Sa isang malawak na parang, tanging unga lamang ni Calla Kalabaw ang kinatatakutan. Sa tuwing umuunga at naglalakad siya, nagsisitago ang maliliit na hayop at mga insekto.
Isang araw, galing si Calla Kalabaw sa ilog, pagkatapos sumabsab ng damo. Gusto na niyang magpahinga. "Ungaaa!" mahabang sigaw niya habang binabagtas niya ang malilim na puno sa gitna ng parang.
Gaya ng dati, nagpulasan ang mga insekto, nagtakbuhan ang mga hayop, at nagliparan ang mga ibon.
Tawa siya nang tawa sa kaniyang nakikita. "Habang ako ang reyna ng parang, susundin at katatakutan ninyo ako," bulong niya bago nahiga sa ilalim ng puno.
Nang makatulog si Calla Kalabaw, nagbulong-bulungan ang mga insekto at hayop. Kinaiinisan nila ang pagiging palautos, tamad, at masamang ugali ni Calla Kalabaw.
"Jack Tagak, suplada si Calla Kalabaw, 'no? Hindi namamansin. Akala mo kung sino," nakangiwing sumbong ni Daniel Daga."
"Oo nga! Pero, sa akin, hindi siya makaastang ganiyan. Tutukain ko siya!" pagalit na biro ni Jack Tagak. Nagtawanan na lang ang mga hayop.
Samantala, matamang nakikinig sa kanila si Gela Langaw. Naisip niyang kaibiganin si Calla Kalabaw. Nais niyang maranasang maging kaibigan ang itinuturing na reyna ng parang. Patutunayan niyang nagkakamali sila sa akala kay Calla Kalabaw. Sa tingin niya, makakasundo niya ito.
Lumipad siya sa kinaroroonan ni Calla Kalabaw. Inikot-ikutan niya ito upang magising. Subalit, ni hindi niya ito natinag.
Maya-maya, natanaw ni Gela Langaw ang maliit na sugat sa likod ni Calla Kalabaw. Dumapo siya roon at agad na kinagat upang mapansin siya nito.
"Aray!" sigaw si Gela Langaw. Nahampas kasi siya ng buntot ni Calla Kalabaw.
Sa halip na matakot, inulit pa niya ang pagkagat sa sugat, pero naging mas maingat siya. Isang hampas uli ang ginawa ni Calla Kalabaw, ngunit agad na nakaiwas si Gela Langaw.
Sa ikatlong beses, dumilat na si Calla Kalabaw. Nakita agad niya si Gela Langaw, na nasa sa may ilong niya.
"Magandang tanghali, Calla Kalabaw!" masayang bati ni Gela Langaw.
"Umalis ka sa ilong ko! Nakikiliti ako." Galit na umiling-iling si Calla Kalabaw upang umalis si Gela Langaw sa kaniyang ilong.
Lumipat si Gela Langaw sa sungay ni Calla Kalabaw. "Alam mo ba, Calla Kalabaw? Sabi nila, masungit ka raw. Masama raw ang ugali mo. Hindi ako naniniwala sa kanila."
"Kaya ka ba nangungulit?" Tumayo na si Calla Kalabaw.
"Oo. Naniniwala akong mabuti kang kaibigan." Lumipad si Gela Langaw. Dumaan siya sa mga mata ni Calla Kalabaw bago dumapo sa likod nito. Hindi siya makapaniwalang nakatuntong na siya roon nang hindi natatakot na mahampas ng buntot. Para siyang nasa langit.
"Hindi ka ba natatakot sa akin, gaya ng iba?" Tiningnan ni Calla Kalabaw si Gela Langaw, bago niya binugaw ng kaniyang buntot.
Bahagyang nagulat si Gela Langaw sa ginawa ni Calla Kalabaw. "H-hindi! Hindi ako natatakot sa 'yo kasi wala namang akong ginagawang masama sa 'yo. Ang totoo nga n'yan... " Lumipat siya sa sungay. "...kaya kong gawin anuman ang iyong ipagawa. Basta hayaan mo lang akong nakaapak sa likod mo."
"Talaga? Gagawin mo ang lahat para sa akin?"
"Oo! Sasabihin ko pa sa 'yo ang mga tsismis na ibinabato sa 'yo ng mga hayop at insekto."
Tumango-tango si Calla Kalabaw habang nag-iisip at nakatingin sa malayo.
Ilang sandali ang lumipas, nagsalita na si Calla Kalabaw. "Sige, sabihin mo sa akin kung sino-sino ang kumakalaban sa akin."
YOU ARE READING
Ang Alamat ng Parang
General FictionIto ay mga kuwento ng bawat hayop at insekto sa parang. Tiyak makaka-relate ang bawat mambabasa sa lahat ng tauhan.