[032818]
[MarsoriFic Fest: Bring It On! Week 3 Day Three 1st place winner]Kalilipat lang namin ng bahay. May kalakihan kumpara sa dati. Sabi ng nanay ko mas ayos daw dito. Mas malapit sa trabaho nila ng tatay ko, mas malapit din sa eskwelahan ko. Pero ‘di ako masaya ro’n. Oo nga’t wala namang magbabago dahil ‘di naman eskwelahan ang nilipatan ko. Nand’yan pa rin ang mga kaibigan ko. Magagawa ko pa rin ang gusto ko. Gusto namin. Pero para sa ‘kin, bahay lang ang nagbago. Hindi pa rin ang mga magulang ko. Na noon pa man e gusto ko na.
Madalas ay abala sila sa trabaho. Parati silang nakaharap sa kompyuter nila. Tipa nang tipa. ‘Pag kinausap ko, sasabihin nila pareha, may ginagawa sila. Na hindi ko maintindihan. Kaya’t wala ‘kong ibang hiniling kundi ang magkaroon ng mga magulang na ‘di kagaya nila. Kahit ngayon pa na binata na ‘ko. Pero wala. Mabuti na lang at nand’yan ang manika kong kuneho na si Donnie. Sa tingin ko matanda na ‘ko para sa manika. Pero ano’t siya naman ang nakasama ko mula pa pagkabata. Kaya hanggang ngayon, katabi ko pa rin siya sa pagtulog.
Wala ‘kong ibang hiniling kundi ang magkaroon ng mga magulang na ‘di kagaya nila.
Isang gabing kumukulog at umuulan, nagising ako na nakaharap sa ‘kin si Donnie. Nagulat ako at napabangon. Pero wala ‘kong nagawa. Tinakpan niya ang aking mga mata. Takang-taka ako na may halong takot kung bakit gumagalaw siya’t naglalakad. Ginabayan niya ‘ko pababa sa kama. Sa pagkakaalis ng takip, meron akong nakita. May isang itim na bagay sa sahig. Bilog na parang portal papunta kung saan. Nilapitan ‘yon ni Donnie kasunod ang pagbaling ng tingin sa ‘kin.
“Ito na ‘yung sagot sa hiling mo,” sambit niya habang tinuturo ang itim na bagay.
Naisip ko na magkakaroon na ‘ko ng magulang na ‘di gaya nila. Pero ‘di ako nakasagot. Tumingin ulit siya sa itim na bagay. Lalo ‘kong nagulat nang bigla siyang tumalon doon. Nakita ko siyang pumasok. Kasunod ang paglabas ng kamay niya sa itim na bagay. Sumesenyas na tumalon din ako. Wala ‘kong nagawa kundi sumunod. Tumalon ako. Kasunod din nu’n ang pagbagsak ko sa parehong lugar. Nakahiga ulit ako sa kama ko. Nasa tabi ko na si Donnie, hindi na nakaharap sa ‘kin. Hindi na gumagalaw. Hindi na nagsasalita.
Doon ko nakita ang sagot sa hiling ko. Hindi ko kailangan ng magulang na ‘di gaya nila. Kundi kailangan nila ng anak na ‘di gaya ko.
BINABASA MO ANG
DIKOGETS - Koleksyon ng mga Dagli
Короткий рассказMga orihinal na gawa ng malikot na isip ng may-akda... simula sa kaniyang pagiging hilaw... at pagiging hindi pa rin hinog. Kiligin, kabahan, matakot, masaktan, magulat, matawa, mapaisip, at mapasabi ng walang kamatayang linya na: DIKOGETS.