Sa mata ng bata…
Ang mundo ay isang malaking palaruan.
Sa mata ko,
Ito’y isang masikip na paaralan.
Sa mata ng bata…
Ang buhay ay mahaba at walang katapusan.
Sa mata ko,
Anumang sandali ay maaring hangganan.
Sa mata ng bata…
Ang araw ay bolang apoy na init ang puhunan.
Sa mata ko,
Isang nagbabagang orasan.
Sa mata ng bata…
Ang luha ay bunga ng anumang di nya nakamtan.
Sa mata ko,
Ito’y pangaral at tanda ng emosyong nakakaramdam.
Sa mata ng bata…
Ang mga tao ay nakatatandang huwaran.
Sa mata ko,
Bawat isa ay pagsubok na dapat pagdaanan.
Sa mata ng bata…
Ako ang kanyang magulang.
Sa mata ko,
Siya’y aking dugo’t laman.
________________________~~*~~________________________
Salamat sa panahong iniukol mo sa aking pahina - ito ang nagbibigay dahilan sa akin upang patuloy na sumulat at magbahagi. Sana'y mabasa mo rin ang iba ko pang mga tula at kwento at makalikha ako ng ngiti/luha sa 'yong mukha. Hindi ko sasayangin ang panahon mo. Lubos kong ikaliligaya kung makapag-iiwan ka ng iyong rekomendasyon, puna o anumang reaksyon patungkol sa aking akda.
Nagmamahal,
Sami Bathan de Ramos
BINABASA MO ANG
HIWAGA NG MAGKAIBANG MATA
PoetryPaano mo nakikita ang mundong iyong ginagalawan? Tunghayan ang hiwaga ng magkaiba naming mata.