Imposible ba?

78 0 0
                                    

 Nagmahal ka na ba? Ng tao na hindi mo kamag-anak? Naranasan mo na bang magmahal ng taong hindi ka naman kilala? Kung oo, baka makaugnay ka sa talatang ito. Ang sakit, diba? Yung tipong halos alam mo na lahat ng tungkol sa kanya. Yung bawat araw iniisip mo kung ayos lang ba siya. Oo, naranasan ko na yan. Ang ibig kong sabihin, nararanasan ko yan ngayon. May pag-asa kaya? Iniidolo siya ng karamihan, taga-hanga lang ako. Pero patuloy pa din akong umaasa. Mali bang umasa nab aka balang araw, mapansin niya ako? Na balang araw mamahalin niya rin ako? Imposible ba?

Nang unang araw kong mapatunayan sa sarili ko na unti-unti na palang nahuhulog ang loob ko sa kanya, hindi ko kailanman naisip na mas lalala pa pala iyon, o na mamahalin ko na pala talaga siya. Dahil una pa lang, alam ko namang isa lang ako sa daan-daang tagahanga niya. Masakit man para sa akin, ngunit kailangang tanggapin. Dumadating sa puntong nananaginip ako ng gising o nag-iisip ng isang imahinasyon kung saan pwede ko siyang makasama nang walang hahadlang sa aming dalawa. Yun bang kahit doon lamang, kilala niya ako, mahalaga ako sa kanya, at higit sa lahat, na mahal niya ako. Hindi ko kailanman naisip na magmamahal pala talaga ako ng isang sikat na tao. Ang masaklap,  isang tao pa na taga-ibang bansa. Magkaiba an gaming lenggwahe kaya minsan ko lang din siya maintindihan. Ngunit kahit na ganoon, hindi ko pa rin maipagkakaila na mahal ko talaga siya. Bilang isa siyang sikat na tao, hindi maiiwasan na may maiisyu sa kanyang babae. Yung sasabihing may relasyon sila ng babaeng yun. Minsan totoo, minsan hindi. Sa totoo lang, iniyakan ko na siya. Isa sa mga rason kung bakit ko siya iniyakan ay dahil sa mga isyu na katulad noon. Yung mapapaisip na lang ako kung darating ba yung  araw na mapapansin niya rin ako kagaya nang pagpansin niya sa babaeng iyon. Dahil sa mga ganun, nasasaktan talaga ako. Pati na rin sa tuwing siya na mismo ang nagsabi na may gusto siyang babae. Masakit, sobra. Ang masakit pa dun ay yung katotohanan na wala naman talaga akong karapatan ngunit pagdating sa pag-ibig o sa taong magugustuhan, hindi naman natin iyon mapipigilan dahil normal lang naman iyon para sa isang tao. Pero isa lang naman talaga ang gusto ko  eh. Ayun ay ang mapansin niya. Imposible ba?

Mali bang umasa sa taong walang ideya na nabubuhay ka sa mundong ito? Mali bang mahalin ang taong kailanman ay hindi mo pa nakikita ng personal? Hindi naman, diba? Kung oo man, isang malaking kamalian ba ang nagawa ko? Ang umasa sa mga bagay na alam kong imposible naman. Pero wala naman imposible, hindi ba? Yun ang sabi ng iba ngunit hindi natin alam kung wala nga ba dahil sadyang may mga bagay na imposible talagang mangyari. Katulad na lang ng paglipad. Tayong mga tao, hindi o imposible talaga tayong makalipad nang walang gamit na mahika, imbensyon o teknolohiya. Ngunit magiging posible lamang ang mga iyon kung tayo ay gagawa ng paraan. Masakit man ngunit kahit iugnay ko man iyon sa aking kagustuhan, imposible pa din. Malaki ang pinagkaiba ng realidad sa imahinasyon lamang. Upang makamit natin ang tunay na kasiyahan, mahalagang tanggapin muna natin ang realidad. Mahalagang alamin kung ano ang pagkakaiba ng mga bagay-bagay  tulad na nga ng imahinasyon at realidad. Walang masama kung aasa kanga ng imahinasyon ay maaaring maging katotohanan ngunit dapat mong alamin ang iyong limitasyon upang hindi ka masaktan. O kung masaktan ka man, hindi naman sobra kung ikukumpara sa sakit na maaari mong maramdaman kung patuloy kang aasa sa isang bagay. Sa tingin ko, lahat naman ng tao na may kagustuhan na mapa-tao man, bagay o pangyayari ay minsan na ring nakaisip o minsan nang natanong sa sarili kung posible o imposible ba ang kanyang nais mangyari. Ikaw, ano ang masasabi mo? Imposible ba?

Imposible Ba?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon