KARLA: Ulan I

110 3 0
                                    

[060118]

"Anong pangarap mo pagtanda natin?" tanong niya sa 'kin habang nakasilong kami sa waiting shed sa tabing-kalsada-na dati naming ginuhitan ng pusong may inisyal naming dalawa.

Dahan-dahan akong napalingon sa kaniya mula sa pagkakatitig ko sa mga patak ng ulan na lumolobo isa-isa sa lupa. "Ano?"

"Ay. Pogi ka sana, e. Kaso hindi. Ta's... bingi ka pa. Ha ha ha ha ha!" panlalait niya sa 'kin na gustong-gusto niya.

"Tinatanong ko kung 'ano'-bale inulit ko lang 'yung tanong mo na 'ano'. Hindi kita tinatanong na 'ano'." paliwanag ko.

"Wow, daming sinabi, ha? Ikaw na matalino?" kasunod ang mas malakas na tawa.

Muli akong tumitig sa mga patak ng ulan sa lupa. Habang pilit naman niyang pinipigilan ang tawa niya.

"Pangarap? Pagtanda? A... kahit ano," sagot ko na tuluyang nagpatigil sa kaniya.

"Gandang pangarap, a?"

"E hindi naman nga kasi natin alam 'yung mangyayari pagtanda natin. Walang nakakaalam no'n. Kahit pa pangarapin ko na magkaanak tayo ng kasing pogi ko, hindi mangyayari 'yon dahil hindi naman ako pogi. Isa pa..." muli kong ibinaling ang tingin sa kaniya. Kita kong bahagya siyang natawa.

"A, basta. Kahit ano na lang."

Dahan-dahang kumurba ang ngiti sa labi niya. "Ako? Pangarap kong mamatay..."

"Ha?"

"Teka lang kasi wag ka munang epal! Ano... pangarap kong mamatay... sa natural na dahilan. 'Yon."

"A, 'yung kunyari e... makakalimutan mo daw huminga, gano'n?" sagot ko.

"Oo, gano'n! Di ba pag matanda nag-uulyanin na. Kaya ayon, makakalimutan ko daw huminga." sang-ayon naman niya kasunod ulit ang tawa.

Sandaling nawala sa 'king pandinig ang lakas ng ulan. Nangibabaw sa ilalim ng waiting shed ang kuwentuhan naming dalawa, tungkol sa kung ano-anong mahahalaga hanggang sa walang kakwenta-kwenta. Gaya ng malakas na utot ko, pagiging payatot ko, at pagiging estupido ko sa mga bagay-bagay. Kitang-kita ko kung gaano siya kasaya sa paraang gusto niya; sa paraang alam ko sa sarili ko na higit pa ang kaya kong gawin.

"A..." sambit ko.

Lumingon siya sa 'kin.

"Naaalala mo nu'ng dati na... sumilong tayo dito? 'Yung... ganito din... umuulan din. Ta's..."

"A, oo! 'Yung nagpatila tayo kasi wala tayong payong."

"'Yung di ka pumayag nu'ng inaya kitang maglakad sa ulan..."

Hindi siya umimik. Yumuko lang siya para iiwas ang tingin sa 'kin.

"Kasi sabi mo... baka magkasakit ka," kasunod ang mahina kong tawa. "Ta's ayon... pagtapos no'n... wala na..."

"Magdadalawang taon na, Dennis. Kalimutan na natin 'yon. Magkababata pa din naman tayo, di ba?"

"Oo, Jane."

Ilang minutong muling nangibabaw sa 'king pandinig ang tunog ng buhos ng ulan. Hanggang sa tuluyang tapusin ang tagpong 'yon ng salitang 'paalam'. Naglakad siya nang nakapayong papalayo. Inihatid ko siya ng aking tingin habang nananatili akong nakasilong sa waiting shed.

Ngumiti ako't bumuntong-hininga. Ipinamulsa ko ang mga kamay ko't dahan-dahang naglakad nang nakayuko pasuong sa ulan salungat sa direksyon niya. Nang bigla 'kong may nakabangga.

Isang babaeng hindi nakapayong, basa, at pamilyar ang mukha.

DIKOGETS - Koleksyon ng mga DagliTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon