Simula

119K 1.7K 242
                                    


Karma

May mga bagay sa mundo na hindi natin kontrolado. May mga sitwasyon na gusto na lang nating takbuhan at ayawan. May mga pangyayari sa nakaraan natin na gusto na lang nating kalimutan. May mga malalalim na sugat na idinulot ng mga taong dating mahalaga sa'tin na hindi na nag hilom.

Sabi nila, kapag mahal mo, magpapatawad ka. Pero hindi naman lahat ng kasalanan, madaling kalimutan. Hindi lahat ng sakit, mabilis alisin. May mga kasalanang sobrang hirap tanggapin kasi sobrang ikinasira ng tiwala mo. May mga taong kailangan na lang iwan at palayain kasi sobrang lalim ng sugat na binigay nila sa'yo.

"Aalis na ako sa susunod na linggo para sa business trip ko sa Dubai, sigurado ka bang hindi ka sasama?" si Miko habang umiinom ng kape.

"Sinabi ko na sa'yo, tinanggap ko na ang offer ni Lola na ako na ang mag aasikaso ng Farm nila ni Lolo dito sa Bohol. Isa pa, puro trabaho lang din naman ang gagawin mo. Hindi ka naman mag babakasyon sa ibang bansa."

"Baka lang kasi mamiss mo ako." 

Inirapan ko na lang siya at ininom na rin ang sarili kong kape. 

"Pero maiba tayo." tumikhim siya at seryosong tumingin sa'kin. "Nabanggit sa'kin kagabi ni Cara na balak mo raw bumalik ng Mindanao sa susunod na buwan?"

Natigilan ako sa pag inom ng kape ko dahil sa tanong niya. Wala kasi sana akong balak na sabihin sa kanya ang tungkol dito.

"Hindi pa naman sigurado." pagsisinungaling ko.

"Bakit ka babalik do'n? Akala ko ba hinding-hindi ka na babalik sa lugar na 'yon? Nag bago ba ang isip mo? Gusto mo na bang makipag-ayos sa mga magulang mo?"

Bumuntong hininga ako at kalmadong inilapag sa mesa ang tasa. 

"Wala akong planong makipag-ayos sa kanila."

"Kung gano'n, bakit ka pupunta ro'n? Imposible namang dahil lang sa Lola at Lolo mo, e dinadalaw ka naman nila rito."

"Pupunta ako ro'n dahil oras na para ibalik lahat ng sakit na ibinigay sa'kin ng mga taong pinagkatiwalaan ko. Oras na para ako ang maging karma nila."

"Anong ibig mong sabihin? Mag hihiganti ka?"

Umiwas ako ng tingin kay Miko. Alam kong hindi siya papayag sa gusto kong gawin. Pero ayaw kong magpapigil, desisyon ko 'to at walang puwedeng humarang sa gusto kong gawin.

"Kyla, alam mo namang hindi maganda 'yang gagawin mo."

"Hindi rin naman maganda ang ginawa nila sa'kin limang taon na ang nakakaraan, 'di ba? Ibabalik ko lang naman sa kanila lahat, Miko. Kapag nakapag-higanti na ako, babalik na ako rito sa Bohol. Matatahimik na ako. Matatahimik na tayo. Puwede na nating ituloy ang mga plano natin para sa kasal kapag nakuha ko na ang gusto ko sa kanila."

Nagulat na lang ako nang bigla niyang hinampas ang mesa sabay tayo.

"Hindi ako papayag na bumalik ka ro'n at gawin ang gusto mo. Paano kung mapahamak ka? Paano kung may mangyari sa'yo habang naghihiganti ka sa kanila? Sa tingin mo ba mapapanatag ako?"

"Walang mangyayari sa'kin, Miko. Isa pa, hindi naman ako pababayaan nina Cara. Sasamahan nila ako ro'n at tutulungan nila ako. Hindi mo kailangang mag alala sa'kin."

"Basta, hindi ako papayag sa gusto mo."

"Hindi ko naman hinihingi ang opinyon mo sa kung anong gagawin ko, Miko! Ginagawa ko 'to para sa sarili ko."

"Bakit? Hindi pa ba sapat na payapa tayong namumuhay rito sa Bohol? Bakit kailangan mo pang mag higanti? Hayaan mo na lang sil--"

"Hayaan? Naririnig mo ba ang sarili mo? Nakita mo kung paano ako nadurog. Nakita mo kung paano ako nasaktan. Paano mo nasasabing hayaan ko na lang lahat ng 'yon? Pinagkaisahan nila akong lahat. Para nila akong pinatay, Miko! At hanggang ngayon, ramdam ko pa rin ang sakit na binigay nila sa'kin!"

The HeartBroken's Revenge (BOOK 2 )Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon