Ang Interbyu

9 1 1
                                    

***IPAGPALAGAY NA ANG MANUNULAT ANG TAGAPANAYAM***


Ako: Magandang araw, Ms. Nadela.

Nadela: Naku, Nadela na lang. Hindi ako sanay sa pa-Ms. Ms. na 'yan. [ngumiti]

Ako: Sige, Nadela na lang. Salamat sa pagpapaunlak ng panayam sa akin ngayong araw.

Nadela: Naku, walang anuman. Wala rin naman akong masyadong ginagawa. Kanina pa nagsimula ang pangungumpisal ng mga magsisipag-kumpil kaya kanina pa rin ako nakatunganga. [tumawa]

Ako: Kailan ang seremonya ng kumpil? Naku, naaalala ko pa noong nagpa-kumpil ako, dose anyos ako noon.

Nadela: Ah, sa Linggo na, bale mayroon pa kaming dalawang araw para sa pag-aayos dito sa simbahan at sa huling dry run ng mga bata sa seremonya. Sa bibihirang mga pagkakataong tulad nito na lang ako nakakapagpahinga, mabuti na nga lang eh ang mga sakristan lang ang gumagamit sa maliit na bangko na ito. Ayaw ko namang pumagitna sa mga bata para lang makiupo. Mabuti nang dito na lang ako sa gilid ng altar manood habang walang utos si Father.

Ako: Gaano katagal ka na rito, Nadela? Adbokasiya mo ba talaga ang paglilingkod sa simbahan?

Nadela: Medyo matagal tagal na rin. Naniniwala kasi ako na utang natin ang buhay natin sa Diyos kaya hangga't maaari ay gusto kong paglingkuran ang tahanan niya sa lupa.

Ako: Ngunit dito ka na rin nanunuluyan, hindi ba? Sikat na sikat ka sa paglilingkod sa simbahan, halos lahat ng deboto ay alam ang pangalan mo dahil sa sobrang dedikasyon mo.

Nadela: Ah, narinig ko nga 'yan. Hindi naman nakaka-iba sa pakiramdam. Natutuwa lang ako na nalalaman nila ang kuwento ko, baka sakali ay sa paraang 'yon ay mahikayat din silang maglingkod sa simbahan tulad ko.

Ako: Pero ito ba ang una mong pangarap, Nadela?

Nadela: Ano'ng ibig mong sabihin?

Ako: Wala ka bang ibang hinangad noong bata ka pa?

Nadela: Ano'ng ibig mong sabihin?

Ako: Ah, ang ibig kong sabihin ay—

Nadela: Kung gusto mong iparating na napakababa ng pangarap ko, makakaalis ka na. Hindi dahil isa kang mag-aaral sa Unibersidad ay may karapatan kang kuwestiyunin at tapak-tapakan ang pinili kong tahakin sa buhay. Naging bata rin akong naghangad na maging guro, ginagaya ko pa nga noon sa kwarto ko sa likod ng opisina rito 'yung mga guro ng mga eskuwelahan na bumibisita rito para sa field trip field trip na 'yan na hindi ko naman naranasan! 'Di ibig sabihin na wala akong pangarap ngayon dahil lang pinili kong maglingkod sa simbahan.

Ako: Hindi naman 'yon ang nais kong iparating, Nadela. Ipagpaumanhin mo kung 'yon ang naipahiwatig ng nasabi ko. Gusto ko lang naman malaman kung bakit ang tindi ng pagmamahal mo sa simbahan.

Nadela: [nagtaas ng boses] Alam mo, mausisa ka talaga, eh! [lumingon sa kaliwa] Hindi ka ba nahihiya sa mga batang iyon [tinuro ang mga bata] na nakaluhod sa harap ni Father? Sinabi ko na nga na utang ko ang buhay ko sa simbahang ito. Ikaw ba makakaya mong talikuran ang kumupkop sa angkan mo nang ilang dekada? Malamang hindi! Kaya h'wag kang ano diyan. Maswerte ka nga't pamilya mo talaga ang nagpalaki sa 'yo. Mapipili mo ang mapapangasawa mo. [tumawa] Makakapangasawa ka! Ako nga rito malamang mabubuntis lang din ng sakristan tulad ng ginawa nila sa nanay ko at sa lola ko, sa nanay niya, at sa nanay ng nanay ng lola ko. Dalawampu't walong taon na akong naninirahan dito at apat na taon nang patay ang nanay ko. Mag-isa na lang ako at nakatali ang kapalaran ko sa simbahang 'to, wala akong mapagpipilian. Wala akong magagawa. Wala ka ring magagawa kaya 'wag kang nag-uusisa ng hindi mo masosolusyonan.

Ako: Nadela, mahal mo ba talaga ang paglilingkod sa simbahan?

Nadela: Ilang beses ka bang magtatanong nang paulit-ulit? Oo nga, hindi ba?

Ako: Mahal mo ba talaga o nakakulong ka lang sa ganitong buhay?

Nadela Visera: Isang InterbyuTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon