Genie

159 2 0
                                    

[050318]

Napagpasyahang magpakalango ni Nicasio sa alak at nang ika niya e makalimot lang muna kahit saglit sa mga mabibigat na pasanin niya sa buhay.

Nangaliwa ang misis niya. Gawa ng hindi raw niya 'to mabigyan ng anak. Natanggal siya sa trabaho sa di niya malamang dahilan at wala pa rin siyang mahanap na iba. Patong-patong na rin ang utang niya sa kung sino-sino. At wala siyang ibang malalapitan na kilala. Kaya't unti-unti na rin siyang nawawalan ng pag-asang mabuhay.

Habang pasuray-suray na naglalakad papauwi e aksidente niyang natisod ang isang bote. Gumulong 'yon sa gilid ng eskinita na dinaraanan niya. Hindi niya 'yon napansin gawa nga ng pagkalasing. Pero natawag ang pansin niya nang bigla 'yong kumalog-kalog at kusang bumukas ang takip. Lumabas ang isang kulay puting usok na nakakonekta sa nguso ng bote. Lumiwanag ang paligid na madilim.

Nawala ang pagkalasing ni Nicasio. Tumingin-tingin siya sa magkabilang gilid. Kinusuot-kusot niya ang mata niya habang tinititigang mabuti ang usok na unti-unting naging hugis tao. Lalaki na malaki ang katawan na papaliit sa bewang. Base sa mga napanuod niya nu'ng bata siya e alam niyang Genie 'yon. At alam niyang magtatanong 'yon ng tatlong kahilingan sa kaniya.

"Hmmm," bungad ng Genie na parang isang kontrabidang madrasta sa mga palasak na palabas.

"Genie!" sigaw naman ni Nicasio habang kinukusot-kusot pa rin ang mata.

"Hinde. Hinde. Elepante ako."

Hindi sumagot si Nicasio sa kapilosopohan ng Genie. Nakanganga lang siya. Magkahalong saya at gulat ang naramdaman niya.

Sinampal-sampal niya ang sarili niya para makasigurado na hindi lang siya basta nananaginip. Halos mabali ang leeg niya.

Tumawa nang malakas ang Genie. "Parang tanga lang ang peg?" dagdag pa nito.

Naramdaman ni Nicasio ang sakit ng mga sampal niya kaya't tuwang-tuwa siya. Di na siya mapakali sa pagkasabik na humiling.

"Ok, mabilisan lang, ha?" pagpapatuloy ng Genie. "Tatlong kahilingan..."

"Alam ko, alam ko!"

"Teka di pa 'ko tapos! Wag kang epal."

Maging ang nagsulat e hindi alam kung bakit gano'n ang salitaan ng Genie. Sabagay, hindi naman komo siya ang pamagat e siya na rin ang bida.

"Bawal ang mga imposible," pagpapatuloy ng Genie.

"Gaya ng?"

"Gaya ng pumogi ka. Joke."

"Ano nga?!"

"Gaya ng dagdag isa, dalawa, o tatlo pang kahilingan. Gaya ng maging Genie ka din. At gaya din ng pagbawi ng hiniling mo."

Natahimik si Nicasio dahil 'yun nga sana ang hihilingin niya. Ang dagdag kahilingan pa sana. "Anong pwede?"

"Ano ba namang tanong 'yan," bumuntong-hininga ang Genie. "E di 'yung paulit-ulit na hiniling sa 'kin ng lahat? Yumaman, tumalino, sumikat, maging sila ng crush nila, maka-one night stand 'yung Kapuso Hunk na si Dennis Oberita..."

Sandaling nag-isip si Nicasio hanggang sa, "Ok, ok! Meron na 'kong wish!"

"Sige. Ano 'yon?"

"Una... gusto kong matapos na lahat ng problema ko."

DIKOGETS - Koleksyon ng mga DagliTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon