ANG RESIBO

15 1 0
                                    


May demokrasya ang pag-ibig.







Minsan, isang babaeng may nakakatawang buhok ang pumasok sa isang department store para magpalamig.

Naupo ito sa isang sulok, malapit sa counter na siyang may pinakamahabang pila. Inobserbahan niya ang cashier na naroon. Sinasabi ng name tag nito na siya si David.

Bigla, tumayo ang babaeng may nakakatawang buhok, nilapitan si David, at binigyan ito ng isang makabaling-leeg na sampal sa pisngi. Kinuha ng babae ang isang nalamukos na resibo sa isang karatig trashbin at itinapat iyon sa muka ng cashier. "Ano'ng karapatan mong gawin ito sa kanya?" "Guard!" sigaw ni David. "Bakit mo pa rin sila ibinibigay, kung alam mo namang itatapon lang sila ng mga taong iyan?" Itinuro ng babae ang mga taong nakapila sa counter. "Baliw," bulong ng isa sa kanila. Dumating ang dalawang guwardiya. Hinawakan sa magkabilang braso ang babae, ngunit pilit itong nagpupumiglas. Pinagsisipa nito ang naturang counter. "Wala kang karapatan!" sigaw niya kay David. "Kayo, wala kayong karapatan!" at sa mga tao. Pilit itong kumakawala, buong lakas na inaabot ang naturang cashier. Naabot niya ang kuwelyo nito, na siyang gigil niyang hinila palapit sa kanya. "Bakit sila itinatapon?" tanong ng babae sa cashier, mata sa mata. "Dahil ba wala na silang silbi? Hindi ba't parte sila ng kasaysayan? Listahan ng mga bagay na minsan mong binili... natawag mong iyo?" Humagulgol sa iyak ang babae. Saglit na naglumpasay sa sahig. Sa huli, walang nagawa ang mga guwardiya kundi ang kaladkarin siya palabas. Madilim na nang lumabas si David sa naturang department store kung saan siya nag-t-trabaho. Nag-abang ito ng jeep sa kanto, katabi ng isang pundidong poste ng ilaw, kung saan nakakakapit ang isang balisang babae na animo'y tarshier. "Ayaw mo na ba talaga akong maalala?" sabi ng babae, walang partikular na kinakausap. Siya ang babaeng nagwala sa department store. "Karapatan kong kalimutan ka." tugon ni David, nakatingin sa malayo. "Kasama ba sa karapatan mo na sa saktan ako? Sabihim mo, ilan pa ang karapatan mo?" sabi ng babae, panaka-nakang sinisinok. "Wala akong nilabag na batas. Nagmahal lang ako ng dalawang beses. Sa parehong panahon nga lang." ani David. Inunat ng babae ang isa niyang kamay para ibabot sa lalaki ang isang kapirasong papel. Mas hinigpitan nito ang pagyakap sa poste. Tinanggap iyon ni David, nananatil sa ibang direksyon ang mga mata. Isa iyong resibo. Doon, nakasulat, sa malalaking letra, ang pangalan ng babaeng may nakakatawang buhok.

"Bakit ka kasi nagmahal ng ganyan."

"Dahil sa 'yo."

Nag-ring ang telepono ni David. Dali-dali niya iyong dinukot sa kanyang bulsa.

"Babe?" bungad niya. "Oo pauwi na ako. Kamusta si Charlie, nilalagnat pa rin ba?" Isang minutong nagtagal ang pag-uusap. "Sige, pauwi na ako." Pagkababa ng telepono ay marahan niya iyong ibinalik sa kanyang bulsa.

"Alam mo, hindi ka resibo." sabi niya kapagkuwan. "Hindi ka ibinigay sa akin para itapon, kundi para magkamali."

"Paano?"

"Isa ka sa mga produkto, na nakuha ng maling tao. Nakuha ko."

"Produkto? Ilan ba ang supply ko sa mundo? Isa ba akong delata ng sardinas, hilaw na patatas, sikat na brand ng anti-aging cream? Kaya ba hindi ka nahirapang palitan ako?"

Bumuntong-hininga si David.

"Ito ang reyalidad." simula niya. "Wala pang ni isang tao, sa kasaysayan, na hinatulan ng kamatayan dahil lang iniwan niya ang taong hindi niya mahal. Walang rehas para sa mga taong tulad ko, alam mo 'yun?"

Isang jeep ang nagdaan at mabilis niya iyong pinara. Pero bago umakyat, sinulyapan niya ang babae sa poste at bumulong ng "patawarin mo ako."

Nagsimulang umagos ang mga luha sa pisngi ng babae.

Tinakpan niya ang kanyang bibig ng libre niyang kamay.

Bilang tugon, marahan siyang tumango.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: May 12, 2018 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

ANG RESIBOTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon