Noong isang gabi, naglaro kaming tatlong magkakapatid. Wala kasi kaming magawa. Pagkatapos naming kantahin ang kantang natutunan ng aking kapatid sa eskwelahan, naisipan naming maglaro ng Trip to Jerusalem. Ang korni lang kasi tatlo lang kami kaya paulit ulit ang laro. Nang kami'y mapagod na, naglaro kami ng bato-bato-pik. Isipin niyo nalang kung paano nilaro ng dalawa't kalahating bata (kalahating bata pa rin naman ako di ba?) ang bato-batopik. Ang matalo, binabatukan. Medyo brutal kasi kaming magkakapatid. Dati-rati, kami ng bunso kong kapatid lang ang naglalaro nito. Madali lang siya talunin dahil puro 'bato' lang ginagamit niya. Eh malamang alam kong yun at yun lang gagawin niya kaya minsan gagamit ako ng gunting para man lang magka-one point man lang. Ang sama ko no. Pero sinabi ko naman sa kanya na pwedeng 'gunting' at 'papel' ang gamitin niya.
At ngayon, hindi na puro 'bato' ang ginagamit niya. Ginagamit na niya ang 'papel' at 'gunting'. Oh no! Hahaha nasasabi ko nalang kapag 4 points na siya. Syempre takot matalo ang pinakamatandang kapatid sa bunso.
Noong bata ako, naalala ko, nandaya ako dati sa bato-bato-pik. Bukod kasi sa bato, papel at gunting, gumagamit ako ng pako (hintuturo) at minsan ay ang "ulan" (ginamit ag dalawang kamay upang i-mwestra ang ulan). at eto ang the best. Yung wala talagang makakatalo. Kung gusto mong matalo ang lahat, gamitin ang hinlalaki at sabihin "diyos ito". Nadamay pa si God sa laro. Pero kung iisipin, wala namang above kay Lord. Siya ang sandalan ng sinuman.
Ano nga ba ang tama, "sinoman" o "sinuman"? Lagot ako sa Filipino teacher ko nito. Pero isa lang ang masasabi ko, kung 'man' lang ang pag-uusapan, Kapampangan at Bulakenyo ang mahilig gumamit niyan. Bukod sa su-MAN at du-MAN na parehong galing sa bigas, ang 'man' ay madalas mapapansin sa mga usapan ng mga taga-probisyang ito. "Ali man." na ang ibig sabihin ay 'hindi naman' sa Kapampangan ay isang halimbawa. "Tignan mo man" na pwede mong marinig sa mga Bulakenyo. Naging short cut ng 'naman' ang 'man'. Hindi ko alam kung tamad lang magsalita ang mga kilala kong Bulakenyo pero isa rin ako sa malimit na gumagamit nito.
* Dagdag impormasyon:
Ang Bulacan ay hango sa salitang 'bulak' dahil dati raw ay maraming puno ng bulak sa Bulacan.
Ang Pampanga naman ay hango sa salitang 'pampang' dahil ang probinsya ay may maraming pampang.
(Wow. Nakikinig din pala ako sa mga tour guide namin noong elementary.)