Surgery

817 22 11
                                    

TIRIK ang araw, sobrang maalinsangan at halos wala namang nagagawa ang payong mo para maibsan ang init at pagkairitang nararamadaman mo. Samahan pa ng ingay ng dalawang kasama mo sa paglalakad na kanina pa nagdadaldalan tungkol sa mga chismis na nasasagap nila sa inyong eskwelahan.

Gusto mong magreklamo kasabay ng paulit-ulit mong pagpupunas sa pawis na namumuo sa iyong noo pero hindi mo magawa. Kahit papaano kasi’y ginusto mo rin namang sumama. Sino ba naman ang aayaw sa pagkakataong mabisita ang isang kaibigan na halos dalawang buwan niyo nang hindi nakikita? Isa pa, gusto mo ring makita kung ano na ba ang itsura niya. Matapos kasi ang malagim na aksidenteng kinasangkutan niya, wala na kayong narinig pang anumang balita bukod sa pagsailalim niya sa ilang operasyon.

Hindi rin naman nagtagal at nakarating din kayo sa bahay ng kamag-aral niniyo at abot langit ang pasasalamat mo sa isip mo nang madampian ng lamig ng aircon ang balat mo pagkapasok niyo sa loob. Sinalubong din kayo ng isang babaeng nakaputi na nagpakilalang personal nurse ng inyong kaibigan at inaasahan na nila ang pagdating ninyo kaya naman agad niya kayong inihatid sa kwarto sa itaas na palapag kung nasaan ang inyong pakay. Dito na siya sa bahay nagpapahinga at nagpapagaling matapos ang kanyang mga operasyon.

Pagpasok na pagpasok niyo sa loob, halu-halong pakiramdam ang naramdaman mo. Pagkaawa, pagkadiri at kung anu-ano pa. Hindi mo maipaliwanag pero pinili mong manahimik dahil ayaw mong maka-offend ng tao pero ang totoo’y pangit na pangit ka na sa itsura ng dati mong magandang kaibigan. Ramdam mo rin ang hindi magandang pakiramdam ng iyong mga kasama pero pinili rin nilang manahimik at makipagkwentuhan na lang.

“Ang sabi ni Daddy na siya ring surgeon ko, hindi na raw madadala ng surgery ang mukha ko unless mag-undergo ako ng transplant na ayaw ko rin naman dahil ayoko namang manghiram ng mukha sa patay.” Isang mapait na ngiti ang pinakawalan ng kaibigan niyo matapos niyang magbiro at pinilit niyo na rin lang na tumawa kahit sa loob-loob mo ay nandidiri ka sa sinabi niya.

“Posible ba ‘yun? Kadiri talaga!” anang isip mo.

Kung anu-ano pang bagay ang inyong napagkwentuhang magkakaibigan na sa tingin mo nama’y nakapagpagaan ng loob ng kaibigan niyo. Nagawa pa nga nitong magbiro tungkol sa kasintahan niyang iniwan siya nang makita ang itsura niya. Hindi raw siya nasaktan. Wala naman raw kwenta ang lalaking ‘yon na sinang-ayunan niyong lahat maging ng nurse na nakatayo lang sa gilid ng pintuan at nakikinig sa inyong magandang usapan.

‘Yun nga lang, hindi mo talaga makayanang tingnan sa mukha niya ang kaibigan mo nang matagalan. Tabingi na kasi ang dating matangos na ilong nito at hindi na rin pantay ang kanyang mga mata na sobrang halata. May bakas pa ng tahi sa baba nito at halos pangiwi na rin ang labi niya.

Matapos ang ilang minuto, nakaramdam ka ng pagtawag ng kalikasan kaya inaya mo ang isa niyong kaibigan para samahan kang pumunta sa banyo. Sasamahan pa sana kayo ng nurse pero humindi na kayo dahil alam niyo naman kung saan dahil nakapunta na kayo roon noong minsang tumambay kayo rito.

Habang papunta kayo sa palikuran, hindi mo na napigilan ang sarili mo at nasabi mo na ang kanina pa tumatakbo sa isip mo. “Grabe. Pumangit pala talaga siya gaya ng sinabi sa’tin ng ex niya ‘no? Kadiri talaga, friend. Sobra-sobra ang ipinangit niya.”

Nahampas ka pa nang mahina ng kaibigan mo matapos mong sabihin ‘yon. “Tumahimik ka nga r’yan. Mamaya may makarinig sa’yo e. Ikaw talaga, Charlotte.”

SurgeryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon