"'MA! ALLOWANCE ko!" humahangos na habol ni Silverstein—o madalas na tawaging Silver—sa mga magulang. Hindi na kasi sila magkikita kinabukasan dahil madaling araw na ang uwi nila.
Kahit mayroong allowance si Silver sa pagva-varsity at sagot ng school ang tuition fee, kailangan pa rin niya ang allowance na bigay ng mga magulang. Marami silang project ngayon sa school. Doon siya kumukuha ng budget.
"Ang ingay mo. Nakakahiya kina Jessica!" asik ng inang si Betty sa anak. Fifty five years old na pero mukha lang itong forty. Palibhasa ay alaga nito ang sarili. Kasama rin iyon sa trabaho nito. Laging nakaayos. Nagta-trabaho ito sa comedy bar bilang stand up comedienne. Comedienne man sa labas, pagdating sa loob ng bahay ay ulirang ina ito. Agad na nitong kinuha ang wallet sa bag at naglabas ng pera saka iniabot kay Silver.
"Mana lang ako sa inyo, 'ma." biro niyang sagot matapos kunin ang allowance. Tingin ni Silver ay totoo iyon dahil maingay din siya.
Napahalakhak si Randy—ang ama ni Silver. Kaedad ito ng nanay niya. He was the coolest dad, ever. Ala-Pepe Smith ito. Payat, matangkad, hanggang patok ang buhok at laging nakasuot ng leather pants at jacket. Vocalist ito ng isang acoustic band. Nag-gi-gig ito malapit sa comedy bar na pinapasukan ng ina sa bayan ng Guevarra, Nueva Ecija.
Nagiisang anak si Silver. Hindi na nabigyan ng pagkakataong magkaroon pa siya ng kapatid dahil pagkasilang sa kanya ay nagkaroon ng sakit sa matris ang nanay niya. Kinailangan iyong alisin. Dahil doon ay wala na itong kakayahang magbuntis.
"Nakakatawa 'yon? Ha?" tanong ni Betty. Mulagat na mulagat ang mga matang mayroong false eye lashes. Para tuloy itong si Betty Boop. Tingin ni Silver ay kaya iyon ang pangalan dito sa bar ay nahahawig ito sa cartoon character.
But still, her mother was cute. May kaliitan ito pero perfect ang curves. Kulot ang buhok hanggang balikat. Hindi na sinusuklay pero maayos pa ring tingnan. Ganoon din naman si Silver. Ang pinagkaiba lang nila ay mahaba ang buhok niya. Hindi niya puwedeng paigisihan dahil hindi niya iyon maitatali. Kailangan pa namang nakatali lagi ang buhok niya sa game.
Hilig na ni Silver ang paglalaro. Mula elementary ay player na siya. Dahil batak na sa kakalaro, hindi siya nahirapang makapasok sa Guevarra Vixens.
"Totoo naman ang sinasabi ni Silver. Mana naman siya sa'yo. Kaya ang ingay ninyong dalawa!" kantyaw ni Randy.
Napabungisngis si Silver. Ang ina naman ay natawa na rin at napailing. "Nahihiya lang ako kina Jessica. Katabi lang natin sila. Dinig na dinig nila tayo."
Inakabayan ni Silver ang ina. "'Ma, sanay na sila sa ingay natin." aniya at kinindatan niya ito.
Natawa ulit ang mga magulang niya. Best friend ni Silver si Jessica. Mula elementary hanggang senior high, magkaklase sila nito. Lagi silang magkatabi sa upuan. Nagkahiwalay lang sila nitong college dahil iba ang course nito. Industrial Engineering ang kurso ni Jessica.
Kaya alam ni Silver na hindi na issue sa family ni Jessica ang ingay nilang mag-anak. Close ang pamilya nila. Sa katunayan, may mga pagkakataong nakiki-kapitbahay si Jamilla—ang nanay ni Jessica para makichika sa nanay niya. At kapag magkasama na ang dalawa ay walang humpay na tawanan at hagikgikan ang naririnig niya. Ang tatay din ni Jessica na si Manuel—ay suki sa bar na tinutugtugan ng tatay niya. Doon nito madalas dalhin ang mga boss kung gustong mag-unwind.
"O siya. Aalis na kami. Male-late na kami ng papa mo." ani Betty at pumasok na sa kotse. Sumunod naman ang papa niya. Kumaway na si Silver sa ama at umalis na ang dalawa.
Napahinga nang malalim si Silver at pumasok na sa bahay. Sinigurado niyang lock na ang lahat bago siya nahiga sa kama. Alas nuwebe na ng gabi. Madalas ay magisa na lang siyang naiiwanan sa bahay. But that was okay. Sanay na siya.
BINABASA MO ANG
MY LOVELY LIBERO
RomanceTHIS STORY IS WRITTERN BY CRANBERRY LAUREL. The story is all about Silverstein, the libero of team Guevarra Vixens, who has long time crush named Kevin. Magkaiba ng personalidad ang dalawa. Silverstein ay outgoing, bubbly at active samantalang seri...