Unang Pangungusap mula sa Dalawang Nagmamahalan

162 0 0
                                    


Kabuuan

Taong 1992 nang magsimula ang kumpanyang Precious Pages Corporation na maglathala ng mga nobeletang Precious Hearts Romances (PHR). Nilalayon ng kumpanya na makapaglabas ng mga librong mura, abot-kaya, nakakaaliw at nakapagpapaunawa sa mga pangyayari sa buhay ng isang tao (Precious Heart Romances, 2016). Mula noon ay tinangkilik na ng masang Pilipino ang pagbabasa ng mga pocketbooks o maliliit na libro dahil sa pagpukaw nito sa kanilang damdamin at pag-iisip. Mula pa man noon hanggang ngayon, sa nakalipas na halos 26 taon ay patuloy pa rin ang paglalathala ng mga nobeletang ito na sumasailalim sa dyanra ng romansa dahil na rin sa walang sawang pagtangkilik ng mga Pilipinong nagnanais ring maranasan ang pag-ibig. Itinatampok sa mga nobela ang balangkas ng tipikal na istorya ng magsing-irog, sa kung paanong sisibol ang kanilang damdamin para sa isa't isa at paano pananatilihin ito hanggang wakas kahit na anuman ang maging balakid. Upang mas lalo pang maakit ang mga mambabasa, tinitiyak na magiging salamin ang disposisyon ng mga tauhan sa nobela at sa totoong buhay. Sa papel na ito, gamit ang 10 napiling nobeleta mula sa PHR tutukuyin ng mananaliksik kung papaano ipinapakilala ang dalawang bidang karakter sa isa't isa sa harap ng mga mambabasa. Susuriin ang unang pangungusap na binitiwan ng babae at lalaki sa una nilang pagtatagpo, at hihimayin kung ano ang kadalasang disposisyon ng mga nabanggit na karakter sa naturang eksena. Upang mapalalim pa, tutukuyin din sa unang pangungusap kung paano pinapasilip o iniiwan sa hinuha ng mga nakakabasa nito ang inilalapat na karakterisasyon ng manunulat sa tauhan. Mula rito malalaman ang karaniwang pormula ng isang karakter na babae at lalaki bilang isang tao at mangingibig sa na binubuo sa imahinasyon ng tao. Kikilatisin din ng mananaliksik ang mga maaring maging manipestasyon ng mga matutukoy na pormula sa lipunang kinabibilangan ng manunulat, mambabasa at ng mismong mga nobeletang romantiko.

Panimula

Pinaniniwalaang namamayani ang panitikang Pilipino sa paraang pasulat man o pasalita at tinatangkilik ito ng mga tagapagbasa at tagapakinig. (Reyes, 1984). Ang panitikan ang nagsilbing tagapukaw ng sensibilidad ng tao upang maunawaan ang masalimuot na mga pangyayari sa totoong buhay. Gumagamit ang mga manunulat ng mga isteryotipikal na mga sangkap upang kumunekta at tumatak sa imahinasyon ng mambabasa. Limitado sa imahinasyon ng manunulat ang akda at maaaring nakabatay ito sa kanyang mga karanasan sa loob ng lipunang kinabibilangan. Dahil dito maaaring ang isang istoryang inilalahad sa mga panitikan ay naranasan na ng ibang tao o ng manunulat. Sa madaling salita maaari itong makapagpaliwanag ng mga gawi ng humanidad at makapukol ng atensyon ng makakabasa o makakarinig upang maaliw at mapalalim ang pag-unawa at pag-iisip. Ang isang nobela ay sumusunod sa nabanggit na pormulang salig ng panitikan at kaisa sa pagpapalawig ng layunin nito.

Ayon kay Jurilla (2016) ang isang nobela ay isinusulat sa paghahangad na mailathala ito bilang isang libro. Ipinapaloob ang kwento sa kada kabanata, kung saan nahahati ang mga mahahalagang pangyayari sa banghay (simula hanggang wakas). Sa mga nobeletang sinuri, kwentong pag-iibigan ang isinasalaysay. Sa dyanrang romansa, bawat kabanata ay naglalaman ng samu't saring sitwasyon na kinakaharap ng dalawang bida. Ang konsepto ng pag-ibig ang higit na nakakakuha ng atensyon ng mambabasa dahil ito ay nagbibigkis sa totoong buhay at imahinasyon. Samakatuwid nagkakaroon ito ng repleksyon o salamin dahil nabubuo ang istorya sa isipan ng tao. Nabibigyan ng mga manunulat at mambabasa mga nahabing kataga ng buhay alinsunod sa mga karanasan na sakop ng kanilang mga kaaalaman. Sa kabilang banda, nagagamit rin ang dyanrang ito upang kumawala sa kasalukuyang kinalalagyan. Sa lakas ng kapangyarihan nito nagagawang ipaalala sa tao ang realidad ngunit may bahid ng pagkawala mismo rito. Mapapatunayan ito ng mga masasayang wakas ng bawat nobeletang inilalathala ng PHR. Ngunit bago makarating sa mga halatang pangyayari sa dulo, maaring mahirap mahinuha ang mga pangyayari sa gitna o maaaring sumusunod lang din ito sa mga nakasanayan na o isteryotipikal na pormula at pinagbuhol buhol na lamang ngunit pareho pa rin ang patutunguhan.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: May 18, 2018 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Pagsusuri sa 10 Nobeletang Romansa mula sa PHRWhere stories live. Discover now