"SINABI KO na nga 'di ba, kami ng mommy mo ang magkasabay," naiinis na sabi ni Johna kay Prince. Sa gulat ng dalaga, paglabas niya ng bahay ay naroon na ito at ang motor nito. "Kahit I-interrogate mo pa ang mommy mo."
Hindi sumagot si Prince. Umiwas siya pero hinarangan nito ng motor ang daraanan niya. Para na silang nagpapatentero. Nakakahiya dahil nakatingin na ang mga kapitbahay nila. Para silang nagso-shooting ng romantic film. And that particular scene was a love quarrel scene. Hindi daw ito papayag na hindi siya sasabay dito. Unfortunately, mukhang seryoso talaga ang loko at hindi papaya na hindi masusunod ang gusto. Iyon ang napala niya sa pang-gu-good time dito kanina.
"Prince naman. Paraanin mo na ako," may bahid pakiusap na sabi niya. Kapag hindi pa siya nakasakay ng jeep sa loob ng ilang minuto ay male-late siya sa unang klase niya.
Hindi pa rin sumagot ang binata. Patuloy lang nitong hinaharangan ang daraanan niya. Nakikipagmatigasan si Prince, at mukhang siya ang matatalo. Hindi nakikita ng nanay niya ang eksena dahil nasa banyo ito at naliligo. But who knows? Baka kaninang naliligo siya ay nakausap na ng binata ang nanay niya. Lalo pa at labas-masok rin ang binata sa bahay nila. Malapit kasi dito ang anak niya, pati na rin ang nanay niya. Kahit naman noong buhay pa ang tatay niya ay kasundo rin ng binata. Hindi naman siya manhid, alam niya na gusto ng mga ito si Prince para sa kanya. Oh, well, buong barangay ay alam na 'binabakuran' siya ni Prince. Though, alam din ng mga ito na desidido rin siyang patunayan ang sarili niya. Kaya naman bawat gawin ni Prince ay nakakakilig para sa mga ito. Lahat yata ay nag-aabang sa development ng kuwento nila.
"Ineng, pagbigyan mo na kasi si Prince," anang isa nilang kapitbahay na nagwawalis sa harapan ng bahay.
"Oo nga, Johna, ihahatid ka lang naman eh," segunda ng isa pa.
"Prince, ano ba..." tawag niya sa binata. Pero hindi pa rin siya nito pinansin. Mukhang wala na siyang pagpipilian kundi ang umangkas dito. Malibang gusto niyang um-absent sa unang klase niya. Pero hindi p'wede kasi alanganin ang lagay niya sa subject na iyon. Hindi na niya dapat bigyan ng karagdagang dahilan ang professor niya para ibagsak siya.
Johna sighed in surrender. "Fine. Akin na 'yang helmet," nakaangil na utos niya. Hindi siya makapaniwalang maiisahan siya ni Prince.
Iniabot naman nito ang helmet. Naaasar na marahang inihampas niya ang helmet sa tagiliran nito bago nakasimangot na isinuot iyon. Walang reaksiyon si Prince. Oh, no, wait. May reaksiyon pala ito. His eyes smiled.
Sumakay siya. Dahil nakasuot ng palda, patagilid na umupo siya sa motor.
"Aba'y humawak ka kay Prince, Johna," ani Mang Igme. "Malalaglag ka niyan."
Talaga nga naman oh! Gustong itirik ng dalaga ang mga mata niya. Ikinawit din naman niya ang isang braso sa tagiliran ng binata, sa may tiyan nito. Ang masaklap, gumitaw sa isipan niya ang mga pandesal nito. Parang nangati tuloy ang palad niya na sumuot sa ilalim ng T-shirt nito at damhin ang mga pandesal na iyon. Nagkakasala tuloy siya dahil sa nagiging pilya ang imahinasyon niya.
"Ready?" ani Prince.
"Aba, akala ko napipi ka na?" buska niya rito. Ang bango-bango ng binata, sa totoo lang. Parang gusto niyang idikit ang ilong dito at amuyin ito nang amuyin. Gusto niyang maging sakim at ubusin ang amoy nito para walang ibang makaamoy sa bango nito. Isa pa, natutukso siya na yumakap dito.
Umandar ang motor. Napailing na lang siya nang maghiyawan ang mga audience nila.
"Huwag mong isiping nanalo ka na," aniya.
"Hindi pa ba?" sagot nito. Aba, magaling, hayon at bumalik na ang kaarogantihan sa boses. Mukhang good mood na. Naisahan talaga siya.
"Nakakainis ka talaga." Sa inis niya ay kinurot niya ang tiyan nito. Pero dahil doon ay lihim na nakagat ni Johna ang labi niya. Paano ay matigas ang tiyan ng loko, walang kataba-taba. "'Pag lang ako na-late..." banta niya.
"You won't, love," anito, halata ang saya sa boses. Bumilis ang takbo ng motor. Napilitan tuloy siyang mas dumikit dito at mas higpitan ang pagkakayakap ng isang braso niya. Shit, masarap sa pakiramdam ang madikit kay Prince. Sumasaya siya ang kalooban niya at— stop it, Johna. Hindi mo naman nababantayan ang sarili mo! Saway niya sa sarili.
BINABASA MO ANG
Of Love... And Miracles (Completed)
Romance"Makapal lang ang guwapong mukha ko pero hindi bato ang puso ko. Nasasaktan din ako." "I... I w-want to hear y-your voice f-for the last time. I... w-want to tell you h-how-how much I love you..." Iyon ang huling tawag na natanggap ni Johna mula kay...