Hating Bakla
(SHERIDAN)
by imrodsy23~~~
Five years ago...
NAKA-UNIPORME na siya at handa na sana sa pagpasok sa escuela pero may pagmamadaling umupo muna siya sa bangko at inilapag sa study table ang crosswise, saka nakangiting nagsulat.
Mr. Presko,
Magandang umaga! :)
Papasok na naman ako sa escuela. Makikita ko na naman ang crush ko at sekretong mahal ko na si Calvin Formalejo. Alam mo naman na kahit may anak na siya at may girlfriend na... siya pa rin ang mahal ko. Ipagpray mo naman na sana ay swerte ako ngayon... na sana ay hawakan niya ang aking kamay at ngitian man lang. Iyong ngiting para lang talaga sa akin.
Don't worry, ipagpipray rin kita na sana ay magawa mo na ang the moves mo para sa baklang minamahal mo. Wag ka na matorpe sa baklang 'yon. I'm sure... gusto ka rin niya. Feel ko lang... ha ha ha.
Paano, ingat! Muah :*
Your baby,
Shersher
Matapos iyon ay ni-rolyo niya ang crosswise. Kinuha niya ang plastic bottle at doon isinilid ang sulat. Inilagay niya iyon sa bag, saka tuluyang hinawi ang kurtina sa pinto. Deretsong lumabas at sumigaw ng: "Nay! Tay! Alis na po ako!"
"Mag-iingat ka!" mula sa kusina'y sagot ng tinig babae.
"Opo, Nay!"
Tumakbo na ang baklita sa labis na pagmamadali. Kaya naman hindi na napansin ang bente pesos na baon na nakalapag sa mesa sa sala.
Nakarating siya sa araw-araw na sadya bago dumeretso sa escuela. Humahangos na tinugpa niya ang mabatong daan paibaba sa sapa. Malamig pa ang hamog sa bahaging iyon dahil papasikat pa lang ang araw. Pero balewala iyon kay Shersher kahit pa sumasalubong sa mukha niya ang mga sapot ng gagamba na nakabalandra sa daan.
"Ayy! Sheees!" Bahagyang tili niya nang muntikang matapilok sa nakausling bato.
Narating niya ang punong bayabas sa tabi ng sapa. Sa isang putol na sanga, doon niya isinabit ang plastic bottle na tanging poprotekta sa sulat sakaling umulan hanggat 'di pa iyon nakukuha ni Mr. Presko.
Nagmamadali na siyang tumalikod. Mamayang hapon ay dadaan siya roon upang kunin naman ang magiging sagot ni Mr. Presko.
HUMINTO ang tricycle sa tapat ng escuela; ang Dolores National High School. Dali-daling umibis ang mga estudyanteng lulan niyon. Kanya-kanyang dukot ng barya sa bulsa at mabilis na ibibigay ang bayad sa driver. Pagkatapos ay saka naman nagagahol na mag-uunahan sa pagpasok sa gate na nakukulayan ng luntiang pintura. Ang tanging hangarin ay hindi ma-late sa flag ceremony upang hindi mailista ng Student Council at parusahan ng pagdadamo sa plasa.
Pero sa pitong estudyanteng lulan ng tricycle, isa ang naiiwan. Si Sheridan Manalo. Kunot-noo at panay halungkat sa bawat bulsa ng kupas na backpack. Naroong pati bulsa ng itim na slacks ay halos baliktarin na.
Pusang inahin naman o... Pag minamalas nga naman ang bakla. Binabanas na kinakabahan siya. Nagpipilit nang sumiksik sa kanyang isip ang posibilidad. Sukat ba naman sa pagmamadali niya kanina'y iyon pa ang makakalimutan niya.
"Ano ba 'yan, 'Toy!" Ang tricycle driver na tila nauubusan ng pasensya. "Naaabala mo na ako. Dapat kasi malayo pa lang ay inihahanda mo na ang pamasahe mo, hindi 'yung ganitong pareho tayong naaabala."
"P-Pasensya na po, Kuya," anang binatilyo---o sa mas malinaw na pangngalan---baklita. "H-Hindi ko po talaga kasi makita 'yung baon ko---"
"Ano!" Nandilat ang mga mata ng driver. "Inabala mo na ako, lulugihin mo pa yata ako! Aba hindi pwede 'yan! Sais pesos lang hindi mo pa babayaran! Ayusin mo bata!" Singasing pa nito at kitang-kita ang paglilitawan ng mga litid sa leeg. Pihadong napipikon na ito sa baklita. Mariing naglapat ang mga labi at saka umibis sa sariling tricycle. Hinarap ang baklita. "Hoy bakla! Wag mo ako pinapaandaran ng ganyan! Alam kong may baon ka! Akin na bayad mo!"
BINABASA MO ANG
Bakla 2: Hating Bakla : SHERIDAN (GayRomance) (Completed)
Romance"Nang muli kitang makasama at makita ang mga ngiti mo. Inisip ko na parang masarap lumimot sa galit at ikaw na lang ang isipin ko." Una pa lang... doon sa Dolores High School; nasa puso na niya si Calvin Formalejo. Tinatanaw... hinahangaan at lihim...