4. Discovering Matthew

7.1K 182 8
                                    


Namangha si Lirio sa nakita nang huminto ang Toyota Fortuner ni Matthew sa loob ng isang malawak na bakuran. Mansiyon pala ang bahay nito. Para siyang nanliliit nang tumapak siya sa marmol na sahig niyon.

“Naihanda mo na ba ang isa pang kuwarto?” tanong ni Matthew sa unipormadong kawaksi na sumalubong sa kanila.

“Naihanda ko na po, Sir.”

“Mabuti. Nasaan si Mila?”

“Nasa kusina po.”

“Tawagin mo. Sabihin mong hihintayin ko siya sa sala.”

“Opo, Sir. Saglit lang po.”

Iginiya siya nito sa entryway na ang dulo ay bungad ng isang maluwang na living room. Pinaupo siya nito sa malambot na sofa at ito naman ay nagtungo sa minibar na nasa isang panig ng silid. Nagsalin ito ng alak sa isang wineglass at nilagok iyon.

“Hindi kita aalukin nito,” anito sa kanya. “You don’t strike me as a wine drinker.”

Noon pumasok ang isa pang unipormadong katulong. May kuwarenta na marahil ang edad nito kung hindi man nasa late thirties. “May kasama ka pala, Matthew,” bungad nito nang bahagyang sumulyap sa kanya. Sa palagay niya ay hindi ito pangkaraniwang kawaksi lang sa mansiyon. May pamilyaridad ang pagtawag nito sa lalaki.

“Mila, siya si Lirio. She will stay here indefinitely. Wala siyang dalang damit at kahit na anong gamit. Hanapan mo na lang siya. Bahala ka na sa kanya.”

“Gano’n ba? Sige, magagawan naman ng paraan 'yan.” Binalingan siya ng kawaksi. “Halika, Lirio.”

Tumayo siya at tumingin kay Matthew.

“Go with her,” anito sa kanya. “Lahat ng kailangan mo habang naririto ka, kay Mila mo hihingin.”

“Salamat.”

“And one thing more,” anitong lumagok muna mula sa hawak na wineglass bago nagpatuloy. “Huwag kang lalabas ng mansiyon hangga’t hindi pa ako nakakabalik.”

Tumango siya at sumama na kay Mila.

“Bakit may mga pasa ka?” usisa ni Mila sa kanya nang makalabas na sila ng sala. “Napaano ka ba?”

“Walang nabanggit sa inyo si Matthew?”

“Wala. Gano’n naman talaga ang isang 'yon. Bihirang magbigay ng impormasyon. Minsan nga, kahit tanungin mo pa, hindi rin magsasabi kung hindi rin lang kailangan.”

“Nabundol niya ako noong isang araw.”

Napahinto ito sa paglalakad kaya napagaya na rin siya. “Nabundol ka ng sasakyan niya?”

“Oo. Ipinaospital na niya ako. Ang kaso, wala naman akong matutuluyan dito kaya isinama na lang niya ako.”

“'Bah, bago 'yon, ah. Maingat magmaneho si Matthew. Ngayon lang ako nakabalita na nakadisgrasya siya.”

“Ako kasi ang may kasalanan.” Nang umakyat sila sa grand staircase ay tinanong uli niya si Mila. “Hindi kaya magalit ang asawa ni Matthew sa pagtira ko dito?”

Natawa ito na ipinagtaka niya. “Walang magagalit na asawa dahil matagal nang diborsiyado ang isang 'yon. May isa silang anak, si Valerie. Isa pa, walang nagkakagustong babae riyan kay Matthew. Taong robot 'yan, eh.”

“Ha?”

Lalong natawa ito. “Ang ibig kong sabihin, para siyang robot. Walang emosyon, hindi marunong tumawa, walang pakialam sa iba. At pupusta ako, kaya ka lang niya tinutulungan ngayon dahil nga nabunggo ka niya.”

Braveheart 13 Matthew Ocampo (Coldhearted Hero) COMPLETED Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon