Chapter 7

7 1 0
                                    


Ayoko na... iyak ng pitong taong gulang na batang lalaki habang nakahiga ito sa hospital bed. Ang sakit-sakit na po kasi...

Nagmamakaawa ang mga mata ng batang may sakit na cancer sa utak. Walang ginawa ang ina't ama nito kundi ang ipaglaban siya. Ipinagamot at inaalagaan siya ng mga ito. Subalit hindi lahat ng lumalaban ay may naipapanalo. Sa laban ng buhay at kamatayan ay pantay lamang ang dalawa. Dahil ang mabuhay sa mundo ay kalooban ng Diyos, at ang kamatayan ng katawan ay kalooban pa rin Niya.

Napakaraming tao ang sarado ang isipan tungkol sa kamatayan. Natatakot sila rito. At doon pa lang ay namamatay na ang mga ito. Dahil ang takot ay pumapatay ng saya at pag-asa.

Tinatanggap ko na po ang kamatayan... wika ng bata sa kanyang isipan. Sa isipan nito'y kausap nito ang Ama. May ngiting gumuhit sa maputlang mga labi nito.

"'Ma..." pukaw ng bata sa inang nakaidlip sa tabi nito na agad naggising nang marinig ang kanyang tinig.

"Ron, bakit?" masuyong tanong ng ina na pupungas-pungas pa. "May masakit ba sa 'yo, anak? Sabihin mo kay mama."

"Gusto ko pong kumain..."

"Talaga?" Nagkaroon ng buhay ang mukha ng kanyang ina. Ilang araw na kasing walang ganang kumain ang kanyang anak at patuloy na nananamlay sa higaan nito. "Ano'ng gusto mong kainin? Ibibili kita."

Dumako ang tingin ni Ron sa mesang katabi ng hinihigaan niya. Nasa ibabaw niyon ang maliit na basket na may lamang sari-saring prutas dala kanina ng kanyang ama. "Ipagbalat po ninyo ako ng ponkan, 'Ma."

Maluha-luha pa sa tuwa ang ina habang ipinagbabalat nito ng prutas ang anak. Isang magandang senyales ang pagkain ng anak ng paborito nitong prutas na gagaling na ito. Kumain si Ron nang kumain nang gabing iyon. Wala rin itong ginawa kundi ngumiti at nakipagkuwentuhan sa mama nito. Tiniis ng ina ang puyat para sa anak. Sabay at magkatabi pa silang natulog ng anak bandang alas-onse ng gabi.

Naggising ang ina bandang alas-kuwatro ng umaga. Excited siyang ipagtimpla ng gatas ang anak niya. Ngunit hindi na naggising si Ron sa tabi niya.

"Nasabi mo na ang pinakamatamis na paalam sa 'yong ina," wika ng isang Anghel sa tabi ng kaluluwa ni Ron. Nakikita nila ang pagtangis ng ina sa tabi ng katawan niya. "Ang huling sandaling nakasama ka niya ay naging masaya. Nawala rin kahit saglit ang pag-aalala niya sa kalusugan mo."

"Parang pinaasa ko lang siya," wika ni Ron na napasulyap sa kanyang katabi.

"Hindi 'yon ang nasa puso't isipan ng 'yong ina. Ang bawat patak ng kanyang luha ay pawang pangungulila. Wala roon ang galit. Dahil masaya pa rin siyang isipin na lumisan ka sa mundong ito nang may ngiti at pagmamahal."

Nakita nilang dumating ang ama ni Ron at tumabi sa asawa nitong umiiyak.

"Payapa na ang anak natin..." bulong ng ama sa asawa. "Kasama na niya ang anghel na gagabay sa kanya. Kaya mapapanatag rin tayo."

"Sino po pala kayo?" tanong ni Ron nang magsimula silang maglakad ng lalaki patungong pintuan.

"Ako ang Anghel ng Kamatayan. Ako ang maghahatid sa 'yo sa lugar kung saan ka maghihintay sa panahon ng paghahatol."

"Masaya po ba roon?"

"Isa kang mabuting bata. Nakatitiyak akong masayang lugar rin ang pupuntahan mo."

Sabay nilang binuksan ang pintuan na nagbuga ng nakasisilaw na liwanag, At hawak-kamay silang pumasok roon.

Iyon ang ika-siyam na raan at siyamnapu't pito (997) na kaluluwang kanyang nasundo. Tatlo na lamang at matatapos na ang kanyang oras ng pamamalagi sa mundo. Gayunpaman, umaasa si Cris na bago iyon ay maitama na niya ang kanyang malaking pagkakamali na nagbigay sa kanya ng katungkulang mayroon siya ngayon.

Wake Me Up, GanahraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon