2. Adversity

7.4K 160 7
                                    



“Hindi ko inaasahan na lalaki kang napakaganda, Lirio, anak,” sabi sa kanya ng babaeng nagpakilalang “Oliva.” Bata pa ito. Sa tingin niya ay nasa kuwarenta lamang ang edad nito o baka mas bata pa. Nakita kaagad niya ang pagkakahawig nila sa bibig at laki ng mga mata.
Inihatid siya ni Mang Ruben sa bahay nito sa Lokuake, isang lugar sa Central Luzon na may dalawang oras ang layo sa Maynila.
Ni sa hinagap ay hindi siya nagduda na hindi siya anak ng papa at mama niya. Naging mabuti naman ang mga ito sa kanya. At kung tutuusin ay labis pa nga ang ipinakitang pagmamahal ng papa niya mula noon hanggang sa bawian ito ng buhay.
Ayon sa mama niya, inampon lamang daw siya nito at ng papa niya mula sa isang babaeng nagngangalang “Charing Panganiban.” Kasabay raw ng pag-aampon sa kanya ay inalam din ng mama niya mula rito ang ilang detalye ng kanyang pagkatao. Tulad na lamang ng lugar na pinagmulan niya at ang pangalan ng kanyang mga magulang.
Nagbayad daw ang mama at papa niya kay Charing Panganiban ng halagang sampung libong piso. Kapalit ng kasunduan na ililihim nito sa tunay niyang mga magulang kung sino ang mga umampon sa kanya, at kung saan siya dadalhin ng mga ito.
May katwiran naman pala ang mama niya na alamin ang kanyang identity bago siya ampunin. Dahil sa pagbibiro ng tadhana sa buhay nila, kinailangan nitong ibalik siya sa tunay niyang mga magulang.  
Mukhang maayos naman ang buhay ng mga ito. Sa katunayan ay dalawang palapag at konkreto ang bahay na pinagdalhan sa kanya ni Mang Ruben. At ang babaeng sumalubong sa kanya at nagpakilalang tunay niyang ina ay maganda ang bihis at kompleto sa alahas na suot. 
Nagulat siya nang bigla na lamang siyang yakapin ng tunay niyang ina. “Hindi mo lang alam na ilang taon ko nang pinagsisisihan ang pagpapaampon sa 'yo.”
Hindi naman niya magawang gantihan ito ng yakap. Noon lamang niya ito nakita. Estranghero pa rin ito sa kanya. At wala siyang nararamdamang lukso ng dugo rito.
“N-nasaan po ang... ang tunay kong ama?” nakuha niyang itanong nang bitiwan na siya nito.
Ngumiti ito. Iyong ngiti na hindi natural, parang may ikinukubli. “Ahm, w-wala na siya. Matagal na siyang patay. Kaya nga napilitan akong ipaampon ka.
“Bata pa ako nang magbuntis ako noon sa 'yo. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Hindi naman ako mapanagutan ng ama mo dahil b-bata pa rin siyang katulad ko. Natakot akong baka kung ano ang magawa sa akin ng lolo mo kapag nalaman niyang nagkaanak ako sa pagkadalaga, kaya... k-kaya napilitan akong ipaampon ka.”
Sa tingin niya ay valid naman ang rason kung bakit siya ipinaampon nito. Kung bata pa ang nanay niya nang magbuntis sa kanya, kulang pa marahil ang lakas ng loob nito para  buhayin siya at pangatawanang palakihin. Kaya marahil nagawa nitong ipaampon siya.
Hindi siya nasaktan doon. Mas nasaktan siya na mapawalay sa nakilala niyang mga magulang, ang papa at mama niya. 
“Pero nakapag-asawa ako sa iba. Sa Tiyo Antero mo. Apat ang naging anak namin. Matutuwa 'yon kapag nakita ka. Pulos lalaki kasi ang naging anak namin.”
“Nasaan po sila?”
“Nasa bodega ang Tiyo Antero mo. May koprahan kami. Ang mga kapatid mo naman, nasa school lahat.”
Nakilala niya ang kanyang mga kapatid sa ina dakong tanghali. Ang pinakamatanda sa mga ito ay kinse anyos. Ang sumunod dito ay magkakatorse. Ang pangatlo ay graduating na sa elementarya. Ang bunso ay grade five naman.
Kay gugulo ng mga ito. Ang dalawang mas bata ay tanong nang tanong sa kanya. Saan daw siya nanggaling? Kung doon na raw ba siya titira. Saang kuwarto raw siya matutulog?
Kahit paano ay naaliw siya sa mga ito. Palibhasa ay lumaki siyang nag-iisang anak ng mga nakilala niyang mga magulang, kaya nga malapit siya kay Charisse dahil sabik siya sa kapatid.
Nagkaroon lang siya ng apprehension nang dumating ang asawa ng nanay niya. Halatang hindi ito nasiyahan nang makita siya at sabihin ng nanay niya na anak siya nito.
Nagkumahog sa pagpapaliwanag ang nanay niya. Kumulimlim naman ang anyo ng tiyuhin niya habang nakikinig sa salaysay ng kanyang ina.
Hindi umimik si Tiyo Antero pagkatapos magpa-liwanag ng nanay niya. Hindi rin siya sinabihan nito na welcome siya roon. Alumpihit tuloy siya na manatili roon. Lalo pa nga nang marinig niyang nagtatalo ang dalawa nang makapasok ang mga ito sa silid.

Braveheart 13 Matthew Ocampo (Coldhearted Hero) COMPLETED Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon