MAHAL PALA KITA
Mahal pala kita.. bakit ngayon ko lang ito nadama
Kung kelan nasa piling ka na ng iba, puso ko’y umaasa;
Na sana ay mahalin mo pa rin ako at bigyan ng pag-asa
Nawa’y makapiling at makayakap ka sa tuwi-tuwina.
Mahal pala kita… sa iyo lamang liligaya
Di maghahangad ng iba, ikaw pa rin sa aking ala-ala;
Puso ko’y laging nananabik na muli kang makasama
Nawa’y muling pagbigyan, puso kong nangungulila.
Mahal pala kita… ngayon ay papaano na
Kung sa piling na ng iba, ikaw ay maligaya;
Paano ako mabubuhay, sana ay kayanin ko pa
Nang mabuhay mag-isa, kahit wala ka na…
Mahal pala kita… sana ikaw ay aking napaligaya
Ang labis kong pagmamahal nawa’y naipadama;
Ngayon ako’y nag-iisa, hangad ko’y maulit pa
Puso ko’y nagsisisi, sumisigaw, mahal pa rin kita!