Hating Bakla
(SHERIDAN)
by imrodsy23~~~
"HI," ulit ni Calvin sa natutulalang bakla. Namulsa ang binatilyo at nilinga ang paligid. Bumaling sa payak na bahay sa loob ng 'di-kalakihang bakuran. "Dito pala ang bahay mo... classmate." Ang turan kasabay ng pagtingin sa mga mata ni Shersher. Hindi kawasa'y sumilay ang pigil na ngiti sa mga labi ni Calvin.
"Uhm... oo... dito nga," sa kalituhan ay sagot ni Shersher. Kung makakalabas nga lang ang kanyang puso ay mahihiya siyang makita iyon ni Calvin dahil sa pagririgodon niyon. Yumuko siya at kunwang nagpatuloy sa pagwawalis kahit wala namang wawalisin. "N-Naligaw ka?" Nasisiguro niyang wala itong pakay sa kanya. Nabayaran naman na niya ang sais pesos na ibinayad nito noong nakaraan sa tricycle driver.
Tumikhim si Calvin. Kumagat ng labi at sinupil ang mangiti. Matamang pinasadahan ng tingin ang katawan ng baklang bahagyang nakayuko. "May... hinahanap kasi ako."
Saglit na natigilan si Shersher. "A-Ano naman 'yang hinahanap mo? Baka... makatulong ako." Mariing napapikit at pasimpleng kinakalma ang sarili. Paano ba'y tuksong dinadala ng hangin sa kanyang ilong ang mabangong sanghaya ng lalaki. Maging ang buo nitong boses ay deretso sa kanyang dibdib upang guluhin doon ang kanyang puso.
"Hindi ano kundi sino." Simpatikong ngumiti si Calvin. Nakapamulsang humakbang patungo sa harapan ni Shersher. Intensyong kunin ang buong atensyon ng bakla. "Siguro kilala mo siya."
"H-Ha?" Kulang sa lakas na usal niya nang mapako ang tingin niya sa mapuputing binti na iyon. "Sino ba ang hinahanap mo?" May manipis ngunit kulot na mga balahibo ang binti. Malinis at makinis patungo sa tuhod na bahagyang tinatakpan ng laylayan ng cargo short. At palalampasin ba niyang tapunan ng tingin ang mga kuko nito sa paa? Nang mapuna niyang malinis at mamula-mula ang mga diliri na iyon sa paa ay parang nais maglakbay ng isip niya patungo sa eskandalosang tagpo. Ipinilig niya ang ulo.
Subalit nangunot ang noo ni Calvin. He sighed at sa himig pagtataka'y sinabing: "Ayaw mo ba ako tingnan? Nakayuko ka palagi kapag ako ang kausap mo. Dalawang taon na tayong magkaklase pero parang aloof ka pa rin sa akin. Sa pagkakaalam ko, guwapo naman ako at hindi mukhang nangangagat."
Agad ang pag-angat ng kanyang mukha. Pero para lang mahigit niya ang kanyang hininga nang magtama ang kanilang mga mata. Umiwas siya ng tingin. "Pasensya ka na, ganito talaga ako. Hindi masyadong palaimik, madaldal lang ako sa close friends ko." Totoong sabi niya. Wala sa loob na inangat niya ang laylayan ng suot niyang sando, sabay yuko upang punasin ang nagpapawis at naglalangis na mukha.
Napaiwas ng tingin si Calvin nang makita ang balinkinitang balakang ni Sherhser. Makinis at kayumangging balat sa tiyan. Kung paanong nakaapekto iyon sa binatilyo, hindi nito matiyak.
"Pero hindi naman ako mukhang nangangagat 'di ba?" Sa halip ay nanulas sa mga labi ni Calvin. At sa himig-malisya ay idinagdag: "Mabait naman ako pero kung may gustong magpakakagat, syempre ibang usapan na 'yon." Marahan pang tumawa.
Nag-init ang mukha ni Shersher. "Sino ba ang hinahanap mo rito?" Paglilihis niya.
Simpatikong ngumiti si Calvin. "Si Baby ko, kilala mo ba siya?"
Napatingin siya sa mukha nito. Nagtaka at nangunot-noo. Naroon ang amusement sa 'di niya matiyak na dahilan. At bakit may pakiramdam siyang nagwawala ang puso niya sa taguring sinabi nito? "Oo naman, kilala ko ang baby mo. Palagi mo siyang dinadala sa school, 'di ba? Teka... nawawala ba ang anak mo?" Bigla ang pag-ahon ng kutob sa kanyang dibdib.
Pero naisip ding hindi makakangiti ng ganito si Calvin kung nawawala ang anak nito. Kung ganoon ay sinong baby ang tinutukoy nito? May iba pa bang anak ito? O baka naman may ibang baby-damulag ito maliban kay Edcelle.
BINABASA MO ANG
Bakla 2: Hating Bakla : SHERIDAN (GayRomance) (Completed)
Romance"Nang muli kitang makasama at makita ang mga ngiti mo. Inisip ko na parang masarap lumimot sa galit at ikaw na lang ang isipin ko." Una pa lang... doon sa Dolores High School; nasa puso na niya si Calvin Formalejo. Tinatanaw... hinahangaan at lihim...