"Gelo! Bumaba ka na dyan" sigaw ko kay gelo mula rito sa baba. Nakatingala ako ngayon sa puno ng mangga dahil nandon sya sa itaas. Namimitas.
"Sana kasi hiniram mo nalang yong panungkit nila aleng ising eh! Baka mahulog ka pa dyan" Sa totoo lang paakyat pa lang sya dada na ako ng dada dito. Kinakabahan kasi akong baka mahulog sya.
"Lyra!" Tawag nya sakin. Abot tenga ang ngiti nya habang pinapakita yong napitas nyang mangga para sakin. Oo para sakin nga. Nadaanan lang talaga namin to dito sa kapitbahay pero dahil alam nyang paborito ko ito ay nagpresenta syang ikuhanan ako. Nagpaalam muna sya sa may ari bago nya akyatin ang puno ng mangga.
Ngumiti rin ako sinenyasan syang bumaba na.
"Tama na yan Gelo. Masyado na yang marami bumaba ka na"
"Eto nerbyosa wag ka mag alala hindi ako mahuhulog ito na nga bababa na"
Pinagmasdan ko sya habang bumababa.
"Lagot ka na naman nyan Gelo. Andumi na ng uniporme mo sabing wag na kasing akyatin"
"Heto na yong mangga. Iuwi mo ng lahat baka nga kulang pa sayo yan haha" wika nya, sinamaan ko sya ng tingin.
"Biro lang tsaka wag ka mag alala Magagalit lang panandalian yon si nanay pero maya maya eh ayos na din. Ako nalang maglalaba netong uniform ko. Tara na"
Galing kaming eskwelahan, 2nd year high school kami pareho ni Gelo. Magkalapit lang din ng bahay kaya sabay pumapasok at umuuwi. Kababata ko sya. Mula kindergarten eh kami daw ang palaging magkasama kwento sakin ni mama.
Kada weekends namamasyal kaming pareho sa tabing ilog. Namimitas o nakikihingi ng mangga sa kapitbahay at yon yong kakainin namin doon. Simpleng buhay ang kinalakhan namin pareho kaya naman magkasundo kami.
Kasalukuyan kaming nakaupo sa isang malaking bato.
"Lyra, si tito john raw may sakit. Pero hindi pa kami makadalaw ni mama kasi nga dalawang linggo pa bago ang bakasyon natin" nakatingin sya sa malayo. Tito john ay kapatid ng mama nya. Sobrang close sila ni Gelo.
"Mabilis lang yong dalawang linggo Gelo ano ka ba" pagpapagaan ko ng loob nya dahil alam ko kung gaano nya kagustong puntahan ang tiyuhin nya.
"Alam ko naman lyra. Nagpapasalamat nga din ako at nandoon si tiya sandra. Total kampante kami na may nag aalaga sa kanya."
Tumingin ako sa may ilog at napangiti. Swerte ng tiyuhin ni Gelo kay tita sandra.
"Alam mo lyra, iniisip ko minsan paano kaya pagtanda ko rin, pag nagkasakit may mag aalaga kaya sakin?" Seryoso ang mukha nya.
"Tsk eto naman. Syempre. Imposible namang hindi ka makahanap ng babaeng papakasalan mo. Kasabay mong tatanda at mag aalaga sayo"
Ngumiti sya.
"Lyra kapag 35 na tayo at pareho tayong walang asawa pwede bang tayo na lang?"
Napalunok ako. Ang bata pa namin pero naiintindihan ko ang sinasabi nya.
"Bat mo naman naisip yan Gelo?"
"Lyra, komportable naman ako sayo. Tsaka kung pareho din talaga tayong hindi makakapag asawa sa edad na yon, eh gusto ko ring alagaan ka. Sabay tayong lumaki kaya sa tingin ko ayos din kung sabay tayong tatandang magkasama diba?"
Ngumiti ako at tumango. Masarap pakinggan yong sinasabi nya.
"Papakasalan kita Lyra, kapag nagkita tayo ulit sa ganong edad at parehong hindi pa kasal, pangako"
Itinaas nya ang kanang kamay nya. At ganon din ang ginawa ko.
"Pangako papayag ako kung sakali man Gelo"