya sa Tagbilaran.

Itinanong din ni Nimfa kung kailan pa siya umuwi sa Pilipinas dahil ang balita sa probinsiya nila ay nasa Amerika siya at doon nagtatrabaho. Iyon kasi ang ipinagkalat ng mga tiyahin niya sa mga taong nagtatanong tungkol sa kanyang kalagayan.

Pero hindi lingid sa kanyang mga tiyahin  ang totoo. Hindi naman siya natuloy sa Amerika. Dahil sa isang di-inaasahang pangyayari ay napilitan siyang mamalagi na lang sa Maynila at doon naghanap ng trabaho.

Bigla ay naisip niya kung ano ang magiging saloobin ni Zardou kapag nalaman ang tungkol doon.

Napabuntong-hininga si Azenith.

Hindi siya makapaniwalang binata pa rin ang dating nobyo. Ang alam niya, tinotoo nito ang pagpapakasal kay Eliza, ang babaeng inirereto ng lola nito nang itinuloy niya ang pag-alis sa kanilang probinsiya.

Nasaktan siya noon dahil sa kitid ng pang-unawa ni Zardou. Wala namang masama sa hangarin niyang maiangat ang   kanyang estado sa buhay.. Ano ba naman iyong dalawang taong pagtatrabaho niya sa ibang bansa? Ipinangako naman niyang kapag nakaipon na siya ay uuwi na  at babalik sa piling nito.

Dahil sa tindi ng sama ng loob ay lalo siyang nagpursige na makaalis noon. Ngunit naglaho ang kanyang mga pangarap  nang mamatay sa car accident sa ibang bansa ang taong sasalo at tutulong sana sa kanya sa pagtungo sa Amerika. Hindi na nito naipadala ang kanyang plane ticket.

Isang bagay lang ang tumatak sa isip ni Azenith  nang mga panahong iyon. Senyales nga marahil ang pagkamatay nito para huwag na niyang ituloy ang balak na pangingibang-bansa.

Ngunit gustuhin man niyang bumalik sa kanilang probinsiya ay hindi  nagawa, lalo pa at nabalitaan niya sa kanyang mga tiyahin na dumating sa villa ng mga Concepcion si Eliza.

Nang malaman daw ng Lola Beatriz ni Zardou na nakaalis na siya ay mabilis nitong kinumbinsi si Eliza—na nakabase sa Maynila—na magbakasyon sa villa. Agad daw nagkapalagayan ng loob ang mga ito.

Batid niyang gumawa ng paraan si Doña Beatriz na lalo siyang siraan sa apo nito. Nagtagumpay ang donya dahil mula noon ay wala na siyang narinig mula kay Zardou kahit ibinigay naman niya ang address ng bahay na pansamantalang tutuluyan niya sa Maynila.

Labis ang pagdaramdam ni Azenith kay Zardou. Hindi nito maintindihan na kaya ganoon na lang ang pag-aambisyon niyang maiangat ang sarili ay upang kahit paano'y maipagmalaki siya ng lalaki sa pamilya, lalo at mayaman ang angkan nito.

Alangan sila sa isa't isa. Isang patunay ang matinding disgusto sa kanya ng abuela nang pormal siyang ipakilala ni Zardou sa doña. Nanliligaw pa lang sa kanya si Zardou ay sinasabi na sa kanya ng mga tiyahin na magkakaproblema siya sa lola nito.

Pero binale-wala ni Azenith iyon. Ang akala niya ay sapat na ang pagmamahalan nila pero hindi pala. Kahit anong assurance ni Zardou sa kanya na walang magagawa ang abuela nito sa pagpili nito ng babaeng pakakasalan ay hindi nawala ang agam-agam sa kanyang dibdib.

THE STORY OF US 2: AZENITH & ZARDOU (published under PHR1847)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon