"Ano po ba'ng maitutulong ko sa inyo?"
"Yung anak ho namin sampung araw nang 'di kumakain. Nakakulong lang sa kuwarto palagi.
'Di makausap. Para siyang pinapahirapan, sigaw ho nang sigaw. 'Di naman namin siya inaano."
"Kagabi ho nakita namin siyang kumakain ng ipis, mga gagamba. Kinalmot niya bunsong kapatid nang lumapit. 'Ko, bata na yan. 'Di na namin alam gagawin."
***
Nakatingin si Trinidad sa lumang balon sa likod ng barangay hall sa Sitio Bulan. Pinakiusapan niya ang kapitan na samahan siya sa mga lugar na madalas ginagawang laruan o tambayan ng mga bata. Isa na ang balon sa mga madalas puntahan at natutuwa ang mga batang mag-ahon ng tubig gamit ang napakahabang pisi.
Ang sabi-sabi, mga lamanlupa daw ang ang naghukay ng balon para sa isang Clarita Osias noong unang panahon, at ang kapalit ay isang batang busilak ang kalooban kada isang dekada.
Nabago na ang kuwento sa pagpapasa-pasa nito sa bawat bata at matanda.
Ang mga matanda ngayon ay siyang mga paslit noon, na narinig ang kuwento habang binabalaan sila ng kanilang mga magulang na huwag lumigid sa matandang balon at baka sila naman ang lamunin.
Si Tiya Otya, na kilalang mambabarang sa lugar, may kuwento rin sa balon, ayon sa kapitang nangingintab na ang ulo sa katandaan.
"Ang kuwento ng matandang mambabarang, may nahulog daw na magnanakaw dito sa balon.
Kaya nagalit ang mga lamanlupang naghukay nito. Kasi ang gusto nilang isama sa kabila, mga bata. Mga mababait. Hindi katulad noong magnanakaw ng kalabaw."
Nakahawak si Trinidad sa bunganga ng balon at tiningnang maigi ang kadiliman sa pinakailalim.
Humawak ang kapitan sa balikat ng dalaga at nag-aalangang bumulong, habang inaamoy-amoy ang nakatirintas na buhok ni Trinidad.
"Baka naman pagkatapos pwede kang... Alam mo na."
Umiling si Trinidad at tiningnan ang kapitan sa mata. May kung anong nakita ang kapitan at napaurong ito't nagtatakbo palayo. Ilang beses pa itong nadapa at bumangga sa kung saan-saan.
Naiwan si Trinidad sa balon mag-isa.
Tumingala siya na tila may pinapakinggan; tumango ito.
Sumampa siya sa labi ng balon at nagpatihulog.
***
Madilim sa bahay ng mga Dimaguiba. Parang may patay. Parang may burol na 'di pinansin ng mga kaanak. Pero walang burol, walang patay. Tila maysakit ang paligid dahil lahat ng nakatira'y natatakot sa mga pangyayari.
Tanging si Poldo, ang ama, ang pinipilit na hindi matakot. Umiika-ika itong naglalakad patungo sa sala. Madilim ang buong bahay at naputulan sila ng kuryente, ilang araw na ang nakararaan. Hindi na rin niya magawan ng paraan ang pagbabayad man lang at 'di niya maiwan nang matagal ang asawa at mga anak. Lalo na ang panganay nilang si Rey, edad trese.
Dinampot niya ang isang kandila mula sa altar at nagkaskas ng posporo. Pagsindi ng esperma, lumiwanag ang paligid, luminaw sa paningin ang makikinis na mukha ng batang Hesus, San Jose at ang banal na Ina. Nakatitig sa matandang pilay ang Sagrada Familia habang nagpupumilit itong itupi ang mga tuhod sa harap ng altar.
Pinikit ni Poldo ang mga mata habang paulit-ulit na sinasaksak ng mga nakapangingilabot na sigaw ang paligid. Garalgal at galit ang tinig, parang galing sa ilalim ng lupa.
"Akin na siyaaaaaa!"
"Wala na kayong magagawaaaaaa!"
"Akin na siyaaaaaa!"
"Hawakan mo kapatid mo! Nagsusuka na naman!"
""Nay natatakot na ako!"
"Basta hawakan mo siya! Baka tumama ulit ulo sa papag!"
"Wala na kayo magagawaaaaaa!"
Malayo pa lang si Trinidad ay narinig na niya ang hiyawan mula sa loob ng bahay ng mga Dimaguiba. Bukas ang pinto, kaya natanaw na rin niya ang matandang nakaluhod sa harap ng altar. Pasinghot-singhot ito.
Sa sobrang taimtim ng pagdarasal (o pagkatakot, hindi na niya alam), hindi na napansin ni Poldo ang pagpasok ni Trinidad sa kanilang munting tahanan. 'Di man lang niya narinig ang paglangitngit ng kawayang sahig sa pagdiin ng botang itim ni Trinidad.
Hinawi ni Trinidad ang kurtinang nagsisilbing tanging tabing ng nag-iisang kuwarto sa bahay. Sinakmal siya ng halo-halong amoy ng suka, dugo, dumi at ihi. Tinakpan niya ang kaniyang ilong at bibig gamit ang manggas ng kaniyang jacket. Nangasim ang tiyan niya. Matagal na siya sa larangang ito pero hindi pa rin siya nasasanay sa amoy ng katawang nagwawatak-watak at nabubulok na dahil sa sapi.
"Trinidad! Pasensya na naputulan kami ng kuryente, napakadilim! Nagwawala na naman siya!" babala ni aling Selya, habang pilit na binababa ang umaarkong dibdib ng anak nitong si Rey sa papag.
"Hindi ko kayo kailangan! Bitawan ninyo ako!"
Ang bunsong anak ni aling Selya na si Trisha'y nagmamakaawa sa estrangherong babae na tumulong. Nakapigil naman siya sa mga paa ng kaniyang kuyang si Rey. Napatitig ang bata sa mga mata ni Trinidad, na umaayon na sa dilim ng kuwarto. Nagliliwanag ang mga mata ni Trinidad, parang mata ng pusa. May manipis na hiwa sa gitna.
Mula sa loob ng jacket nito'y naglabas ito ng makintab na karit na may pitong pulgada ang haba. Kuminang ito kahit matagal nang namatay ang kandila sa loob ng kuwarto.
Hawak ang karit, lumusob si Trinidad patungo sa higaan ni Rey. Halos mabali na ang likod nito kakaarko. Tumalon si Trinidad ng mahigit tatlong talampakan bago nito binaon sa mukha ni Rey ang dulo ng karit. Tinuloy niya ang pagwasak sa may-sapi, hanggang sa masibak ng karit ang noo, ilong, panga, leeg at dibdib ng binata.
Gustong sumigaw ni aling Selya at ni Trish (na Patricia talaga ang ngalan) ngunit pareho na silang walang boses. Ilang araw nang ganito, nakapigil lang sila kay Rey kundi'y kakapit na naman ito sa kisame habang nagsisisigaw ng mga kademonyohan sa kanila.
Sumingaw ang napakabahong amoy sa buong bahay. Amoy kalburo at dugong nabubulok. Hinawakan ni Trinidad ang dalawa sa noo at bumulong ng dasal ng pagkapayapa at pagkalimot.
"Sumama kayo sa akin."
Iniwan nila ang katawan ni Rey sa papag. Tumigil na ang pagtibok ng puso nito, sa gitna ng biniyak na dibdib.
***
Alas-tres ng madaling araw, nakatayo ang mag-anak sa balon sa likod ng barangay hall, kasama si Trinidad.
Sumigaw si Trinidad sa balon.
"Apo, Apo! Narito ang mga magulang ng binata na nasa inyong pangangalaga. Tumupad na ako sa usapan. Wala na ang magnanakaw na nanguha sa iyo ng mga gintong salawal."
May tawang namutawi mula sa balon. Tawa ng matandang galak na galak sa narinig.
"Tulungan ninyo ako." pakiusap ni Trinidad sa mag-asawa. Sinimulan nilang hilahin ang lubid na nakadugtong sa timbang kahoy na nakalubog sa tubig.
Mabigat ang nasa dulo ng lubid. May kung anong nagpupumiglas. Sa dilim ng paligid, walang makita ang mag-asawa. Sumusunod na lamang sila kay Trinidad.
Isinangga ni Trinidad ang kanang paa nito sa balon at inahon niya ang kanina pa nila hinihila mula sa dulo ng balon. Napahandusay na lamang ang lalaki sa semento, pagod na pagod at umuubo, naglalabas ng tubig-balon.
Nakabalik na si Rey.
BINABASA MO ANG
PULSONG NAGWAWALA
General FictionMga kuwentong fantasya at fantastiko. ~ Cover: A Broken Man by jafooo (Deviantart)