Chapter 2

6.6K 98 3
                                    

CHAPTER TWO

"NAY, Kuya Marvis, kumain na tayo!" masiglang sabi ni Ava nang matapos nilang ihanda ni ate Noreen ang mesa para sa tanghalian.

"Wow! Mukhang masarap ang niluto ng Noreen ko ha," malambing na hinalikan pa sa pisngi ng kuya niya ang asawa habang karga-karga ang eleven-month old na anak ng mga ito na si baby Areen.

Kinuha niya si Areen at kinarga. Hinalikan niya ang cute nitong pisngi. Miss na miss na niya ang pamangkin at masaya siya na magbabakasyon ang mga ito sa kanila ng isang linggo. Mula kasi nang ikasal si kuya Marvis at ate Noreen ay bumukod na ng tirahan ang mga ito.

Silang dalawa na lang ng nanay niya ang naiwan sa bahay nila dito sa Laguna. Pero madalas naman na pumapasyal sa kanila ang mag-asawa.

Narinig niyang sinaway ni ate Noreen ang kuya niya. "Ano ka ba Marvis, si Ava ang nagluto ng lahat ng ito. Tumulong lang ako," nakangiting binalingan siya nito.

Tumingin naman sa kanya ang kuya. Proud siyang ngumiti. Ngumisi ito. "Nay oh! Si Ava pwede nang mag-asawa," pang-aasar pa nito.

Inirapan niya ito. Pumasok naman ang nanay nila sa dining area.

"Aba! Talagang pwede nang mag-asawa si Ava," nangingiting sabi naman ng nanay Teresa nila. "Twenty-seven na siya. Iyang ganyang edad ay pwedeng-pwede nang mag-asawa."

Sumimangot siya. "Nay naman eh! Paano ako mag-aasawa eh wala naman akong boyfriend? Wala ngang nanliligaw sa akin eh."

Hindi niya alam kung mapu-frustrate siya sa isiping iyon.

"Hay naku! Itong batang ito! Umupo ka na nga at kumain na tayo," saway ng nanay niya.

Nagkanya-kanya na silang upo habang siya ay karga si Areen at pinupog ito ng halik. Ganoon lang silang pamilya, nag-aasaran, nagkukulitan at palaging masaya. Sa kabila ng lahat ng pagsubok na pinagdaanan nila ay matibay pa rin sila hanggang ngayon.

Naging maayos ang lahat sa pagsasama ni kuya Marvis at ate Noreen. Nanaig pa rin ang pagmamahalan ng dalawa sa kabila ng malaking pagsubok na pinagdaanan ng relasyon ng mga ito. Naging maganda ang kabuhayan nilang pamilya. Natupad niya ang kanyang pangarap... at iyon ay ang maging masaya ang pamilya niya. Wala na siyang mahihiling pa.

"Pero seryosong tanong Ava... bakit wala ka pang boyfriend?"

Nilingon niya si kuya Marvis. Seryoso nga ang mukha nito. Nakita niyang sinaway ito ni ate Noreen.

"Seryoso ka ba talaga kuya o nang-aasar?" sikmat niya. Napagdiskitahan na naman siya ng kapatid. "Na-miss mo ba ako kaya inaasar mo ako ngayon?" tiningnan niya ito ng matalim.

"Seryoso nga ako," anito bago uminom ng tubig. "Wala ka pa naman kasing ipinapakilala... at dinalang lalaki dito sa bahay. Oh wait!" lumapad ang ngiti nito. "Isang lalaki lang naman pala ang dinala mo dito sa bahay. At itago na lang natin siya sa pangalang... Cleon!" tumawa ito ng malakas.

Nag-init ang pisngi niya sa sinabi nito. Palagi na lang siya nitong tinutukso kay Cleon.

Pinanlakihan niya ito ng mga mata. "Tumigil ka nga kuya! Ilang ulit ko bang sasabihin na magkaibigan lang kami ni Cleon."

"Sus! Eh bakit namumula ka riyan?" pang-aasar pa nito.

"Hindi kaya!" kaila niya. Tumawa pa ito ng malakas. Maging si ate Noreen at nanay niya. "Nakakainis ka talaga kuya."

The Day We Met (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon