Mula nang una akong isama sa Maynila, halos naging regular na akong kasama ng mga maglalako. Sabi ni inay, mas mabuti raw at nang hindi siya napapakuwento nang matagal sa kanyang mga suki, dahil may kasama siyang mainipin. Kahit nang pumasok na ako sa eskwela, isinasama pa rin niya ako pagluwas, basta walang eksamen.
Ano'ng nangyari sa unang araw ko sa eskwela? Gumawa kami ni Ate Mabel ng eksena. Ayoko kasing maghiwalay kami. Gusto kong sumama sa klasrum niya. Syempre, hindi pwede, dahil greyd six na siya. Kaya naghigitan kami sa koridor ng greyd wan, habang umaatungal ako. Nakadungaw sa mga bintana ang ibang bata at inuusyoso kami. Sa wakas, lumabas si Mrs. Maligaya at pinatahan ako. Isinama muna ako ng matandang guro sa kanyang klase, pero kay Mrs. Tejares daw talaga ako.
Hiyang-hiya at inis na inis siguro si Ate Mabel sa akin, kaya kinabukasan, nang uwian na, hindi ko siya makita. Iniwan niya ako. Buti na lang, nakilala ako ng mga kaklase niya (talagang magkamukha kami) at inihatid ako sa bahay. Naglakad lang kami. Sa unang araw ka lang sasamahan ni inay o ate sa eskwela, pero sa susunod, ikaw na lang mag-isa. Sasama ka na lang sa ibang bata pag-uwi.
Ang laki-laki ng bag ko noon, kulay itim na may gulong. Pero malimit na nakasabit iyon sa balikat ko, kahit kapag tinatawag ako ni Mrs. Tejares sa re-si-tey-syen.
"Pauwi ka na ba, Jepoy?" minsan niyang tinanong sa akin. Umiling ako. "E di ibaba mo muna ang bag mo," sabi niya. Nagtawanan ang mga kaklase ko.
Masyadong maraming napapansin ang mga kaklase ko. Mukha raw daga si Joselito, at parang bulate naman daw si Ronnie. Tapos lagi pa nilang sinisilip ang tayngang may luga ni Sophia. Kaya laging nagmumukmok na lang siya sa sulok.
Halata mo sa baon ang mayamang kaklase. Nang una kong makita ang palaman sa tinapay ni Jay, akala ko kumakain siya ng hilaw na karne. Ham pala ang tawag doon. Hindi pa rin ako nakakatikim niyon.
May baon din naman akong gatas sa plastik na inumang binili ni Ate Mavic, pero kondensada iyon. Nakiinom pa ang isa kong kaklase, pero biglang ibinalik sa akin nang makita ang palutang-lutang na mga itim na langgam. Sadya namang kasama sila sa asukal, kaya ayos lang.
Dahil unang linggo pa naman ng pasukan, isinama uli ako ni inay sa paglalako. Tuwang-tuwa ako dahil ibinili ako ni inay ng plastik na dyip-dyipan – kulay dilaw at asul at may malalaking gulong! Kinse pesos ang bili niya. Nakatawad daw siya ng limang piso. Tutal, lumang luma na rin naman 'yung plastik na bus na buo ang yari at hindi nabubuksan ang pinto. Gusto ko sana e iyong napapasok para ilalagay ko sa loob ang mga tau-tauhan ko (gaya nina Sarge).
May pinag-uusapan ang ibang maglalako nang pasakay na kami para umuwi. Parang nag-aalala ang mga mukha nila. Pilit kong inintindi ang minsa'y pabulong, minsa'y pabalang nilang salitaan, pero ang nangibabaw lang sa mga iyon ay isang salitang bago sa pandinig ko: "kulto". Napakamot ako sa ulo, kasi parang kuto.
Usong uso ang kuto sa aming mga bata, babae man o lalaki. Nakikita mo talagang gumagapang sa leeg ng kalaro mo ang kuto. Kapag biglang tumalon 'yon, napapatalon din kami. Kapag kinukuto si Ate Mabel, damay ako. Kasi lagi nga kaming magkabuntot. Kapag binubuhusan ni inay ng mabahong pormula ang buhok niya, syempre damay uli ako.
Pero hindi naman kuto ang pinoproblema nila ngayon, kundi ang nasabing kulto ng isang nagngangalang "Fermina", tagaroon din daw sa amin.
"Sabi raw ni Fermina, siya ang Mahal na Birhen."
"Matingnan lang daw e napapasunod na."
"Parang hipnotismo..."
"Marami na raw kasapi sa kanyang barangay."
"Umaayon na raw 'yung iba sa takot na saktan o mapatay."
"Kinakain nga ga nila ang biktima?"
"Nangunguha raw ng birhen o sanggol."
"Yung walang malay, inosente."
"Iaalay daw sa Diyos."
Buong biyahe namin, iyan ang kanilang usap-usapan. Palipat-lipat ang tingin ko sa kung sino'ng nagsasalita habang kalong ni inay. Medyo nahilo ako, kaya sinimulan ko na naman sa isip ang kakaiba kong dasal. "Hindi ako magsusuka, hindi ako magsusuka..." Nakakangalay sa utak. Nakatulog ako. Hindi ko alam kung papaano. Basta nang magmulat uli ako ng mata, nasa pagitan na ako ni inay at isa pang maglalako, at nakasubsob sa malaking bag sa harap ko.
Nasa Tanauan kami. Laging humihinto ang sasakyan doon para sa mga gustong bumili ng "paborita." Tinapay iyon na malutong at bilog-bilog na kasinlaki ng piso. Iyon din ang ginagawa kong ostya-ostyahan kapag nagpapari-parian ako sa aming larong misa-misahan. Nagpapaku-pakuan din kami – iyong kunwari si Kristo, tapos pauli-uli kami sa kalehon na parang sa napapanood naming senakulo sa simbahan. Kapag naipako na si Kristo, mabubuhay naman siya at gagantihan kaming lahat, kaya mauuwi ang penitensya sa takutan at habulan.
May kasama kaming maglalakong taga-San Jose, kaya dumaraan din ang sasakyan doon. Pahinto-hinto at pasikot-sikot kami kaya mas lumalayo at tumatagal ang biyahe. Kapag naramdaman kong malubak na ang daan, alam kong malapit na kami sa aming bayan.
Huminto si Ka Pumeng sa tabing daan at ibinaba ang malabong trapal ng sasakyan sa bintana. Nagtaka ako dahil hindi naman umuulan. Maya-maya, nang tumatakbo na kami, sinabi niyang yumuko kaming lahat at huwag magsasalita. Tapos dahan-dahang tumakbo ang piyera na parang iwas na iwas lumikha ng ingay sa kalsada. Halos hindi ako makahinga sa pagkakasubsob dahil sa matinding kaba.
Sobrang tahimik din sa aming dinaraanan. Parang walang tao. Mas naririnig ko pa ang tibok ng puso ko kaysa sa ingay ng kahit ano. Mas nakakatakot pala iyong hindi mo alam kung ano ang nakakatakot.
Makalipas ang ilang sandali, biglang humarurot ang aming sasakyan, at nagsiayos na kaming lahat ng upo. Ayon sa kanilang usap-usapan, iyon daw ang lugar ni Fermina. Delikado raw kung may makapansin sa amin. Baka raw naglipana roon ang mga kasapi ng kulto.
"Maysademonyo ang mga iyon!" sabi ni Ka Pumeng. "Mawawala ka sa sarili kapag natitigan ka," dugtong pa niya. Naalala ko tuloy ang Tagabulag. May kinalaman kaya siya rito? Sabi ni Juana, malimit daw maglabas-masok sa sampalukan ang Tagabulag.
"Mahalaga ang papel ng Tagabulag sa aming mundo. Inililigaw niya ang sinumang mapadpad o magtangkang pumasok dito," naalala kong sabi ni Juana nang huli akong magtungo sa mundo nila, bago magpasukan. "Pero dahil sa kakayahan niyang magpanggap, nakita niya ang kahinaan ng mga tao. Kaya niyang ipakita ang gusto nilang makita, at kapag nakita na nila, maniniwala agad sila..."
"Demonyo ang nakita ni Fermina, pero akala niya anghel!" Napatitig ako sa matandang nagsasalita sa harap ko.
"Tinakot mo naman ang bata, Conching! Namumutla o..." sabi ng kanyang katabi.
"Aba'y hindi naman siya ang kapulong ko," sagot ng matanda.
Hindi ko pinansin ang matanda. Patuloy lang akong nakinig nang nakinig sa kanilang kwentuhan. Inip na inip na rin kasi akong makauwi. Gustong gusto ko nang makababa at mabuksan ang bago kong laruan. Kinapa ko ang balutan ni inay at hindi ko maitanggi ang tuwang naramdaman nang matiyak kong naroon nga iyon.
Madilim-dilim na nang makarating kami sa bahay. Walang power kaya may sindi ang mga garapa (ilawang may gas). Hawak-hawak ko ang hindi pa nabubuksang laruan nang pumasok ako sa kusina, para ipakita sana kay Ate Mabel. Nagulat ako nang makitang naroon pala si tatay, nakaupo sa silyang malapit sa bintana, na malimit niyang puwesto habang nakatanaw sa likod-bahay. Huli na para umiwas. Napalitan ng pangamba ang tuwa ko, lalo na nang tanungin niya ako kung ano'ng dala-dala ko.
"Dyip-dyipan ho, binili ni inay..." mahina kong sagot.
"Siguro'y kung magkano na 'yan. Dapat sa iyo'y hindi na binibigyan ng baon," matiim niyang sabi.
Nakatayo lang ako roon, at sa murang isipan ko, parang isang mabigat na kasalanan ang laruang iyon sa aking mga kamay. Parang inagaw ko iyon sa kakainin naming magkakapatid, na kaya magtitiis kami sa susunod na mga araw ay dahil sa laruang iyon. Hindi ko halos napansing dumaan si inay sa tabi ko para pasimpleng higitin ako palayo sa aking ama.
Hindi ko nagawang laruin o buksan man lang ang dyip-dyipan nang gabing iyon, gaya ng iniisip ko nang nasa biyahe pa lang kami. Mabilis akong nakatulog, at ni hindi ko nagawang managinip dahil sa matinding pagod at sama ng loob.
BINABASA MO ANG
Ang Lihim Kong Buhay sa Piling ng mga Nuno (Nunoserye #1)
Paranormal"Halatang apektado kaming lahat ng mga bali-balita tungkol sa aswang at kulto. May araw pa, hindi pa tumutunog ang orasyon, nagkaayawan na agad. Pati ang dilim, tila nagmamadaling lumatag kasunod ng pagsisindi ng mga garapa. Mabilis ding natatapos a...